Naging kilala at mabenta ang mga luto ni ina nitong mga nakalipas na taon. Dahil rito, lumaki ang aming tahanan at mas naging masagana ang aming pamumuhay.
Ang tahanan namin ay gawa sa kahoy at may dalawang palapag. Ang una'y ginagamit bilang kainan. Sementado ang sahig, nakabarnis ang mga kagamitang kahoy, ang mga mesa'y may mga mahahabang upuan para sa mahaba nitong gilid at mga pang-isahang silyang may sandalan para sa maiksing parte, at sa bungad naman pagkapasok sa pintuan tatambad ang tanggapan ng mga parokyano. Ang silid sa likod ng tanggapan ay ang maliit na kusina ni ina. Ako ang nagsisilbing tagahain at tagalinis, si ina ang tagatanggap ng bayad at tagaluto ng mga pagkain bago magbukas ang kainan, at ang aking kapatid namang si Christine ang sumasalubong sa mga papasok na parokyano.
Ang pangalawang palapag nama'y may tatlong kuwarto na nagsisilbi naming tuluyan. Tig-isa kami ni Christine at magkasalo naman sina ina't ama. Payak lang ang aking kuwarto, 'di mo nga aakalaing babae ang may-ari. 'Di naman ako mahilig sa mga palamuti, at sa mga bagay na uso sa mga kababaihan para sa aking edad. Ang pinakamagandang masisilayan sa aking kuwarto ay ang aking tokador na may salamin sa ibabaw. Handog ito sa akin ni ama noong ako'y nagdalaga. Naaalala ko pa ang aking saya nang buksan ko ang mga kahon nito, may kasama pa palang kulay asul na bestida ang nasa loob. Nakapatong rin sa aking tokador ang aking litrato na nakunan noong kaarawan kong iyon. Sa loob ng kuwadro sa likod ng aking larawan nakatago ang litrato namin ng aking tunay na ina.
Sa ngayon, laging mag-isa si ina sa kaniyang kuwarto dahil napakaraming inaasikaso ni ama sa kaniyang trabaho. Madalas na naman tuloy akong mapag-initan ng aking ina't kapatid. Pasalamat ako at nariyan lagi ang kababata ko, na dito ko na rin sa siyudad nakilala — si David. Nagkatagpo kami noong nag-iigib ako ng tubig mula sa poso sa likod bahay. Agad siyang umalalay, talagang likas na kay David ang pagiging matulungin. Agad kaming nagkagaanan ng loob simula noon.
Sa tuwing malapit na ang kaarawan mo, ina, ay napakarami ko na namang alaala ang nagbabalik. Napakarami ko na na namang kuwento ang sinasalaysay sa iyo. 'Di ko namalayan na kay tagal ko na palang nakayapos sa ating litrato.
"Cateline!" isang malakas na sigaw mula sa ibabang palapag ang gumambala sa aking pagkakahiga. "BIlisan mo, 'wag mo akong punuin."
Bigla namang binuksan ni Christine ang pintuan ng aking kuwarto't sumandal sa hamba ng pintuan. "Cateline ano ba?! Bingi ka na ba? Kanina ka pa tinatawag!"
"Patawad," sagot ko. Tumayo na ako sa aking kinahihigaan at inayos ang suot kong damit. Nag-umaga na ba? Tumingin ako sa labas ng aking durungawan at nasilayan kong gabi pa lamang. Ano't tila nagmamadali sila.
Lumapit sa akin si Christine at tinitigan ang aking hawak na litrato. Agad ko naman itong ikinipkip sa aking dibdib. Puna niya, "Aba, nagiging maramdamin ka na naman sa harap ng litrato ng nanay mo."
Nagpatuloy pa kaming mag-usap. "Ano't tila nagmamadali?" aking tanong. Sa isang malakas na kalampag, laking gulat ko nang bigla na namang bumukas ang pinto ng aking kuwarto. Huminto si ina sa gitna ng bukas na pintuan at naghalukipkip. "Cateline ano ba?! Mamalengke ka nga!" utos niya sa akin.
Agad kong itinago sa aking likuran ang litrato namin ngunit, napansin ito ni ina. 'Di mapakali at nanginginig akong napasagot, "Gabi na po't pasara na ang mga bilihan. Kaya ko naman pong gumising nang mas maaga bukas kung gugustuhin niyo."
"Si Helen na naman ba 'yan? Sagutin mo ko, si Helen na naman ba 'yan?"
"Itatago ko na po. Patawad po." nangingig ang aking mga braso at tuhod sa kaba.
"Itago mo na 'yan." naging maluha-luha na ang mga mata ni ina. Hindi pa rin yata lumilipas sa kaniyang isip ang panibagong tensiyon kanina kaya't emosyonal pa rin siya hanggang sa ngayon.
BINABASA MO ANG
Agnos
Historical FictionAko si Cateline. Isinilid ko sa aking agnos ang iniingatan kong litrato ng aking pinakamamahal na ina't aking ikalawang pamilya. Mga litrato na sumasalamin sa aking buhay. Ngunit, bakit ganoon? Napakalupit ng tadhana. Hindi ko maisip kung ano ang d...