Sa malawak na sementadong lupaing nakapalibot sa Bahay Pamahalaan naganap ang pagtitipon sa aming mga mamamayan. Tanaw ko pa ang nagtataasang mga gusaling nakatindig at nakatayo't magkakatabing nakabilog sa Bahay Pamahalaan. Tila nakakulong kami sa isang laberintong gawa sa bato na ang tanging tulay sa pagtakas ay ang rumaragasang ilog sa likuran. Sa gitna ng lipon ng mga tao kami tumayo nina ina at Christine. Patuloy kaming naghihintay sa kung ano ang maaring maganap. Mahigpit namang hinawakan ni ina ang aming mga kamay. Ang mga mamamayan nama'y patuloy na nagbubulungan at nag-uusap. Kasama rin naming nakatingala sa balkonahe ng Bahay Pamahalaan ang ilang mga sundalo ng bansa. Tanaw ko ang aming mga kapit-bahay, malayong kamag-anak, ang nagtitinda ng mga halamang gamot, at napakarami pang taong halos 'di ko na kilala bagamat nasa iisang isla lamang kami. Tila nakikisabay rin ang mga huni ng uwak at kalapating nag-aabang at alam na may malaking kaganapan ang mangyayari. Nagsamasama ang mga ingay at nakabuo ito ng isang alingawngaw ng kaguluhan at pagtataka.
Mas lalong umingay ang paligid nang lumabas ang heneral mula sa balkonahe ng Bahay Pamahalaan. Nakasuot siya ng uniporme, unipormeng iba sa kaniyang madalas isuot. Hindi ito asul, tila may bahid ng madilim na uri ng luntian ang aking naaninagan. Tanaw ko rin ang kaniyang mata na tila natatapalan, at ang kaniyang kanang kamay na balot ng puting bendahe. May bitbit din itong wari ko'y itim na supot sa kaniyang kaliwang kamay. Kasabay ng kaniyang paglabas ang pagsulpot sa balkonahe at tuktok ng gusali ng ilang mga sundalong ang uniporme'y tulad ng sa kaniya.
"Manahimik!" sigaw ng heneral na umugong at nagpatigil sa mga mamamayan. Bumigat ang aking kaba kasabay ng mapang-uyam niyang paghalakhak. "Narito ako ngayon sa inyong harapan," buong tindig ito habang nagpatuloy sa pagsasalita, "upang salubungin ang bagong yugto ng pagsibol ng ating bansa sa aking pamamamalakad!" Kasabay ng pagkalampag ng kanilang mga baril ay naghiyawan ang mga sundalong nasa kaniyang likuran, "Ha!". Napansin kong humigpit ang paghawak ng sundalong sa ami'y sumundo sa kaniyang baril. Naramdaman ko tuloy na tila ang heneral lamang ang nakakaalam ng kaniyang mga ibabahagi. Humawak ang heneral sa bakod ng balkonahe, "Ang ating pinakamamahal at pinagkakatiwalaang kumandanteng si Ravan... ay isang taksil!" Kabulaanan! sigaw ko sa aking isip. Ano kaya ang nais iparating ng napakatusong heneral na ito. Noon pa'y napakabigat na ng aking pakiramdam sa kaniya, hindi ko inaasahang aabot siya sa ganito. Biglang humigpit ang pagkakakapit ni ina sa aking braso. Nakita ko naman si Christine na pinipilit 'wag patuluin ang kaniyang mga luha. Patuya pang sumigaw ang tuso, "Matapos niyang pahirapan at gilitan ng leeg ang pinuno ay... nagpakamatay siya!" Bumagsak na lamang ang aking puso. Hindi 'yon kayang gawin ni ama.
"Hindi, ama!" sigaw ni Christine habang tumatangis.
"Mahal ko." Napaluhod na lamang si ina habang humahapis. Inalalayan ko siyang muling itayo't aking sinandal ang kaniyang ulo sa aking balikat.
Alam kong hindi iyon kayang gawin ni ama. Nangako siya sa amin na muli kaming magkakasama. Nagngingit na lamang ang aking ngipin sa 'di ko pagtanggap ng mga kasinungalingang ibinubulalas ng heneral. Kailangan kong maging matapang.
Naghiyawan ang ilan sa mga mamayan. Alam rin nilang napakamabuting kumandante ng aking ama. Nagsimula sa isa, hanggang sa kumalat ang alingawngaw ng sigaw ng pagtanggi ng mga mamamayan.
Itinaas naman ng heneral ang kaniyang mga kamay habang ang supot ay nasa kaniyang kaliwa. "Samahan niyo ako sa aking layunin at matiwasay na sumama sa pagsalubong sa bagong umaga dahil kung hindi. ..." Napahinto ang mga tao at ang ila'y nagsimulang magtangkang lisanin ang lugar nang itinutok ng militar ang kanilang mga baril sa aming mga mamamayan. Ibinunyag ng heneral ang laman ng supot — isang pugot na ulo. Napatakip na lamang ako sa aking bibig sa karimarimarim na aking nasilayan. Tanaw ko ang pumapatak pa nitong dugo, tila bago pa lang itong katay. 'Di ko mawari ngunit naririnig ko ang bawat pagtulo ng dugo habang nasisilayan ko lamang ito. Walang habas na lamang niyang ibinagsak sa lapag ng balkonahe ang pugot na ulo. "Maligayang kasarinlan sa ating lahat!" Tumalikod na lamang ang heneral at umalis kasabay ng pagkampay ng tunika nitong pangmilitar na nakasabit sa kaniyang mga balikat.
