I: KALAYAAN

189 4 0
                                    


Isang diskusyon sa loob ng hukuman ang nagaganap tungkol sa kapayapaan ng bansa sa pagitan ng mga nakatataas sa militar. Nakaayos ang hanay ayon sa kanilang mga ranggo mula harap, hanggang likod. Nakahiling sa pinuno ng bansa ang kumandante na magkaroon pa ng karagdagang oras para ihayag niya ang isang napakahalagang balita. Naging napakaingay ng pinagsamasamang mga bulong at hiyawan dahil sa pag-uusap, pagtataka, at paghihinaing ng mga opisyales at sundalo sa loob ng hukuman. Nag-ayos ang kumandanteng si Ravan ng kaniyang uniporme, lumunok ng malalim, at hinawi pakanan ang kaniyang maiksing itim na buhok — paghahanda ng sarili sa pagharap sa pinuno ng bansa. Nagtungo na ang kumandante sa podiyum.

"Magsimula ka na, Kumandante." wika ng pinuno ng bansa, "Ano ang iyong mahalagang balita?" Makikita ang kaba at bahagyang takot sa kaniyang mukha sa kung ano man ang ibubunyag ni Ravan.

"Tulad ng inaasahan," satsat ni Heneral Magath. "Mayroon na namang ibibida ang ating kumandante." ngumisi ito at nag-de kuwatro.

Hindi pa man nakapagsasalita ang kumandante ay napakarami ng mga boses at ingay ang tila nangunguna sa nais niyang ibunyag. Tumikhim nang malakas ang kumandante upang kunin ang atensiyon ng lahat. Nang manahimik, nagsimula na niyang ihayag ang kaniyang impormasyong nakalap.

"Inisaisa nila ang mga probinsya natin noon. Isa na lang ang kapital ng bansang ito sa mga lugar na nananatiling matatag at matatawag na sariling atin." mahinahon niyang sambit. Dahan-dahang nilibot ng kaniyang mga mata ang buong silid. Nagtaas bigla ang kaniyang boses na may buong paninindigan, "Ngunit, may nakalap ang aking intelihente na mga patunay na ang bulaang kapayapaang ito ay nagsisilbi lamang panahon upang mas makapaghanda pa ang kalaban!"

Nagulat ang pinuno at napalunok. Inayos niya ang kaniyang kuwelyo at itinuwid ang katawan sa pagkakaupo.

"Intelihente?" nagtaka ang heneral. "Aba, may mga palihim ka na pala ngayong mga operasiyon, Ravan." Pumalakpak siya tila nangungutya, "Magaling!"

Hindi nagbabagong-tonong giit ng pinuno, "Wala na tayong magagawa. Ikaw na ang nagsabi na kakaunting lugar na lang ang nanatiling matatag sa ating bansa. Wala na tayong kakayahang lumaban. Matagal na natin itong napag-usapan at bilang pinuno ng bansa, mas mabuti pang magpasakop na lamang tayo ng matiwasay kaysa mamatay ang karamihan sa giyera."

Mapang-usisang batikos ng heneral, "Ano ang mayroon, Pinuno? Tila walang sinseridad ang mga sinasabi mo."

Muling umingay ang paligid. Pabulong na nag-uusap at nagsatsatan ang mga nakikinig na sundalo.

Sumagot si Ravan, "Naririnig niyo po ba ang inyong mga sinambit? Noon pa lang ay wala na akong tiwala sa bansang iyan!" Hinampas ni Ravan ng dalawang kamay ang podiyum. Kasabay nito'y muling nanahimik ang silid. "Hindi mo matatawag na buhay ang ating matatamasa kapag nagpasakop na tayo sa kalaban! Gagawin lang tayong mga alipin ng mga iyon! Walang Mangis ang gustong mabuhay ng gano'n! Kung ayaw niyong sabayan sa pakikidigma, ba't di na lang tayo tum—"

Tumaas ang tono ng boses ng pinuno, "Tigil kumandante! Marami ka nang nababanggit. Ituloy na lang natin ang usapan sa ibang araw." Tumayo ito at umambang lilisanin ang hukuman.

"Gusto ko pa malaman kung ano ang tinutukoy mo." usisa ng heneral kay Ravan. "Ituloy mo lang ang iyong sinasabi, Kumandante. Baka sa pagkakataong ito ay may magawa ka nang mailigtas —" Napatigil ito sa kaniyang sinasabi nang umalingawngaw ang mga alarma sa kulungan na malapit sa hukuman. Mapang-uyam na ngumisi ang heneral. "Itigil na muna natin ang diskusyon na ito, 'di na magbabago ang desisyon ng nakatataas."

Nag-alisan na ang lahat ng dumalo sa naganap na diskusyion. Tinitigan ng pinuno si Ravan bago nito lisanin ang silid.

Nang siyasatin ang bilangguan, isang kriminal na may kahindik-hindik na krimen ang nakatakas kaya't nagmadali na ang ilang opisyal na galugarin ang kapaligiran. Sa hindi malamang paraan, nakatakas ang kriminal na wala man lang iniwang bakas sa loob ng kaniyang selda. Katakataka pa rito, bangkay na ng inabutan ng mga opisyal ang mga naiwang sundalo na nagbabantay sa bilangguan.

AgnosTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon