VI: ANG DILIM NA BUMABALOT

47 2 0
                                    


Nagmadali na akong tumahak sa daan patungo sa bangin. Nasa bandang timog-kanluran ng isla ang aking kuwebang pinaglabasan noon at matatagpuan rin ito sa gilid ng 'di kataasang karugtong na bangin — dito 'yon, ayon na rin sa aking pagkakatanda. Hinanap ko agad ang bunganga. Nang makita, pumasok na agad ako sa lagusan at pansamantalang nanatili sa bukana nito. "Ginoo? Avir? Avir?" Sinuong ko pa ang dilim ng kakaunti at paulit-ulit pang nagsisigaw. Tila may kaluskos akong narinig mula sa aking likuran, ngunit wala naman akong nasilayan. Ilang minuto pa ang nakalipas at sinubukan ko pang suungin ang loob ng yungib nang unti-unting magliwanag ang paligid.

"Ginoo? Avir?!" laking gulat ko nang biglang may humatak sa akin. Naging panatag ang aking kalooban ng masilayan ko muli ang mukha ng ginoo dahil sa bitbit nitong sulo. Muling may kumaluskos mula sa aking likuran. Muli ko itong nilingon ngunit wala na naman akong nakita.

"Bakit mo 'ko kilala?" pambungad na katanungan sa akin ng ginoo sabay kapit nito sa aking braso. Ipinatong niya ang sulo sa ibabaw ng isang malaking bato. "Anong ginagawa mo dito? Sabi ko 'di ba wag ka nang bumalik?" Napatingin na lamang ako sa kaniyang kamay nang mas lalo pang humigpit ang kaniyang pagkakahawak.

Inialis ko ang aking kamay at nagpatuloy upang ipaalam ang dahilan ng aking pagbalik. "Alam mo bang mag-uusap muli ngayong gabi ang aking ama at ang pinuno ng bansa? Nagpaplano silang maglikas ng mga mamamayan at sa gilid ng bangin ilalagay ang mga bangka." tumuro ako sa direksiyon ng dagat. "Araw o oras na lang ang bibilangin bago nila madiskubre ang mga kuwebang ito't ika'y madakip." Mungkahi ko, "Bakit 'di ka pa tumakas?"

"Ano'ng pinagsasabi mo?" 'di nagbabagong-tonong tugon ng ginoo. Nagtaka ako sapagkat ako'y kaniyang pinandilatan.

Huminga ako nang malalim. "Alam ko na ikaw ang kriminal na nakatakas," pinakita ko ang isang kopya ng kalat na paskil sa bayan na patunay na siya'y pinaghahanap. "Ito." madiin ko itong tinuro.

"Kilala mo na pala ako. Kung gayon, bakit hindi mo ako ipasupil?" agad niyang hinablot ang paskil at pinagpupunit. Naiwang nakabukas ang aking palad sa pagkabigla.

"Iniligtas mo ako. Tanaw ko ang aking buhay sa'yo." Kinuha ko ang kaniyang kamay at ipinatong ang isa kong nakatiklop na palad. Nginitian ko siya, "Sa'yo na itong kabibeng hugis puso, katibayan ng taos-puso kong pasasalamat."

Nanahimik lamang siya sandali't yumuko. Laking gulat ko na lamang nang sagiin ni Avir ang aking kamay kaya't tumilapon rin ang aking handog. Napahawak ako sa aking bisig dahil sa lakas nito. Kumunot ang kaniyang noo't bigla siyang naging mabalagsik, "Alam mo ba kung bakit ninais kong tumakas ngunit nagdesisyong 'di lumayo?" Ako'y kaniyang mariing dinuro, "Dahil 'yon sa'yo." Nakapagtataka ang bigla niyang ikinikilos. Idinudulog niya ang kaniyang bahagyang nakasarang mga palad sa aking harapan, tila kuko ng ibong mandaragit. "Nabighani ako noong una kitang nasilayan nang ika'y napadpad sa bilangguan. Wari ko'y ikaw ang pinakamagandang dilag na nakita ko sa aking talang buhay." Kakaiba ang aking naramdaman. Ninais ko ang mga ganoong salita ngunit ako'y kinabahan dahil sa tono ng kaniyang pagkakasabi — kay lalim ng hangarin. Lumapit siya sa akin, nilaro-laro ang mahaba kong buhok, hinimas-himas ang aking mukha gamit ang likod ng kaniyang palad, at mahigpit niyang hinawakan ang aking mga balikat. Nagtayuan ang aking balahibo kaya't sinubukan kong iiling ang aking mukha papalayo. Mas hinigpitan naman niya ang pagkakakapit sa akin at tinitigan niya ako gamit ang kaniyang mga matang tila puno ng lumbay. "Kaya naman sinubukan kong tumakas." Lumayo siya sa kinatatayuan ko't tumalikod. Kasabay nito ang kaniyang pagdaing, "Sa rehas, lagi kong binabanggit ang iyong pangalan, 'Cateline!'. May isang nakarinig ng aking mga panalangin." Isang mahinang hagikhik ang aking narinig, "Ang taksil ang sa aki'y nagpalaya." Nagpatuloy pa siyang magsalita habang nakatingin sa gitna ng kawalan. "Madalas kitang pinagmamasdan mula sa malayo habang nakakubli. Kaya nang magkaroon ng pagkakataon na lapitan ka, lalo na noong ika'y nasa panganib ..." kumapal at lumalim pa ang kaniyang boses, "agad akong lumapit."

AgnosTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon