Sa paglubog ng araw kung kailan halos magkulay dugo ang kalangitan, dumaong na sa silangang katubigan ang mga makabagong barkong pandigma ng mga mananakop. Nagpadala ang mga barko ng maliliit na bangkang de motor, lulan ang batalyon ng mga militar ng mananakop patungo sa dalampasigan ng Lanaw kung saan sila sasalubungin ni Magath.
Naabutan ng batalyon si Magath na galusan, basang-basa, at tumatangis habang nakahimlay sa kaniyang bisig ang bangkay ni Mara. "Makikita mo aking mahal, ipaghihiganti kita," bulong nito nang muli't huling hagkan ang katawan ni Mara. Dahan-dahan niyang inilubog ang bangkay ng kaniyang pinakamamahal sa malalim na tubig ng Lanaw at hinagisan ito ng mga bulaklak ng kalingag na kaniyang pinitas mula sa gubat.
Naghayag na ng utos at hudyat si Magath sa militar upang simulan na ang misyon. Sumakay na siya sa kaniyang sasakyan upang mauna, at huminto sa ibabaw ng isang mataas na parte ng Kagubatan ng Lanaw. Bumaba siya sa kaniyang sinasakyan at gamit ang kaniyang largabista, nasilayan niya ang malaking butas sa kapatagan na gawa ng pinakawalang pagsabog. Nasilaw siya sa apoy mula sa nagliliyab na kagubatan. Tanaw niya rin ang sementadong paligid ng Bahay Pamahalaan na ngayo'y naging pula, kasama ng mga bangkay ng mga Mangis na binalak niyang pamunuan. Napansin rin niya ang mga nagsasamasamang mga sundalo sa gitna ng siyudad, maging ang mga mamamayang ginagabayan ng mga ito patungo sa timog-kanluran ng isla. Nasilayan niya rin ang sira-sirang kabahayan, maging ang Bahay Pamahalaan ng bayang nais niyang maupuan. Tanaw niya rin ang tahanan ni Mara. Tanaw niya ang pagkasira ng lahat ng mga pinangarap niyang maangkin. Taliwas ang mga naganap sa kaniyang inaasahan, sa kaniyang nais. 'Di niya mawari kung bakit umabot pa ang lahat sa sukdulan. Ngunit, sa tuwing naaalala niya ang kaniyang dinanas, nanunumbalik ang poot sa kaniyang puso. Mas malupit at mas kahabag-habag pa rito ang kaniyang sinapit. Madali lang itong kumpunihin, madali lang ibalik ang mga ito sa dati. Ngumisi siya at muling nagsenyas sa kaniyang pulutong, "Sa gitna ng siyudad." Muli itong sumakay at nagmadali patungo sa timog-kanluran... matapos ng isa muling pagsabog.
* * *
Nang kami'y lumapag mula sa sasakyan ni ama, may isang sundalo ang lumapit sa amin upang ituro ang bangkang nakalaan para sa amin. Lulan nito si Christine, nakaupo't nakapamaluktot lamang habang balot ng mahaba't makapal na tela. Yumukod ako sa kaniyang harapan at niyakap ko siya nang mahigpit. Isinakay naman namin at iniupo si Avir sa kaniyang tabi upang makapagpahinga.
Mahigpit rin akong niyapos ni Christine, "Ate..."
Kinausap ko si David sa pag-aalala, "David, mabuti pa at lumikas na kayo ng iyong pamilya."
'Di mapakaling naglililingon si David sa paligid. "Kanina pa sila nakalikas. Mas minabuti kong magpaiwan upang tignan ang inyong kalagayan." Mas lalo pa akong nakaramdam ng pagsisisi sa aking narinig.
"David?" nagtataka kong tanong dahil nagpatuloy pa siyang naggalugad.
"Christine, si TIto?" balisa niyang tanong.
"Ninais niyang tumulong habang naghihintay." matamlay na tugon ng aking kapatid. Tumayo siya't biglang hinagkan nang mahigpit si David. Maluha-luha siyang tumingin sa mga mata nito. "Nagpapasalamat ako at ligtas mong naibalik ang aking kapatid." Nagtagal pa ang pagyakap ni Christine kay David.
Tinitigan ni David sa mga mata si Christine at ibinalik ang ngiti nito, "Bilisan na natin at hanapin na natin si Tito."
Hinanap namin si ama sa gitna ng kapal ng kumpulan ng mga tao. Nagtanong-tanong kami sa mga sundalo't ibang mamamayan ngunit hindi nila alam ang kinaroroonan ng aking ama. Bilang isa siyang magiting na sundalo ng bansa, 'di mawala sa aking isip na sinubukan niya pang sumama sa gitna ng siyudad sa mga sasalubong at pipigil sa mga mananakop. Sinubukan kong magtungo sa barikada, ngunit ako'y pinigilan ni David.
BINABASA MO ANG
Agnos
Historical FictionAko si Cateline. Isinilid ko sa aking agnos ang iniingatan kong litrato ng aking pinakamamahal na ina't aking ikalawang pamilya. Mga litrato na sumasalamin sa aking buhay. Ngunit, bakit ganoon? Napakalupit ng tadhana. Hindi ko maisip kung ano ang d...