Sinundan ni Christine ang nandakip patungo sa loob ng Bahay Pamahalaan. Dahan-dahan at tahimik siyang bumaba sa isang silid na ang pasukan patungo sa loob ay isang aklatang nakausog. Nang makababa, sumandal si Christine sa gilid ng pader ng hagdanan at dahan-dahang sumilip. Muli naman siyang nagtago upang palihim na makinig.
"Sino ka't ano'ng kailangan mo sa akin?!" sigaw ni Mara.
Inalis ng lalaki ang parte ng baluti na nakatakip sa mukha nito. Tumambad kay Mara ang mukha ni Magath. Lumapit siya kay Mara't mabilis na nagsalita, "Wala na si Ravan at Helen. Tayo na lang ang magsama. Nangangako ako na hindi ka na muling magdurusa pa." Nilapit ni Magath ang kaniyang mga labing ang ngiti'y baluktot sa pisngi ni Mara.
Agad namang tInulak papalayo ni Mara si Magath.
"Sabihin mo, saan ba ako nagkamali?" pagsusumamo ni Magath.
"Marami ka nang pagkakamali." tugon ni Mara, "Itigil mo na ito."
Napayuko si Magath at umiling, tIla nasaktan sa walang ekspresiyong titig ni Mara sa kaniyang mga mata. Ang mga blankong titig ay tila lumulunod sa kaniyang natitirang kaluluwa. "Ikaw na lamang ang tanging mayroon ako. Mapapasaiyo ang karangyaan, ang kapangyarihan, at ang lahat ng ito kapag ganap na akong naging pinuno. Ang lahat ng hindi kayang maibigay sa iyo ni Ravan. Lahat."
"Naririnig mo ba ang mga sinasabi mo?"
Inabot ni Magath ang kamay ni Mara at ngumiti, "Alam mo bang sabik na akong muling makita ang napakaganda mong ngiti. Ang iyong ngiti na tinulungan akong muling masilayan ang ganda ng mundo matapos mawala ang aking pamilya." Iginitna niya ang palad ni Mara sa pagitan ng sa kaniya't mahigpit na hinawakan ito. "Ang napakaganda mong ngiti ..." mariin niyang biglang sambit, "na sinira lamang ni Ravan, ni Helen, at ng kaniyang anak?!"
Inalis ni Mara ang kaniyang kamay at nanatili lamang na tahimik.
"Nasaan na sila? Ako ang laging nasa iyong tabi. Inalagaan kita noong tinakwil ka ng iyong pamilya dahil nabuntis ka ni Ravan at iwan."
"Tumigil ka na."
"Ako lang ang —"
"Tumigil ka na!" bulalas ni Mara.
Lumuhod si Magath at yumuko sa harap ni Mara. "Sabihin mo ano bang kailangan kong gawin makasama ka lang muli?"
"Sa kamatayan lamang kita muling makakasama."
Malalim na bumuntong-hininga si Magath at nagsimulang lumuha. "Kung hindi ka magiging akin..." umiling siya't dahan-dahang iniangat ang kaniyang mukhang labis na tumatangis sa harapan ni Mara, "wala ng ibang makaaangkin sa'yo."
TIla alam ni Mara ang naisip ng nababaliw na si Magath. Nanlaki ang kaniyang mga mata't dahan-dahang umatras. Sinubukan niyang tumakbo ngunit nahablot ni Magath ang kaniyang mga kamay. Sinikmuraan siya ng heneral na nagdulot upang siya'y bumagsak sa malamig na sahig. Tila kumakapit na lamang siya sa natitirang hininga dahil sa lakas ng suntok. Sinubukan niyang gumagapang patungo sa hagdan, ngunit sa 'di inaasahan, ay nasilayan niya ang kaniyang pinakamamahal na anak.
Binuhat ni Magath si Mara at niyapos. "Mahal na mahal kita."
Pilit kumakawala si Mara sa mahigpit na yakap ni Magath. Lumuluha siyang nakatingin kay Christine, sinusubukang magpumiglas ngunit wala nang natitirang lakas.
Hindi kinayanan ni Christine ang nasisilayan kaya't sinubukan niyang lumapit. Umiling lamang ang kaniyang ina, senyas na muling magtago at 'wag nang lumapit pa. Pinipilit ni Christine na takpan ang kaniyang bibig upang 'di marinig ang kaniyang paghikbi. Nadudurog ang kaniyang puso habang nakikitang namimilipit at tumatangis ang kaniyang ina. Bumigkas si Mara gamit lamang ang kaniyang mga labi, "Tak..bo." Sa huling sulyap sa ngiti ng kaniyang ina, muling tumalikod si Christine. Hindi niya na napigilan ang pagdanak ng kaniyang luha lalo na nang marinig niya ang pagputok ng isang baril.
* * *
BINABASA MO ANG
Agnos
Historical FictionAko si Cateline. Isinilid ko sa aking agnos ang iniingatan kong litrato ng aking pinakamamahal na ina't aking ikalawang pamilya. Mga litrato na sumasalamin sa aking buhay. Ngunit, bakit ganoon? Napakalupit ng tadhana. Hindi ko maisip kung ano ang d...