May 2016
NINE thirty na nakauwi si Roxan sa condo. Birthday ni Andrea. Present ang buong team nito. Sa four bed room house nito sa isang kilalang subdivision sa Pasig ang venue ng event. Pinili ni Roxan na mag-taxi na lang papunta at pabalik kaysa mag-drive. Bawas pagod kung nakaupo lang siya sa backseat.
"Ann!"
Napalingon si Roxan nang marinig ang boses ni Rav. Mga tatlong hakbang pa lang ang nagawa niya papasok sa lobby ng building.
"Rav?"
Nagtaka si Roxan, agad lumapit sa lalaki. "Ano'ng ginagawa mo rito? Kanina ka pa ba?" Pagdating niya sa tapat nito, kaswal na kinabig siya ni Rav at hinalikan sa noo. Nakasanayan na niya ang forehead kiss nito tuwing nagkikita sila at kapag maghihiwalay na uli.
"Mga two hours na," sagot ni Rav, naramdaman niya ang pagdaan ng palad sa buhok at likod niya bago dumistansiya.
"Two hours!" echo ni Roxan. "Sana tumawag ka—"
"Okay na," putol ni Rav. "Nandito ka na." kinuha nito ang bitbit niyang gamit at inakbayan siya. Naglakad na sila papuntang elevator. "Hindi ka nakauwi ng seven, may biglaang event?"
"May party si Andrea," sagot ni Roxan. "Walang prior news kaya kami ang na-surprise. Biglaan ang invitation. Sa Pasig pa ang venue, sa bahay niya." nakapasok na sila sa elevator. Hindi na siya binitiwan ni Rav kahit silang dalawa lang naman ang nasa loob. "Ano'ng meron sa biglaang visit?" nakarating na sila sa palapag ng unit niya. Magkasabay silang lumabas ng elevator.
"Hindi puwedeng may na-miss lang?"
Nakaangat ang isang kilay na bumaling siya rito. "Hindi nga?"
Magaang tumawa si Rav, pinisil ang pisngi niya. "May meeting ako bukas nang maaga. Makikitulog lang po!"
Nabuksan na niya ang pinto. "Nag-dinner ka na, Rav?"
Tumango ang lalaki. "Mga two days na ang gutom ko pagdating ng Manila kaya nag-dinner na ako agad."
"Buti na lang," sabi niya at napakamot sa sentido. "Parang wala na akong groceries, eh. Tubig na lang din ang laman ng ref. Wala pa akong time mag-grocery." Itinuro niya ang couch. "Diyan na lang muna ang things ko, Rav. Thanks."
Inilapag nga nito sa couch ang mga gamit niya. Inalabas ni Roxan ang laptop at pumuwesto sa maliit na rounded dining table. Magche-check siya ng emails, mag-uupdate at magse-send ng pricelist sa mga nag-i-inquire na clients. Hindi pa siya puwedeng matulog.
"Sa bed ka na muna," sabi niya kay Rav, naghahanap na ito ng bihisan. "May mga tatapusin pa naman ako." pang-isang tao lang ang bed niya.
Tumango lang ito at tumuloy na sa banyo. Nag-quick bath ang lalaki. Pagkalabas ay nag-ayos ng sariling gamit. Lumapit sa kanya nang matapos, kaswal na hinalikan siya sa gilid ng sentido. "Good night," bulong nito, iniwan na siya para ibagsak ang sarili sa kama niya.
Nakatutok na ang atensiyon ni Roxan sa tinatapos na trabaho. Nang bumalik ang tingin niya sa kama, nakatulog na si Rav. Natagpuan niya ang sariling napapangiting nakatingin sa payapang mukha nito. At dahil nag-iipon nga siya ng maraming pictures at mga alaala, kinunan niya ng pictures si Rav. Ang pinakagusto niya, close up shot ng kaibigan na nakabaon sa unan niya ang kalahati ng mukha. Ang payapa ng anyo nito. Parang ang bait-bait.
Parang ang sarap mahalin...
Napangiti si Roxan. Bago pa siya matuksong abutin ang mukha nito, ang kumot na lang ang hinawakan niya. Maingat niyang inayos sa katawan ni Rav.
Nag-post muna siya ng picture sa FB bago hinarap ang pag-aayos ng sariling tulugan. Maglalatag na lang siya sa sahig. Hindi na niya gigisingin si Rav. Hahayaan na niyang maging tuloy tuloy ang pahinga nito.
#surprisevisit #pogingbisita—dalawa lang ang inilagay niyang hashtag sa post na may kasamang picture ni Rav na natutulog. Sunod-sunod na naman ang mga nagla-like at comment sa post niya. Ang dami yata talagang nag-aabang ng love story niya.
Napangiti si Roxan nang mag-react ng heart ang hipag ni Rav. Sumunod ay nag-comment si Kuya Rod!
That's my bro. Poging pogi 'pag tulog!
Nag-reply ng comment si Roxan. Filtered photo 'yan, Kuya Rod. Haha!
Sumagot din sa comment ang asawa ni Kuya Rod na si Jennica. Saan 'yan, Rox?
Sa place ko.
Segundo lang, may reply uli si Jennica.
Kaya pala ang himbing ni baby brother. #homeiswhereyourheartisNag-reply uli si Kuya Rod. May hindi ba kayo sinasabi sa amin?
Nagpa-plan pa lang magsabi, Kuya Rod. Sorry sa late news. Tulog kasi nang tulog si Rav. Ang comment ni Roxan kasunod ang apat na smileys. Nag-log out na siya sa Facebook pagkatapos.
Maingat na maingat ang ginawa niyang paglalatag ng tulugan sa sahig. Napapangiti siya tuwing mapapasulyap kay Rav sa kama. Hindi man dapat, naiisip ni Roxan na sana totoong couple na lang silang ikakasal. Na sana hindi siya iiwan nito pagkatapos ng masayang wedding ceremony.
Mahabang minuto na gising na gising si Roxan. Tagos sa kisame ang titig niya habang nasa mga tainga ang earphones. Pinakikinggan niya ang piniling kanta para sa magiging first dance nila ni Rav—The Way You Look Tonight.
Hindi na namalayan ng dalaga na nakatulog na siya.
At nagising kinabukasan nang binuhat siya ni Rav para ilipat sa kama. Nag-iwan na naman ang lalaki ng maingat na halik sa gilid ng sentido niya bago nagpaalam na aalis muna. Antok na antok pa si Roxan kaya hindi na siya nagtanong kung saan ito pupunta.
Nang magising siya uli, nakabalik na si Rav at nag-aayos ng groceries. Pagbukas niya ng refrigerator, hindi na tubig lang ang laman—puno na ng food supplies...
BINABASA MO ANG
Roxan And Rav PREVIEW ONLY
RomantikPublished. Copies are available (ebook and physical book) Note: This is just a WATTPAD VERSION. Unedited copy.