Bitten - Chapter 11

68 14 1
                                    

“Nasaan na ba tayo?” Tanong ni Clarrence habang ‘di magkandamayaw sa pagdungaw sa labas ng bus.

“Ang sakit na ng katawan ko. Mas gusto ko pang maglakad maghapon grabe!” Madramang saad naman ni Math habang inihihilamos ang palad sa mukha niya.

“Edi bumaba ka at maglakad ka na lang. Tingin ko ilang buwan pa ang aabutin mo—”

Sinamaan niya ng tingin si Ahl saka nag-usal ng malutong na mura. “Ahl ang seryoso mo naman.” Inirapan lang siya nito at tinalikuran. Hindi ko talaga matukoy kung pa’no naging magkaibigan ang dalawang ‘to.

“Rhea nasa’n na ba tayo? Halos magdadalawang araw na tayong nakaupo dito’t nagbi-biyahe. Pagod na rin naman sina Kulas at James kamamaneho!” Mahabang litanya ni David. Napayuko na lang si Rhea.

“Sorry po.”

“Sigurado ka ba talagang ito ang daan?”

“Sandali naman, David. Kalma ka nga, tinatakot mo ang bata eh.” Sabat naman ni Klara. Gan’yan lagi ang senaryo ‘pag lahat kami ay napapagod. Hindi matigil sa bangayan at pag-aaway.

“Sigurado po ako. Pagliko po natin sa kabilang kanto—”

“Punyetang kabilang kanto. Nasaan?!” Singhal ni Math. Siniko siya ng kaibigan niya saka sila nag-irapan.

“Tumigil nga kayo, para kayong mga bata. Anong inaasahan niyo? Isang oras ang biyahe papunta sa Sorsogon?” Suway ni James. Napabuntong hininga na lang si Klara habang nakita ko ang pag-iling ni Kulas.

Binalot kami ng matinding katahimikan. Mabuti pa si Shein, walang problema sa buhay. O baka dahil ‘di niya pa gaanong naiintindihan.

Nang lumiko ang bus ay tumambad sa amin ang dalawang daan. Inihinto ni James sa gilid ang bus. Sa kaliwa ay may nakasulat na papunta itong Sorsogon. Pero may malaking guhit ng ‘X’ dito na animo’y isang babala.

“May marka ng ekis, edi hindi ligtas.” Saad ni David at tinapunan ng tingin si Rhea. Napayuko na lang siya. Tinignan ko ang kanang bahagi pero walang nakasulat na signage.

“Kanan.” Napalingon kaming lahat kay Kulas. Agad siyang binara ni Rhea.

“Pero sa Sorsogon ang safe place—”

“Rhea, may marka na ng ekis. Baka mas delikado sa sinasabi mong safe place.” Malumanay na sabi ko sa kaniya. Napalingon siya sa ‘kin bago napayuko. Ayoko naman sanang maoffend siya pero tingin ko ay hindi magandang ideya kung susundin namin ang naunang plano. At ‘yon ay ang pumunta sa Sorsogon, na sinasabi niyang safe place. May lunas daw roon. Pero sa ganitong sitwasyon hindi na ligtas kung paninindigan namin ang unang plano.

Napatango-tango si Clarrence habang nginitian naman ako ni James.

“Kanan.” Muling usal ni Kulas na agad tinanguan ni James saka iniliko ang bus sa kanan. Pataas ang kalsada at paliko-liko ang daan. Napapikit na lang ako dahil sa pagkahilo.

“Anong daan ba ‘to? Kaliliko lang, liliko na naman—aray! Ba’t ka naniniko?” Asik ni Math kay Ahl. Sa huli ay nag-irapan na lang silang dalawa. Mga abnormal talaga.

“Nahihilo ka rin?” Tanong ni Clarrence nang mapansin niya ang paghilot ko sa sentido. Tumango lang ako saka mariing pumikit.

“Sandal ka sa ‘kin.” Umusog siya nang kaunti at naramdaman kong iginiya niya ang ulo ko pasandal sa balikat niya. Bagama’t maliit na lalaki si Clarrence kumpara kina Kulas, mas maliit pa rin naman ako kaya nakakasandal ako sa balikat niya nang walang hirap.

Maya maya lang ay nauntog ako sa unahan dahil sa malakas na pagpreno.

“Aray!”

“Ano ba ‘yan!” Kaniya-kaniya silang daing habang napasapo na lang ako sa noo ko. Napatingin ako kay James na matamang nakatitig sa ‘kin saka ito napailing-iling at napatingin sa katabi niyang si Kulas.
“James, nasiraan ba tayo? Ba’t huminto?” Tanong ni Klara. Hindi siya nito sinagot, pinaandar lang nito muli ang bus.

BittenWhere stories live. Discover now