Chapter 13

406 11 0
                                    

CHAPTER 13

PUNO ng luha ang mga matang nagmulat si Abram. Sinapo niya ang dibdib sa sari-saring emosyong nararamdaman niya. Naroon ang saya dahil sa wakas ay alam na niya ang kanyang pinagmulan. Pero naroon rin ang pait ng sumpang alam niyang taglay niya.

"G-Grandpa..." nanginginig ang tinig na sambit niya. "N-Nasaan sila? Nasaan ang mga magulang ko? Sabik na sabik na akong makita at mayakap sila." Pinuno niya ng hangin ang dibdib at ngumiti. "Napakatagal na panahon kong hinintay na malaman kung sino ako. Salamat grandpa... ngayon ay alam ko na ang lahat-lahat sa pagkatao ko."

"Abram..." puno ng luha ang mga mata nitong sinapo ang mukha niya. Natigilan siya nang makita ang walang katumbas na sakit sa mga mata nito. "P-Patawad pero... wala na sila..." umiling-iling ito. "Wala na ang mga magulang mo. They died of protecting you... and your twin. They died protecting our community. Namatay sila na baon-baon ang paninindigan para sa kaligtasan ng lahi natin."

Nanghina ang katawan ni Abram sa nalamang iyon. Agad niyang naramdaman ang pagsalo sa kanya ni grandpa Bleron. Pero sa kabila ng nalaman niya ay naroon ang paghanga niya para sa mga magulang. Dahil alam niyang namatay ang mga ito na bayani ng kanilang lahi.

"Grandpa... sino ang pumatay sa mga magulang ko?" mariing tanong niya.

Nagkaroon ng galit ang mga mata nito na parang naalala ang pangyayaring iyon. Binitawan siya nito bago humugot ng malalim na hininga.

"Noong gabing paghiwalayin kayo ng kambal mo ay bumalik sa consejo ang mga mga magulang mo. At nang gabi ding iyon ay sinalakay kami ng malalakas na pwersa ng mga natitirang bampirang kakampi ng El Primero. Pinatay nila ang lahat ng mga kasama namin gamit ang isang malakas na enkantasyon." Hinawakan niya ang mga kamay nito nang magtagis ang mga bagang. "Ang mga magulang mo... nabihag sila," puno ng luha ang mga mata nito. "Pilit silang pinaamin kung saan dinala ang kambal. Pero alam mo ba Abram..." ngumiti ito. "Kahit ano'ng pahirap ay tiniis ng mga magulang mo para protektahan kayo. Nagmatigas silang aminin kung saan kayo dinala. Ibinuwis nila ang sarili nilang buhay para sa inyo... para sa buong lahi ng mga mabubuting bampira na ang hangad ay kapayaan at pagkakaisa." Lalong napaiyak si Abram sa nalaman. "P-Pinaslang sila ng anak ng El Primero... ni Vercel."

Umahon ang matinding poot sa dibdib ni Abram sa nalamang iyon. Napakarami ng kasalanan ni Vercel sa kanya at pagbabayarin niya ito. Ngayong alam na niya ang dahilan kung bakit gusto siya nitong bihagin ay ipinapangako niya sa sariling gagawin ang lahat para madaig ito at hindi magtagumpay sa maiitim na balak.

"Ako lang ang nakaligtas nang gabing iyon dahil nakatakas ako," mapait nitong sambit. Naging malamlam ang mga mata nito. "Patawarin mo ako Abram at wala akong nagawa para iligtas ang mga magulang mo."

Umiling-iling siya. "Wala kang kasalanan grandpa," nakangiting tugon niya. "Maghihiganti ako. Pangako... ipaghihiganti ko ang pagpaslang ni Vercel sa mga magulang ko."

Hinawakan nito ang mga kamay niya. "Forgive me too grandson... kung ngayon lang ako nagpakita sa'yo." Huminga ito ng malalim. "Kaming tatlo lang ng mga magulang mo ang nakakaalam ng planong paghiwalayin kayo. Alam ko kung saan kayo dinala ng mga magulang mo. Hindi ako makalapit sa'yo dahil maraming mga masasamang bampira ang nagmamanman sa'ken at sa lahat ng kilos ko. Naniniwala sila na alam ko kung nasaan kayo. Gustung-gusto ko mang lumapit sa'yo para sabihin sa'yo ang lahat-lahat pero hindi ko magawa dahil natatakot akong makita ka nila. Kaya nagkasya na lang akong tanawin ka sa malayo. Iparamdam ko sa'yo na nandito lang ako tahimik na ipinaparamdam sa'yo ang pagmamahal ko."

Ngumiti siya ng matamis. "Hindi man kita nakikita grandpa... palagi mo namang ipinaparamdam sa'ken na hindi ako nag-iisa kapag nalulungkot ako."

Gemelos Blood COMPLETEDWhere stories live. Discover now