Chapter 5

492 16 0
                                    

CHAPTER 5

PAUWI na si Dreanne habang minamaneho ang kanyang kotse. Pagod na ang kanyang katawan sa maghapong trabaho. Gusto na niyang humiga sa malambot na kama.

Kakabigin na sana niya ang manibela paliko sa kanto nang mahagip ng paningin niya ang isang babae. Nagsisigaw ito habang nakikipag-agawan ng bag sa isang lalaking malaki ang katawan. Nanlaki ang mga mata ni Dreanne nang mapagtantong snatcher ang lalaki.

Madilim sa bahaging iyon ng lugar. Gusto niyang tulungan ang babae pero natatakot siya na baka madamay siya. Pero nakokonsensya naman siya kung lalagpasan lang niya ang mga ito. Kailangan niya itong tulungan. Naghanap siya sa compartment ng kotse ng pwedeng ipanglaban sa lalaki. Nakita niya ang isang matulis na gunting. Kinuha niya iyon at akmang bababa nang sasakyan nang matigilan siya.

May sumaklolo na sa babae. Isang lalaking naka-itim na jacket. Hawak nito sa isang braso ang leeg ng snatcher. Nakatalikod ang mga ito sa kanya kaya 'di niya makita ang mukha ng lalaking tagapagligtas ng babaeng ngayon ay nasa isang sulok at nanginginig sa takot.

Hindi nagdalawang isip si Dreanne na kunin ang cell phone sa kanyang bag at kunan ng video ang pangyayari. Lumabas siya ng sasakyan para makunan niya ng maayos ang pangyayari.

Narinig niya ang impit na sigaw ng snatcher habang pilit na kumakawala sa lalaki. Pero parang napakalakas ng lalaki at ni hindi magawang makawala ng snatcher. Napaka-cool nito habang hawak lang ng isang braso ang leeg ng snatcher.

Matangkad at matipuno ang katawan ng lalaking nakaitim na jacket. Para itong isang superhero sa gabing iyon.

"Ibalik mo ang bag!" nag-uutos na sabi ng lalaking naka-itim.

Natigilan si Dreanne nang marinig ang boses nito. Hindi niya makakalimutan ang pamilyar na boses na iyon.

"H-Heto na... ibabalik ko na," nauutal na sabi ng snatcher at ibinalik ang bag sa babae.

"Ngayon, uulit ka pa ba sa ginawa mo?"

"H-Hindi na po. Kaya pakawalan mo na ako nagmamakaawa ako sa'yo," kuntodo ang pakiusap ng snatcher.

"Alam mo kung ano ang dapat sa mga katulad mong snatcher? Dapat sa'yo ay makulong dahil sa illegal mong gawain."

"Huwag! Pakiusap maaawa ka may pamilya ako," mangiyak-ngiyak na ang boses ng snatcher.

Tumawa ang lalaki. That laugh! Sigurado si Dreanne na kilala niya ang tawang iyon. Pero dahil nakatalikod ang mga ito sa kanya ay hindi niya makita ang mukha ng lalaking tagapagligtas.

"Pero sa babaeng ito ay hindi ka naawa?" galit na ang boses nito. Humiyaw ang lalaki na parang hinigpitan ang pagkakahawak rito. "Sige! Bibigyan kita ng pagkakataon. Pero sa oras na ulitin mo ang ginawa mo ay... hahanapin kita! You bastard crook! At hindi ko na hahayaang maabswelto ka pa sa susunod dahil ako mismo ang magdadala sa'yo sa kulungan. Naiintindihan mo ba?"

"O-Opo! Opo naiintindihan ko," takot na sagot ng snatcher.

Marahas na binitawan ito ng lalaki at kaagad na kumaripas ng takbo ang snatcher.

Nilapitan ng lalaki ang babaeng biktima at tinapik ang balikat. Mangiyak-ngiyak na nagpasalamat ang babae.

Mahigpit ang pagkakahawak ni Dreanne sa cell phone niya habang patuloy na kumukuha ng video. Bilang lumakas ang kabog ng dibdib niya nang unti-unting humarap ang lalaking tagapaglitas. At ganoon na lang ang lalong pagbilis ng pintig ng puso niya nang mapagsino ito. Walang iba kundi si Abram. Ito ang may mabuting kalooban na nagligtas sa babae. Ito ang superhero sa gabing iyon.

Gemelos Blood COMPLETEDWhere stories live. Discover now