Chapter Fifteen (Final)

7K 229 37
                                    


"I'M SO happy for you, Kisa!"

Natawa si Kisa nang yakapin siya ni Cloudie. "Thank you, Cloud."

"Sorry kung wala ako sa tabi mo nitong nakaraan, ha?"

"Ano ka ba? Okay lang 'yon, 'no. Lagi ka namang nandiyan para sa akin mula pa no'ng bata pa tayo. Hindi ako magtatampo sa 'yo dahil alam kong kahit hindi kita kasama, parati mong ipinagdarasal ang kaligayahan ko," nakangiting sabi niya.

"Talaga?"

Tumango siya.

Ngumiti na ito at ikinawit ang braso nito sa braso niya. "Puwes, dadalhin na kita ngayon sa kaligayahan mo."

Nanlaki ang mga mata niya nang makitang papunta sila sa gym. "C-Cloud, hindi ako sigurado kung kaya ko nang harapin si Stone. Pagkatapos ng mga nalaman ko, parang nahihiya akong makita siya."

"Kisa, nakalimutan mo na bang ang pagtatago mo sa papa mo ang dahilan kung bakit hindi kayo nagkaayos agad? Kung hindi mo kakausapin si Stone ngayon, gusto mo bang maghintay rin nang walong taon bago kayo maging okay?"

Mabilis siyang umiling.

"Then let's go!"

Natawa na lang siya at nagpatianod na rito. Sa totoo lang, kinakabahan siya. Hindi niya alam kung paano kakausapin si Stone.

Bahala na nga. Ang mahalaga, masabi ko sa kanya na mahal ko pa rin siya. At kailangan ko ring malaman kung mahal din niya ako.

Pero pagdating sa gym ay nakita niya si Stone na nakaupo sa bleachers at nakikipagtawanan kay Monique na katabi nito sa upuan. Ang gandang tingnan ng mga ito. Parehong nakaputing T-shirt ang mga ito.

Parang may pumiga sa puso niya. Biglang tinangay ng hangin ang lakas ng loob niya. Baka nga talagang nakokonsiyensiya lang si Stone sa nangyari sa kanya kaya ito mabait sa kanya. Baka awa at hindi talaga pagmamahal ang nadarama nito para sa kanya.

"Kisa, huwag kang magpaapekto sa nakikita mo," sabi ni Cloudie. "Ngayon ka pa ba susuko?"

Dahil sa mga sinabi nito ay lumakas uli ang loob niya. Hindi niya hahayaang misunderstanding na naman ang maging dahilan ng kalungkutan at sakit ng damdamin niya.

"Thank you, Cloudie," nakangiting sabi niya rito. Ngumiti lang din ito. Ikinuyom niya ang mga kamay at naglakad palapit kay Stone.

Pero nang makita niyang hawak ni Stone ang pisngi ni Monique ay parang gusto niyang umiyak at tumakbo pauwi. Nilingon niya si Cloudie para sana humingi ng saklolo pero kausap na nito si Snap.

Nagkamot sa kilay si Snap habang nakangiti at hawak ang isang pink na sobre. "Wow! Hindi ako makapaniwalang binigyan ako ng love letter ng pinakamagandang Broadcasting student ng Sunray. What can I say? I feel so honored."

"Hindi. Nagkakamali ka ng akala," sabi ni Cloudie. "Makikiusap lang sana ako sa 'yo kung puwede mong ibigay ang sulat na 'yan kay Ashton Cruz, tutal, ikaw naman ang captain ng basketball team. Salamat!" Tumakbo na ito palayo.

Naiwan si Snap na tulala. Mayamaya ay dumako ang paningin nito sa kanya. "Kisa, what's wrong with your friend?" Iwinagayway nito sa harap niya ang hawak nitong sobre. "Did she just choose the fat mascot boy over me? Me, the captain of SBT? I'm way more handsome compared to that... that... fat boy!"

Natawa siya nang mahina. "Exactly. Guwapo ka kaya ayaw sa 'yo ni Cloudie. Allergic 'yon sa guwapo."

Lalong nagsalubong ang mga kilay nito. "Anong klase babae 'yang kaibigan mo? Itatayo ko ang bandera ng mga pogi!" anito, saka tumakbo palabas ng gym para marahil habulin si Cloudie.

Napailing na langsiya habang sinusundan ng tanaw si Snap. "Good luck, Snap. Tingnan na lang natin kung magustuhan ka ni Cloudie."

