Hapong-hapo kaya't dahan-dahang binuksan ni Ravan ang pinto ng kanilang tahanan. Sa pagbukas nito, napangiti na lamang siya nang makita niya si Mara na buong galak na tumayo mula sa kinauupuan nito sa tabi ng tanggapan ng mga parokyano.
Nagmamadaling lumapit si Mara kay Ravan at pinunasan ang basang-basa nitong mga buhok gamit ang kaniyang dalang bimpo. Niyakap niya agad ang kaniyang asawa, "Mahal, ano ang nangyari bakit basang-basa ka't tila hapong-hapo? Hindi mo pa suot ang iyong pang-itaas. Masamang matuyuan ka, halika—"
Napatigil sa pagsasalita si Mara nang bigla siyang halikan ni Ravan.
"Bakit?" inialis ni Mara ang kaniyang mga labi mula sa pagkakalapat nito. "'Di mo naman 'to kailangang gawin. Alam ko ang lugar ko."
"Napagtanto ko lang," tugon ni Ravan, "na mapalad ako sa iyo." Muling lumapit si Ravan at hinawakan ang mga balikat ni Mara. "Noong mga panahong nagluluksa ako kay Helen, ikaw ang nariyan para sa akin." Pag-amin pa ni Ravan, "Lumayo ako noong nabuntis kita. 'Di ko kasi matanggap ang nagawa kong kasalanan sa iyo dahil si Helen ang iniisip ko noon."
"Alam ko naman iyon at alam ko rin na may puwang pa sa puso mo si Helen. Nagpapasalamat pa rin ako dahil bumalik ka at nagpakaama sa iyong mga anak. Sapat na sa akin iyon." bahagyang ngumiti si Mara at yumuko.
Iniangat ni Ravan ang mukha ni Mara, "Mahal na mahal ko kayo." Niyakap niya si Mara at hinawakan at hinaplos-haplos ang mga palad nito. "Sandali, nasaan na pala sina Christine at Cateline?"
"Napagod nang maghintay si Christine kaya't pinaakyat ko na. Si Cateline nama'y kanina pa nasa kaniyang silid."
Umakyat na sina Mara at Ravan. May kinuha si Ravan sa kaniyang silid na dalawang bagay na nakakahon. Binisita at hinalikan niya ang noo ng kaniyang dalawang anak habang natutulog sila sa kani-kaniyang kuwarto. Bago lisanin ang kuwarto ni Cateline, iniwan niya ang mga bagay sa pinakaibabang kahon ng tukador nito. Dumiretso na sina Mara at Ravan sa kanilang silid.
Naghubad si Ravan ng kaniyang mga basang damit, ngunit hindi nagpalit ng kasuotan. Sinuklian naman ni Mara ng halik ang init ng pagsalubong ni Ravan sa kaniya. Nagyakap sila; naghalikan. HInalikan rin ni Ravan at napakabanayad na hinaplos ang palad ni Mara na puno ng peklat. Mga peklat, na bagamat naghilom, ay nagpapaalala pa rin kay Mara ng mga sugat ng nakaraan. Hinayaan nilang ang bugso at silakbo ng kanilang mga damdamin ang magdala sa kanilang paroroonan. Pinagsaluhan nila ang init ng kanilang mga katawan sa kalaliman ng gabi.
"Nagpapasalamat ako na..." maluha-luhang sambit ni Mara, "na naramdaman ko rin ang pag-ibig mo. Unang beses pa lang ako makaramdam na ako'y minahal, na masuklian ang aking pag-ibig."
"Lagi mong tatandaan," tugon ni Ravan, "Mahalaga kayong lahat sa akin. At, mahal na mahal rin kita."
Nagpatuloy pa sa pag-agos ang mga luha ni Mara ngunit sa pagkakataong ito, dalisay na ngiti ang kaakibat ng bawat pagpatak. Muli silang nagyapos at hinayaang ang magandang pangyayari ang lumikha ng magandang panaginip sa pagpikit ng kanilang mga mata.
Samantala, matapos ang pagpapahirap ni Magath sa pinuno ng bansa, nagpakalasing siya't umuwi sa kaniyang tinitirhan. Magulo ang kaniyang kuwarto, nagkalat ang mga gamit na damit, nakatambak ang mga hugasin sa kaniyang lababo, nakatuklap pa rin ang mga hindi na niya napalitang pintura't tapal sa kaniyang mga dingding, ngunit may isang lugar na kay linis at kay ayos — ang kaniyang mesang pinagpapatungan ng litrato ng kaniyang ina at ng nakaw na sandaling larawan ni Mara.
Pasuray-suray siyang naglakad patungo sa kaniyang palikuran. Hinubad niya ang pang-itaas ng kaniyang uniporme't naghilamos ng mukha. Sa harap ng salamin, muli niyang nakita ang mga sugat na dulot ng pakikidigma. Mga hiwa sa kaniyang tagiliran at dibdib mula sa kutsilyo ng mga manunupil at mga peklat mula sa mga bala ng mga mananakop. Lahat iyon ay 'di kayang tumbasan ang kirot na hanggang sa ngayo'y kaniya pa ring dinadala. Sa harap rin salamin, tinitigan niya ang kaniyang mukha. Mukha na ngayo'y may punit, at ang isa niyang matang nawala na ang pagkaitim. Binunot, at nanginginig at mahigpit niyang hinawakan ang kaniyang pang-ahit. Madiin ang bawat pagdaan nito sa kaniyang balbas. Nang magdugo't masugatan ang sarili, binitiwan niya ito't nilapag. Muli siyang naghilamos upang tanggalin ang dugo. Muli siyang tumitig sa salamin. Sumabay sa pag-agos ng tubig sa kaniyang mukha ang pagbagsak ng kaniyang mga luha. Nagtiim ang kaniyang mga ngipi't humigpit ang mga kamao. Binunot niya sa kaniyang bulsa ang pira-pirasong kuwintas at muli itong tinitigan.
Bumalik na siya sa loob ng kaniyang kuwarot't isinilid sa kahong nasa ilalim ng kaniyang mesa ang pira-pirasong kuwintas. Hinaplos ng kaniyang mga nanginginig na kamay ang litrato ni Mara at ng kaniyang ina. Sa loob ng kahon, kinuha niya ang liham ng kaniyang ina na may bahid ng dugo at muli itong binuksan. Ang tanging nakalagay lang ay ang mga salitang madaliang naisulat na "Anak, mahal na maI".
BINABASA MO ANG
Agnos
Historical FictionAko si Cateline. Isinilid ko sa aking agnos ang iniingatan kong litrato ng aking pinakamamahal na ina't aking ikalawang pamilya. Mga litrato na sumasalamin sa aking buhay. Ngunit, bakit ganoon? Napakalupit ng tadhana. Hindi ko maisip kung ano ang d...