Hinawakan ko ang mga kamay nina ina't Christine nang ibalik ng sundalong kapanalig ang pagtutok ng kanilang mga baril — anunsiyo ng pagtanggi at paghihimagsik. "Ina, Christine, umalis na tayo rito." sigaw ko. Pilit kong hinahatak si ina ngunit tila napirme na ito sa kaniyang kinatatayuan. Naging hudyat ang pagputok ng unang baril sa biglang pagpanakbuhan ng mga mamamayan sa iba't ibang direksiyon. Umugong ang kaingayan at mas umalingawngaw pa ang putukan. Tila natauhan si ina kaya't nagsimula na niyang igalaw ang kaniyang mga paa, ngunit halata ang pagkabalisa sa kaniyang mukha. Dama ko ang higpit at nginig ng kaniyang kapit sa aking braso, namamawis, nanlalamig. Pilit naming nilalabanan ang dagsa ng mga tao. Hinatak ko pa ang kaniyang kamay. Lumingon-lingon ako sa paligid upang maghanap ng lugar na mapupuntahan ngunit wala. Mga ulong 'di mapakali't di matigilan ang aking natatanaw. Tinitignan ko ang mga kamay nina ina't Christine na aking tangan, "Ina, Christine, humawak lang kayo nang mahigpit." Nabunggo ako ng isang babae sa aking ulo kaya't nabitiwan ko ang kamay ni ina. Pinilit kong panatilihin kaming magkasamasama ngunit napahiwalay na sa amin si ina. "Ina!"
Mas nilamon pa ng tumitinding kaguluhan si ina papalayo sa amin. Tinatangay siya ng dagsa ng mga tao hanggang sa kaniyang ulo na lamang ang aking natatanaw. Pilit kong sinubukang sumuong habang tangan ang kamay ni Christine.
"Ina!" sigaw ni Christine. Binitiwan niya ang aking mga kamay at sinubukang habulin si ina.
"Christine!" sinubukan kong abutin ang kaniyang mga kamay. Christine, hindi ko kayang pati ikaw ay aking mabitiwan.
Nagpatuloy pa sa barilan ang mga militar ng magkabilang panig. Sa isang umuugon na huling putok, luminis at nanahimik ang paligid. Marami ang napaslang at nasugatan, at ang ilan nama'y natapakan. Nariyan ang mga nayuping halos 'di na makilala. Naparaming nakaratay dahil sa walang habas na putukan. Tila bingi akong nakatingin sa kawalan habang naging kay bagal ng paggalaw ng mundo. Mas natanaw ko na si ina't Christine. Napakabagal ngunit kay bilis nilang makalayo. Kay bilis rin ng tibok ng aking puso, pati na rin ang aking paghinga. Nakikita ko ang mga bibig ng mga mamamayang nagsusumigaw, humahapis, ngunit tanging ang kabog lamang at aking hingal ang aking naririrnig. Tanaw ko ang nagkapatong-patong na mga Mangis. Tanaw ko ang kanina lang naming katabi na ngayo'y nakadapa. Tanaw ko ang parokyano naming ngayo'y hindi na humihinga. Tanaw ko ang mga Mangis na nilapastangan at ngayo'y nakahandusay. Humupa ang putukan at pansamantalang nanumbalik ang kapayapaan nang nagawang malipol ng mga sundalo ng bansa ang hanay ng militar ng kalaban, ngunit kay rami nang buhay ang 'di na maari pang maibalik.
"Ina!" patuloy pang sinubukang humabol ni Christine.
"Sandali, Christine." Hindi pa natapos ang tumitinding suliranin nang bigla namang may dumakip sa aming ina. Hinatak siya ng lalaking balot ng balabal ang kaniyang mukha. "Hindi." Sinubukan kong sumunod ngunit hindi ko magawa sapagkat kay layo na nila sa akin.
Sumigaw sa akin si Christine, "Ako na lang ang hahabol. Umuwi ka na lamang at mag-ayos ng mga mahahalagang dadalhin sa ating paglikas."
"Pero," sinubukan ko pang mas lumapit, "mapanganib kung ikaw lamang mag-isa!"
"Magtiwala ka." pagtitiyak ni Christine, "Wala akong gagawing ikapapahamak ko. Mag-ingat ka... ate." Ngumiti't lumingon na paalis si Christine.
Ate? Napakasarap n'on sa tainga. Napahinto ako sandali at nilakasan ang aking loob. Nawa'y gabayan ka ng May Kapal. Pabulong at taimtim akong nanalangin, "Mag-ingat ka rin, mahal kong kapatid." At nagmadali na nga akong tumungo sa aming tahanan. Ipapaubaya ko na sa'yo si ina, Christine. Mahal na mahal kita at sa muli, mag-iingat ka.
* * *
BINABASA MO ANG
Agnos
Historical FictionAko si Cateline. Isinilid ko sa aking agnos ang iniingatan kong litrato ng aking pinakamamahal na ina't aking ikalawang pamilya. Mga litrato na sumasalamin sa aking buhay. Ngunit, bakit ganoon? Napakalupit ng tadhana. Hindi ko maisip kung ano ang d...