"Watch out!"

Gulat na napalingon siya sa pinanggalingan ng tinig. Napasinghap siya nang makitang isang bola ang patungo sa direksiyon niya. She closed her eyes and covered her face with her hands as she ducked down to avoid the ball. Nagsigawan ang mga tao sa paligid pero wala naman siyang naramdamang tumama sa kanya.

Dahan-dahan siyang nagmulat ng mga mata. Napasinghap uli siya nang makitang iniharang pala ni Stone ang katawan nito sa kanya upang hindi siya tamaan ng bola. "Stone! Nasaktan ka ba?"

Minasahe nito ang balikat nito. "Okay lang. Hindi naman gaanong masakit. Tulungan na kitang tumayo." Hinawakan siya nito sa braso at marahan siyang hinila patayo.

Napatitig siya rito. His gaze grew warmer as he stared back at her. Hindi rin nito inaalis ang kamay nito sa braso niya kaya ramdam pa rin niya ang init niyon sa balat niya.

Napahikbi siya. "Stone..."

Gumuhit ang pag-aalala sa mukha nito. "Hey, what's wrong? Natakot ka ba?"

Umiling siya. "I'm sorry."

Kumunot ang noo nito. "For what?"

"Alam ko na ang nangyari sa mommy mo. Nalumpo siya dahil sa ginawa ng mama ko." Yumuko siya. "Nahihiya ako dahil ang lakas ng loob kong magalit sa inyong mag-ina. 'Yon pala, malaki rin pala ang kasalanan ni Mama sa mommy mo. Hinahangaan ko ang mommy mo dahil sa kabila ng lahat, napatawad pa rin niya ang mama ko. At hindi pa siya nagdemanda."

"Ginawa ni Mommy 'yon dahil ayaw niyang mawalan ka ng ina." Niyakap siya ni Stone. "Wala kang dapat ihingi ng tawad. Walang may gusto sa mga nangyari, Kisa. Naniniwala akong pare-pareho na nating napagbayaran ang kung anumang naging kasalanan ng mga magulang natin sa nakaraan."

Ipinulupot niya ang mga braso niya sa baywang nito. "Hindi ko tuloy maiwasang isipin na ang naging kabayaran ng pagkakalumpo ng mommy mo na kasalanan ng mama ko ay itong peklat sa mukha ko."

Ikinulong nito ang mukha niya sa mga kamay nito at itinaas iyon para magtama ang mga mata nila. Nakangiti ito sa kanya habang masuyong pinadadaanan ng daliri ang peklat sa mukha niya. "Puwedeng tama ka, puwede ring hindi. Maaari ngang ang peklat na ito ang nagsisilbing tagapagpaalala ng mga pagkakamali ng mga magulang natin noon. Pero gusto kong baguhin 'yan."

Napakunot-noo siya. "Ano'ng ibig mong sabihin?"

Hinalikan nito ang peklat niya. "Kagaya ng peklat sa mukha mo, hindi kukupas ang pagmamahal ko sa 'yo. Isipin na lang natin na ito ang simbolo ng pagmamahalan natin at ito rin ang nagbigkis sa ating dalawa."

"Wait!" putol niya sa madamdaming pagtatapat nito. "Mahal mo ba ako, Stone?"

Tumawa ito. "I want to give you a sarcastic answer for that stupid question. But I can't do that when I'm looking into your hopeful eyes. Oo, Kisa. Mahal kita. Mahal na mahal."

Napangiti siya dala ng sobrang kilig. "Finally!" Kapagkuwan ay lumabi siya. "Eh, si Monique?"

"Huwag ka nang magselos kay Monique. Nagpapatulong lang siya sa akin dahil may gusto siya kay Snap." Masuyong ginulo nito ang buhok niya. "Matagal na kitang mahal. Hindi ko lang ipinapahalata dahil iniisip kong hindi ako karapat-dapat sa 'yo."

Umiling siya. "They say the person who believes he doesn't deserve you is the only person who deserves you." Pinisil niya ang magkabilang pisngi nito. "We deserve each other, Stone."

Humalakhak ito. "You're right. Case closed." At parang para selyuhan ang sinabi, hinalikan siya nito sa mga labi na malugod naman niyang tinugon.

---WAKAS---

[Epilogue and what happens years later are exclusive to the book. Thank you for reading.]

Miss Ugly Duckling Chases Mr. Bangko (COMPLETE)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon