Unti-unti nang kinain ng dilim ang ginoo nang siya'y magbalik sa loob ng kuwebang aking pinaglabasan. Sinundan ko lang ang tanaw na parte ng Bahay Pamahalaan at naglakad na ako pauwi. 'Di ko alam kung bakit, ngunit 'di ko maialis sa aking isip ang hitsura at hubog ng ginoo, pati na rin ang kakaibang lukso ng aking damdamin nang siya'y aking makasama. Kay ligaya ko't 'di ko mapigilan ang aking sarili na ngumiti. Namumula ang aking mukha at patalon-talon pa ako bahagya habang naglalakad. Ngunit, ang pinagtataka ko ay kung bakit mag-isa itong naninirahan sa ganoong lugar. Makalipas ang ilang minuto, mapalad ako at nakauwi naman ako nang ligtas sa aming bahay. Tila isang anghel ang ginoo na nagbabantay sa aking kaligtasan.
Malalim na ang gabi ngunit bukas pa ang mga ilaw at ang pinto ng aming tahanan. Pumasok na ako at nagmadali sa pagpanik patungo sa aking kuwarto nang marinig ko ang boses na tila mula sa aking ama. Pansamantala akong huminto sa tapat ng pinto dahil tila may masinsinang usapan ang nagaganap.
"...palihim kaming nakapag-usap ng pinuno. Naghahanda na kami at pumayag ito sa panukala ko. Pagsasamahin ko ang mga taumbayang nais sumama at lilikas tayo 'pag natapos ang linggong ito." mga salita sa likod ng pinto na tiyak kong sa aking ama nagmumula.
"Sige, pagbibigyan kita. Ngunit, ipangak—" Napatigil si ina sa kaniyang pagsasalita. "Sandali."
"Sh."
Dahan-dahang nagbukas ang pinto. Tumambad sa akin si ama kaya't pinakita ko ang buong lugod kong pagsalubong sa aming muling pagkikita. "Ama!" sigaw ko sa pagkasabik, "Ang tagal kitang hinintay bumalik!"
Bukas-kamay rin niya akong sinalubong at niyakap. 'Di ko maikubli ang aking ligaya kaya't mas hinigpitan ko pa ang aking pagyakap. Sa loob ng kuwarto, napansin ko na tila seryoso ang mukha ni ina at ni Christine. Kakaiba dahil kay tagal nang panahon ang lumipas bago muling nakauwi si ama.
"Narito na pala siya." umirap si Christine habang nakahalukipkip.
"Ah! Anak!" pinalo-palo ni ama ang aking kamay. Mukha atang napasikip ng sobra ang aking yakap. Hinawakan niya ang aking balikat at kinamusta ako, "'Di mo ba alam na ngayong gabi ako uuwi? Kanina pa kita hinahanap, saan ka ba nagsususuot? At, bakit basa ka?" Kumuha ng pamunas si ama. Matapos niyang punasan ang aking buhok ay niyakap niya akong muli.
"Mukhang sabik na sabik na kayong makita ako muli. Ako rin po." tugon ko. Naalala ko tuloy ang nangyari kanina. Salaysay ko, "Muntik na po kasi akong mapahamak. Buti nga po ay may ginoong nagligtas sa akin." Napangiti na lang ako sa aking gunita.
"Kanina ay may narinig kaming putok ng baril sa 'di kalayuan. Nagpapasalamat ako't walang nangyaring masama sa iyo. Ngunit, bakit nasa labas ka pa sa kalaliman ng gabi?" pag-aalala pa ni ama. Pinapasok na niya ako sa aking kuwarto at pinaupo sa isang mahabang upuan.
"Ligtas naman po ako. Nagdako po ako sa palengke sa utos—"
"Ganitong oras?" bumaling ng lingon ang aking ama kay ina. Napansin kong nataranta ng bahagya si ina.
"Aba! Ako pa ang may kasalanan?" palingon-lingon si ina kung saan-saan, "Nasaan na ang mga pinamili mo?"
"Wala po akong naisalba," nakatungo ako sa pagkadismaya, "pasensiya na po."
Napahalukipkip si ama at kinausap ng mahinahon sina ina at Christine. "Bigyan niyo muna kami ng sandali upang mag-usap ng anak ko."
"Aba!" pabalang na wika ni ina. Tumayo na sina ina at Christine mula sa kanilang kinauupuan at nagpatuloy nang lumabas. Naiwan na kami ni ama sa aking kuwarto.
"Sabik na sabik po talaga akong makita kayo muli." laking galak ko.
"Ako rin naman, anak." Tinitigan niya ang aking mukha at bahagya siyang ngumingiti, tila nang-aasar, "Napapansin kong may kakaiba sa'yo ngayon. May kung anong ligaya at kislap sa iyong mga mata."
BINABASA MO ANG
Agnos
Historical FictionAko si Cateline. Isinilid ko sa aking agnos ang iniingatan kong litrato ng aking pinakamamahal na ina't aking ikalawang pamilya. Mga litrato na sumasalamin sa aking buhay. Ngunit, bakit ganoon? Napakalupit ng tadhana. Hindi ko maisip kung ano ang d...