Part 1

14.2K 254 3
                                    

December 2016

BUMUKAS ang mataas na pinto ng simbahan at kulay puti ang sumalubong sa mga mata ni Roxan. Hindi niya kayang ipaliwanag ang emosyon na gumapang sa puso. Nangyayari na talaga. Hahakbang na siya papasok sa simbahan—sa katuparan ng kanyang dream white wedding!

Ang white wedding na pareho nilang pangarap ng ina. Hindi iyon natupad ng Mama niya. Kaya naman, pinagplanuhan talaga ni Roxan ang pagtupad sa pangarap nilang mag-ina. Ngayon ay heto na, ikakasal na talaga niya. Sa favorite date ng ina. Ang araw na pipiliin daw na date ng kasal nito at ng Papa niya kung naging iba lang ang sitwasyon. Imposibleng matupad ang pangarap ng ina kaya siya na lang ang tutupad sa pangarap nilang dalawa.

Ilang segundong parang naging bride statue muna si Roxan; nakatayo lang sa gitna ng pintuan ng simbahan at walang kakilos-kilos. Pagkatapos ng walang paliwanag na emosyon na naramdaman niya, binalot naman ng lungkot ang kanyang puso. Nasa simbahan ang pinakamalalapit na tao sa buhay niya pero wala ang mga magulang para ihatid siya sa altar. Kung buhay ang mga ito, pipilitin siguro ng Papa niya na dumating sa simbahan kahit tutol ang buong pamilya. At ang Mama niya, sigurado si Roxan na baka magdamag nang hindi nakatulog sa pag-iisip kung paano magiging maganda sa pagrampa sa aisle.

Ilang beses siyang nag-inhale exhale para ikondisyon ang sarili. One year halos na pinaghandaan ni Roxan ang araw na iyon. Kailangang matupad ang dream wedding nilang mag-ina.

At sisimulan niya sa unang hakbang papasok sa simbahan...

Narinig ni Roxan ang pamilyar na instrumental ng napili niyang kanta—The Prayer nina Celine Dion at Andrea Bocelli. Tumutok sa altar ang mga mata ng dalaga. Minsan pa siyang nagbuga ng hangin, saka inihanda ang sarili sa unang hakbang.

"I pray you'll be our eyes and watch us where we go..." pumuno sa simbahan ng magandang boses ni Freia, ang high school friend niyang unang-unang magwa-warla kung hindi niya kinuhang wedding singer. Witness ang kaibigan sa unang araw pa lang na plinano niya ang kasal. Ka-duet nito ang kaibigang crush—si Josh, band singer at aspiring actor. "And help us to be wise in times when we don't know... Let this be our prayer..."

Ngumiti si Roxan at nagsimulang humakbang palapit sa altar. Ramdam niya ang hindi normal na heartbeat kasabay ng pakiramdam na nakatutok sa kanya ang maraming mga mata. Sa mismong moment na iyon, may urge si Roxan na bilisan ang mga hakbang para makarating agad sa kung saan naghihintay si Rav. Gusto niyang hawakan ang kamay ng lalaki. Gusto niyang maramdaman ang warmth ng palad nito. Gusto niyang marinig na sabihin ng kaibigan slash groom na magiging maayos ang lahat. Titig lang at hawak sa kamay, sapat na para kay Roxan. Mapapanatag na ang puso niya.

Rav...

Mula nang unang hakbang niya, tutok ang tingin ni Roxan sa altar, sinasabayan niya ng prayer ang kanta—para maayos na matapos ang wedding ceremony.

Nang salubungin si Roxan ng Tito Lucas at Tita Kathy ni Rav para ihatid siya sa altar, naging misty ang mga mata ng dalaga. Ang lungkot lang na hindi na na-witness ng Mama niya ang katuparan ng pareho nilang pangarap.

Na-miss ni Roxan ang mga magulang, na hindi man perpekto ay mahal na mahal niya. At nang maisip ng dalaga mula sa araw na iyon ay posibleng hindi na siya mag-iisa, tumulo na ang mga luha niya.

Pero huminto rin agad ang paghakbang ni Roxan nang pagbaling sa kanya ng groom ay makita niyang hindi si Rav ang naghihintay sa altar—si Cedric na malapad ang ngiti.

Ang best man na nasa tabi ni Cedric naman ang lumingon—si Rav.

Si Rav na tinitigan lang siya nang matagal, ngumiti kahit misty rin ng luha ang mga mata. Lumapit ito at mariin siyang hinalikan sa noo bago lumampas. Narinig ni Roxan ang papalayo nitong mga hakbang.

Ano'ng nangyari?

Nagsunod-sunod ang malalaking patak ng luha ni Roxan. Hindi niya kayang ipaliwanag ang mataas na emosyon sa dibdib. Nalilito at naguguluhan siya. Ang malinaw lang sa kanya ngayon, nagsisikip ang kanyang paghinga sa sobrang bigat ng dibdib. Hindi maintindihan ni Roxan kung bakit ni hindi niya nagawang tuminag. Kung bakit parang sobra sobra ang takot niyang lumingon at makita ang mabilis na paglabas nito ng simbahan—at ng buhay niya.

Rav!

Pero walang boses na lumabas sa bibig ni Roxan.

Rav! Please, ano 'to? Bakit si Cedric ang—Rav!

Naramdaman ni Roxan ang paglaya ng bouquet na hawak niya. Parang nag-slow motion ang lahat sa paligid. Sabay ang pagkahulog ng bouquet at ang paglingon niya sa pinto ng simbahan. Huling narinig ng dalaga ang tunog ng bouquet na bumagsak sa may paanan niya.

Ang tunog na gumising kay Roxan...

Roxan And Rav PREVIEW ONLYTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon