MINSAN, may isang feeling philosopher na nagsabi na wala raw forever. Siguro, kaya iyon nasabi ng taong iyon ay dahil palaging nag-iiba ang presyo ng gasolina, bawang, kuryente at sex. Kasing-constant din ng profile picture ng babaeng gandang-ganda sa sarili ang feelings ng ibang tao, kaya walang relasyong tumatagal ng isang buwan.
Pero para kay Whitney—Dela Cruz, hindi Houston—may forever. Siya at si Obeng—her gay best friend. The connection between them would last forever. She was sure of that.
"So, isusulat ko na si Angelo sa No-Date List natin ha?" sabi ni Obeng sa kanya, habang humihigop ng kape nito. Doon medyo natauhan si Whitney. Tulala lang kasi siya sa kaibigan, na parang napaka-attractive habang sumisimsim ng kape.
"Sure," she said. "Ilagay mo na siya."
Maraming beses na rin silang nag-away ni Obeng—tungkol sa politika, relihiyon, sistema ng edukasyon, pero isinumpa nila noon sa isa't-isa na hindi sila mag-aaway dahil sa lalaki. Hindi sila mag-aagawan sa isa, tulad ng nangyayari sa ilang magkakaibigang babae.
So they have this somewhat stupid, "No-Date" list. Sa listahang iyon nakasulat ang mga lalaki na hindi nila puwedeng i-date, dahil nagkaroon ng involvement sa isa, o kung hindi naman, naunahan nang maging bet ng isa. Si Obeng lang ang nakakahanap ng lalaking ililista doon dahil sa totoo lang, wala naman siyang balak na agawan ito ng lalaki, ever.
Siguro praning lang si Obeng dahil nga bading ito. Palagi itong naloloko. She knew Obeng was constantly kissing frogs because he wanted to forget the guy which he wanted to be his prince.
Ang lalaking nasa unahan ng No-Date list.
Si Oman Villaruiz, school mate nila noong college, at first love nito. Mahaba at komplikado ang istorya ng mga ito, dahil minsang nagpanggap na babae si Obeng sa text at nakipag-flirt kay Oman. Si Oman naman, nadala ng mga salita ni Obeng. Umamin ito na na-attract sa personality ni Obeng. Nang magkabukuhan na bading pala si Obeng, nagalit siyempre 'yong lalaki. Pero eventually, nagka-ayos din. And they became friends in their own way.
Pero siyempre iyon 'yong friendship na may konting malisya—kasi aware si Oman na may feelings dito si Obeng. Kung tutuusin, okay din naman iyon. Si Whitney nga, hindi aware ang mahal niya na may malisya siya rito.
"Bakit ka naman tulala?" sabi sa kanya ni Obeng. "Ganyan ka lagi these past few days. Umamin ka. Buntis ka ba?"
Pinandilatan niya ito. "Kapag tahimik, buntis agad? Hindi ba puwedeng nag-e-emote lang?"
"Bakit ka nag-e-emote?"
"Kasi waley akong love life," sabi ni Whitney. Alam kasi niyang magiging interesado lang si Obeng sa sasabihin niya kapag tungkol iyon sa pag-ibig. Mas hopeless romantic pa ito sa mga fan ng Twilight, combined. "As in never akong nagkaroon."
"Kasi naman... I mean, hindi naman sa nang-o-offend ako pero... try mo minsan magpa-ayos."
Whitney wasn't vain. She was fat back in college, pero that was eight years ago, now she was just chubby. Hindi siya pala-ayos ng buhok at hindi rin siya mahilig mag-make up. She was not a dude magnet at any chance. Ang asset lang daw niya ay iyong maamo niyang mukha, parang super approachable daw, parang hindi nakakaramdam ng galit.
"'Di ba ang love, accepting?" sabi ni Whitney. "I mean, kung mahal talaga ako ng lalaki, kahit hindi ako puwedeng isali sa beauty contests, dapat matanggap niya 'yon."
"Sa tipo ng mga lalaki ngayon?" sabi ni Obeng. "Hindi 'yan totoo sa kanila. May mga lalaki pa nga na nag-asawa ng maganda, tapos kapag nalosyang, iiwan nila."
Eh, bakit lalaki pa rin ang gusto mo?
"Kaya nga minsan, alam mo, naiisip ko, paano kaya kung subukan kong makipagrelasyon sa babae?" sabi nito, na nasundan ng katahimikan.
Tumingin si Obeng sa bintana ng shop. Bigla ay parang napuno ng longing ang mukha nito. By just looking at him, she could sense that he was feeling like a jigsaw puzzle with a missing piece. Incomplete. "Alam ko naman na sa Pilipinas, hirap ang bakla na humanap ng pamilya na kung sa'n lalaki ang kinakasama niya. Madalas ko tuloy iniisip na baka tumanda ako mag-isa. Kaya naiisip ko talaga na mag-asawa ng babae, para magkaroon ng mga anak."
Pinakatitigan ni Whitney si Obeng. "Seryoso ka diyan?
Kasi kung oo, may willing na willing na maging housewife mo.
"Oo. Kaya lang, may magkakagusto ba sa 'king babae?"
Ako, Whitney almost said to him. Gusto kita.
Pero hindi niya kayang sabihin iyon. Alam niyang parang pimple lang ng artista ang feelings niya, kailangan concealed.
"Yuck," kunwaring react ni Whitney. "Kadiri. Hindi bagay."
Pinandilatan siya nito. Nagpanggap lang siya natatawa.
Alam naman niyang kahit unofficial, nakalista si Obeng sa No-Date list. A girl could not date her gay best friend. That was just batshit insane. Mabuti na nga lang at hindi nakakahalata si Obeng na may gusto siya rito. May isa pa yatang forever bukod sa connection sa pagitan nila—ang pagiging manhid nito.
BINABASA MO ANG
Ang Pinakanakakalokang Love Triangle sa Balat ng Lupa (COMPLETED/PUBLISHED)
RomantikIsang Babae... Isang Lalake... Nag-aagawan sa isang bakla... Ito ang pinakanakakalokang love triangle sa balat ng lupa!