Nagsimulang magpakawala ng bala ang pangmalayuang kanyon ng makabagong barkong pandigma ng kalabang bansa, hudyat na malapit na ang mga ito sa silangang dalampasigan. Pinunterya nito ang kapatagan sa bahagyang timog ng Bulubunduking Dumakulem. Sa lakas, nakagawa ito ng malaking butas sa lupa na kung saan nagkulay abo ang lahat ng nasa paligid nito. Nagkaroon rin ng pagguho ng lupa at paggulong ng naglalakihang bato mula sa gilid ng nagtataasang kabundukan. Halos mabura rin ang Kagubatan ng Kalingag at ang natira sa mga puno nama'y nagliyab. Umalingawngaw ang mga huni ng mga nagliliparang langkay-langkay ng mga ibon. Naglakbay ang dagundong hanggang sa maramdaman ito ng mga tao sa siyudad. Ang mga inabot ng malakas na dagundong ay nakatamo ng pagguho — ang Bahay Pamahalaan, Bilangguan, Hukuman, at mga kabahayan.
Tanaw ni David ang bawat galaw ng buhok, mga kamay at paa ni Cateline habang nakikita niya itong muling lumayo. Alam niya, 'di hadlang kay Cateline ang unti-unti pang pagbigay ng gusali, bagkos ito pa ang sa kaniya'y nagpapalapit. Napangisi't napailing na lamang si David dahil alam rin niyang walang makapipigil rito, maging ang pinakamamahal nitong ama. Pinihit na ni David ang manibela't nagsimula nang paandarin ang sasakyan.
"Ate, saan ka pupunta!" buong-lakas na hiyaw ni Christine. "Ate!"
"Cateline!" sigaw rin ni Ravan. Umupo siya mula sa pagkakahiga upang masilayan si Cateline.
"David anong ginagawa mo?! Sunduin natin si ate!"
"Alam ko po kung saan siya pupunta." mariing sambit ni David. Nginitian niya si Ravan at nagwikang, "Babalikan ko po siya ngunit sa ngayon, dadalhin ko po muna kayong dalawa sa mga bangkang panlikas." Inikot na ni David ang sasakyan patungo sa direksiyon ng tagpuan.
"Ngunit, napakamapanganib." nag-aalalang sambit ni Ravan. "Anak..."
Sa isang maikling pagyuko't panalangin, mabilis na nagmaneho si David patungo sa dalampasigan sa timog-kanluran. Nang makarating, iniakbay ni David sa kaniyang balikat ang kamay ni Ravan at naglakad na sila papunta sa mga sundalong nagbabahagi ng mga bangka. Napakaraming bangkang kahoy ang nakadaong rito. Marami ring mga mamamayan ang naroon na nagbabangayan, nag-aalitan, matiwasay na naghihintay ng pagkakataon, at ang iba'y nag-uunahan makakuha lamang ng masasakyan. Mapalad, dahil agad silang tinulungan ng ibang sundalo at nabigyan ng bangkang magagamit. Inalalayan ni David na isakay sa bangka sina Ravan at Christine, pati na rin ang kanilang mga gamit.
Lumapit si David kay Christine. Hinawakan niya ang kamay nito't binuksan ang palad. "Ang handog nga pala ng ama mo sa inyo, Christine." Iniabot niya ang mga kahon at mahigpit na sinara ang mga daliri ni Christine.
Agad ring hinawakan at sandaling hinaplos ni Christine ang mga kamay ni David. "Salamat," nakangiting sambit ni Christine, bagamat kay tamlay, habang nakatitig sa mga asul na mata ni David. Kinuha na niya ang mga kahon at nagsabing, "Nawa'y gabayan ka ng bughaw na kalangitan."
"Humayo na po kayo." tumango si David sa mag-ama, "Ako na po ang bahala kay Cateline." Inilubog ni David ang kaniyang paa sa tubig at buong-lakas na tinulak ang bangka mula sa pagkakadaong nito.
"Ingatan mo ang aking anak." bilin ni Ravan.
"'Wag po kayong mag-alala, tutuparin ko po ang inyong bilin sa akin." ngumiti pabalik si David.
Pamamaalam ni Christine, "Ingatan mo siya. Ingatan mo rin ang iyong sarili."
Muling lumingon si David sa huling pagkakataon at nagmadali nang pumaloob sa sasakyan upang sunduin si Cateline.
* * *
BINABASA MO ANG
Agnos
Historical FictionAko si Cateline. Isinilid ko sa aking agnos ang iniingatan kong litrato ng aking pinakamamahal na ina't aking ikalawang pamilya. Mga litrato na sumasalamin sa aking buhay. Ngunit, bakit ganoon? Napakalupit ng tadhana. Hindi ko maisip kung ano ang d...