"WHAT?" bulalas ni Kisa. Nakakunot-noong napaharap siya sa kanyang ina na katabi niya sa mesa sa kusina. Kasama rin nila roon si Oreo. "Talagang pansamantala siyang titira sa bahay natin, 'Ma?"
Tumango ito. "Anak siya ng kaibigan kong namayapa na. Kababalik lang ni Oreo sa Pilipinas. Habang hindi pa siya nakakahanap ng condo, dito na muna siya sa atin titira kaysa naman mag-stay siya sa isang hotel. Sayang ang pera," paliwanag ng kanyang ina.
"Aalis din ako rito pagdating ng daddy ko," sabi naman ni Oreo sa parang inaantok na tinig. Pagkatapos ay parang natigilan ito at napaisip. "O baka puwede ring mas tumagal pa ako rito kahit pa dumating na si Daddy."
"Ano'ng ibig mong sabihin?"
"Ahm, Oreo, hindi pa namin napapag-usapan ni Kisa ang tungkol sa bagay na 'yan," awat ng kanyang ina rito.
"Sorry, Tita Klaris," hinging-paumanhin ni Oreo.
Lalo siyang napakunot-noo sa inaasta ng mga ito. "Ano ba'ng nangyayari?"
Tumikhim si Oreo. "I'll go to my room now. Excuse me," sabi nito at lumabas na ito ng kusina dala ang mug ng kape nito.
"Ano'ng ibig sabihin ng lalaking 'yon sa sinabi niya, 'Ma?" tanong niya. Hindi siya masaya na naglilihim sa kanya ang mama niya at alam iyon ng ibang tao. Nagseselos siya.
Ngumiti ang kanyang ina pero halatang pilit iyon. "Kisa, anak, hindi ka pa rin ba handang harapin ang papa mo?"
Napalitan bigla ang pag-aalala niya ng iritasyon. "'Ma, kailangan pa ba talaga nating pag-usapan si Papa?"
Hinawakan nito ang kamay niya. "Anak, move on. Hindi ka magiging masaya hangga't hindi mo pinapakawalan ang galit diyan sa puso mo."
Umiling siya. "'Ma, nakita ko kung gaano ka nasaktan at kung paano ka gabi-gabing umiyak noon. Tuwing naaalala ko 'yon, nagagalit ako."
"Kisa, masaya na ako ngayon."
Natigilan siya. Sa loob ng mahabang panahon ay pilit niyang nilalabanan ang pangungulila sa kanyang ama sa pamamagitan ng galit. Pero kung masaya na talaga ang kanyang ina, mawawalan na siya ng dahilan para patuloy na magalit sa kanyang ama. At ayaw niyang patawarin ang kanyang ama. Dahil naniniwala siyang iyon lang ang dahilan para maalala sila nito.
Tumayo siya. "Magpapahinga na 'ko, 'Ma." Umalis na siya nang hindi hinihintay ang sagot ng kanyang ina. Narinig niyang tinawag siya nito pero hindi siya lumingon.
Pero sa halip na sa kuwarto niya ay sa hardin siya nagtungo. Umupo siya sa stone bench doon. Gusto niyang kalimutan ang kanyang ama kaya si Stone ang inisip niya. Pero sakit lang din ang idinulot niyon sa kanya. Naalala kasi niya ang interview rito.
"Ano'ng iniisip mo?"
Nasapo niya ang dibdib dahil sa pagkagulat. "Ano ba, Oreo! Nanggugulat ka."
Tumawa lang ito at sumalampak ng upo sa damuhan sa tabi ng mga halamang nakapaso. May hawak itong malaking lollipop. "Bakit umiiyak ka na naman?"
Awtomatikong dumampi ang mga kamay niya sa magkabilang pisngi niya. Basa nga ang mga iyon, tanda na umiyak nga siya.
"Akala ko, ako 'yong babaeng tinutukoy niya. Pero hindi pala ako. Si Monique pala," pagkukuwento niya kay Oreo. Wala na siyang pakialam kung maintindihan man nito o hindi ang mga sinasabi niya.
"Ah, tungkol ba ito sa broadcast kaninang umaga?"
"Alam mo?"
"Alam mo, Kisa, sa love, may dalawang rules: One, never expect. Two, never assume. Dahil ang dalawang iyon ang sanhi ng kalungkutan ng lahat ng taong nagmamahal," kaswal na sabi nito.
Ngalingaling singhalan niya ito. Naiinis siya sa kawalan nito ng pakialam. "Hayaan mo, sa susunod hindi na ako mag-e-expect at mag-a-assume."
***
"KISA, sigurado ka ba rito?"
