"GO, STONE!" sigaw ni Kisa kasabay ng pagtalon nang maipasok ni Stone ang bola.
Limampung shots na ang naipasok nito nang araw na iyon. Sa kabuuan ay nakaka-two hundred fifty three layups at jump shots na ito sa loob lang ng apat na araw. Masasabi niyang nag-improve na talaga ito. Mas maganda na rin ang porma nito kapag tumitira ito.
"Whew!" Pasalampak na umupo ito sa sahig pagkatapos nitong mai-shoot ang bola.
Sinundan niya ang gumulong na bola. Yumuko siya para pulutin iyon at nang tatayo na siya ay natigilan siya. Isang magandang babae ang nakita niya pero nasa labas ito ng bakod. Base sa pagkakatayo nito, mukhang kanina pa ito nanonood.
Maganda talaga ang babae. Mestiza ito, kulay-tsokolate ang mga mata, matangos ang ilong, at mapupula ang maninipis na labi. Matangkad din ito at maganda ang pangangatawan. Simpleng sleeveless shirt at short shorts lang ang suot nito pero mukha pa rin itong elegante at sosyal.
Sinalubong nito ang titig niya. Nginitian siya nito bago ito tumalikod at nagsimula nang mag-jogging.
Wow, sa isip ay nasambit niya. Noon lang siya nakakita ng ganoon kagandang babae. At hindi pa ito suplada.
"'Ling, ano ba'ng ginagawa mo riyan?"
Nilingon niya si Stone. Nakatayo na ito at nagpupunas ng pawis sa mukha gamit ang dala niyang face towel. "I think I just saw an angel."
Luminga ito sa paligid. "Wala naman, ah."
"Never mind." Baka magkagusto ka pa sa babaeng 'yon kapag nakita mo. "Uuwi ka na ba?"
"Oo. Gusto ko nang magpahinga." Nag-inat ito. "Teka, bakit mo naitanong?"
"Magpapasama sana ako sa 'yo."
"Saan?"
Inilagay niya ang bola sa basket ng bisikleta niya, saka nakangiting hinarap ito. "Basta. Samahan mo na 'ko, please?"
Bumuga ito ng hangin. "All right. Pero ako ang magpepedal."
Nagulat siya. "Sure ka? 'Di ka pa pagod?"
"Umangkas ka na lang bago pa magbago ang isip ko," parang iritadong sabi nito. Pero sa tingin niya, nahihiya lang ito.
Ngumisi siya. Umangkas siya sa bisikleta nang makasakay na ito. Pero sa halip na umupo ay tumayo siya. "Let's go, captain!"
"Kumapit ka't baka mahulog ka."
Natawa lang siya at itinaas ang mga kamay niya sa hangin habang sumisigaw. Alam niyang hindi nito hahayaang mahulog siya.
Hindi niya inakalang darating ang araw na magiging ganito siya kasaya kasama ang taong ilang beses na siyang itinaboy at sinaktan ang damdamin. Puwede rin pala silang magkasundo. Mas magaan din sa pakiramdam ngayong hindi na siya nito iniiwasan.
"Saan ba tayo pupunta?" basag nito sa katahimikan.
Natatanaw na niya ang maliit na mall na gusto niyang puntahan. "Doon sa mall na 'yon. May kukunin kasi ako ro'n."
"All right."
Nagpedal ito patungo sa mall na itinuro niya. Ipinarada nito ang bisikleta sa parking lot. Ang akala niya ay hindi na ito sasama sa kanya kaya nagulat siya nang sumunod ito sa kanya sa loob. Pero hindi na niya pinansin iyon dahil baka masamain nito ang sasabihin niya at layasan siya nito.
"Dito, Stone," sabi niya nang makita ang shop na kailangan niyang puntahan.
Tahimik lang itong sumunod sa kanya.
Bilihan iyon ng mga panyo, tuwalya, at face towel na maaaring paburdahan. May paninda rin doon na scented candles, stuffed toys, at figurines.
"Ate, kukunin ko na po 'yong pinaburdahan kong face towel," nakangiting sabi niya sa tindera. Nakaupo ito sa harap ng makina. Ito kasi mismo ang nagbuburda sa mga produkto roon.
BINABASA MO ANG
Miss Ugly Duckling Chases Mr. Bangko (COMPLETE)
Romance"'Sabi mo, I deserve someone better. Sino ba 'yong 'someone better' na 'yon? Kamag-anak ba siya ni 'someone like you'? Well, pakisabi kay 'someone better' na hindi ko siya kailangan dahil meron na akong 'someone like you.'" Funny-walain si Kisa kaya...