Hindi pinansin ni Kisa si Oreo at sa halip ay sinindihan niya ang mga kandila sa mesa. Naghanda siya ng candlelit dinner sa gitna ng court na madalas nilang puntahan ni Stone kapag nagpa-practice ito. Tinawagan na niya si Stone kanina at pinapunta niya ito roon.
"Kisa..."
Hinarap niya ito. "Puwede ka nang umalis. Salamat sa tulong mo," pagtataboy niya rito.
Nagpapasalamat siya rito dahil kahit hindi niya hiningi ang tulong nito, tinulungan pa rin siya nito sa pag-set up ng candlelit dinner at pagsigurong walang ibang taong pupunta roon. Pero hindi ito puwedeng manatili roon dahil moment nila ni Stone iyon.
Tumingala si Oreo. "Parang uulan."
Napansin din nga niyang makulimlim ang kalangitan kanina at mas malamig kaysa sa normal ang hangin. Pero ayaw niyang kanselahin ang sorpresa niya para kay Stone. Dalangin niyang sana ay huwag bumagsak ang ulan hangga't hindi natatapos ang dinner na inihanda niya para kay Stone.
"Sige na, lumakad ka na," sabi niya.
"All right. I'm going na. Good luck." Bago umalis ay ginulo pa nito ang buhok niya.
"Sira talaga 'yon," aniya habang inaayos ang buhok niyang ginulo ni Oreo.
Naghanda siya ng espesyal na dinner na iyon dahil gusto niyang makausap si Stone. Nakapagdesisyon siyang magtapat dito. Gusto niyang malaman kung talagang umasa lang ba siya, o may dahilan kung bakit siya umasa.
Naramdaman niyang espesyal din siya kay Stone. Pero tulad nga ng sinabi ni Oreo, hindi siya dapat mag-assume kaya aalamin na lang niya mula mismo kay Stone ang katotohanan.
"Kisa."
Agad siyang napalingon sa nagsalita. Lumukso ang puso niya nang magtama ang mga mata nila ni Stone. "Stone. 'Buti nakarating ka." Dumampot siya ng isang tangkay ng rosas sa mesa.
"Para saan 'to, Kisa?"
Nilapitan niya ito at kasabay ng pagsasalita ay iniabot dito ang pulang rosas na hawak niya. "May gusto sana akong sabihin sa 'yo."
Hindi nito pinansin ang bulaklak. "Kisa—"
Itinaas niya ang isang kamay upang pigilan ito sa pagsasalita. Uunahan na niya ito dahil nararamdaman niyang pipigilan siya nito sa sasabihin niya. "Mahal kita, Stone. Siguro nga no'ng una ay simpleng crush lang ang nararamdaman ko para sa 'yo. Pero nagbago ang lahat nang magkalapit tayong dalawa. Lumalim ang nararamdaman ko para sa 'yo, nagkaroon ng kahulugan. At ngayon, gusto ko na ring magkaroon iyon ng katugon. Hindi mo man sabihin, o pilit mo mang itanggi, nararamdaman ko na kahit kaunti ay nagkaroon na ako ng puwang sa puso mo. Now, all I'd like to know is... can I occupy your heart fully?"
"No."
Nabitawan niya ang rosas na hawak niya. "No?"
Marahas na nagpakawala ito ng hininga. "Kisa, hindi tayo pareho ng nararamdaman. Naging malapit ako sa 'yo, oo. Pero dahil lang nakita ko na puwede tayong maging magkaibigan. Kung alam ko lang na aasa ka pala dahil sa pagkakalapit natin, hindi na sana ako nakipaglapit sa 'yo."
Pakiramdam niya ay libo-libong tinik ang tumarak sa puso niya. Pero nilabanan niya iyon. Gusto niyang ipaglaban ang damdamin niya. "Talaga bang hanggang kaibigan lang ang tingin mo sa akin? Dahil ba si Monique ang gusto mo?"
Nag-iwas ito ng tingin. "Hindi ko rin gusto si Monique. Kisa, walang patutunguhan ang usapang ito. Sa tingin ko, hindi na rin natin puwedeng ipagpatuloy ang pagkakaibigan natin. Good-bye." He turned around and started walking away.
"If you walk away now, I'll never chase you again, Stone!" banta niya.
Saglit na huminto ito sa paglalakad. Nabuhayan siya ng pag-asa. Pero mayamaya lang ay itinuloy nito ang paglalakad palayo.
Pakiramdam niya ay nagkapira-piraso ang puso niya.
BINABASA MO ANG
Miss Ugly Duckling Chases Mr. Bangko (COMPLETE)
Roman d'amour"'Sabi mo, I deserve someone better. Sino ba 'yong 'someone better' na 'yon? Kamag-anak ba siya ni 'someone like you'? Well, pakisabi kay 'someone better' na hindi ko siya kailangan dahil meron na akong 'someone like you.'" Funny-walain si Kisa kaya...