Bitten - Chapter 2

152 22 32
                                    

Nagising ako nang maramdaman ang kaunting paggalaw sa may bandang paanan ko kaya napabangon ako at napadilat ng mata. Agad kong naiharang sa mukha ang braso ko dahil sa matinding sikat ng araw. Daig ko pa ang binuhusan ng malamig na tubig nang mapagtanto kung nasaan ako. Nakahiga pa rin ako sa kartong nakalatag at nasa grocery store kami. Napakurap ako ng ilang beses.

‘Hindi panaginip ang nangyari kahapon kundi totoong pangyayari.’ Napapikit ako dahil sa naisip.

“Gising ka na pala.” Napalingon ako sa pinanggalingan ng boses at nakita ko ang lalaking humila sa ‘kin kahapon. May hawak siyang tinapay at kinakain niya iyon. “James nga pala. Ikaw?” Pagpapakilala niya habang nakangiti sa akin. Nanatili akong nakatitig sa mukha niya kaya natawa siya bago kumagat ulit sa tinapay na hawak niya.

“Kumakain sila roon.” Turo niya sa bandang likod kung saan nakakumpol ang mga kasamahan naming at kumakain.
“Kain ka muna.” Dagdag niya pa bago ako nginitian at tinalikuran.

“S-sandali lang…” Pagpigil ko sa kaniya saka napayuko nang tumingin ulit siya sa ‘kin.

“Bakit?”

“Uhh- S-Shanaya ang pangalan ko. A-at Salamat nga pala kahapon.”

Narinig ko lang ang mahinang tawa niya bago umalis. Nakahinga ako nang maluwag dahil nakapagpasalamat din ako sa kaniya sa wakas. Hindi ko alam kung nasaan na ako ngayon kung hindi niya ako hinila paalis doon.

“Upo ka.” Nginitian ko si Klara at naupo sa tabi niya sa may sahig. Binigyan niya ako ng tinapay na kinuha ko na lang din.

Kahit marami ang nagkalat na mga ulol (iyon na raw ang itatawag namin sa kanila) sa labas ng grocery store ay kumain na lamang ako kasalo nila.
***

Magdidilim na pero heto ako ngayon at nakatunganga sa may sahig. Ang mga bata ay walang sawang kumakain. Dahil sobrang dami namang pagkain dito. Napailing na lang ako. Hindi pa ako nakakaligo ng mahigit tatlong araw. Dalawang araw na rin kasi ang lumipas mula nang mapunta kami rito.

Kinalkal ko sa bag ang reserbang pambihis na dala ko. Hindi kasi ako komportable sa suot kong uniporme at nangangati na rin ako. Mabuti na lang talaga at nasaktuhang may PE kami ng araw na ‘yon kaya nakapagdala ako ng extra damit. Kumuha rin ako ng mga kakailanganin sa pagligo at nagtungo sa CR.

“S-sorry.” Napayuko ako nang makasalubong si Kulas na lumabas ng CR. Wala ang damit pang-itaas niya kaya nanatili akong nakayuko. Basa rin ang buhok niya at naamoy ko ang mabangong shampoo mula sa buhok niya.

Hindi siya umimik at dire-diretso lang kaya pumasok na lang ako sa CR. May nakasampay sa gilid na isang boxer kaya ramdam ko ang biglang pag-init ng mukha ko dahil sa hiya. Napailing na lang ako at naligo.

“Mabuti ka pa Shanaya, nakaligo na.” Maktol ni Klara habang umiinom ng softdrinks. Dahil sa wala naman kaming ibang magawa rito ay binubusog na lang namin ang mga sarili ng kung ano anong mga pagkain.

“Ang baho mo na, Klara.” Natatawang tugon ni Jim kaya inirapan siya nito at kunwaring walang narinig saka nilantakan ang tinapay na hawak.
Nililibang ko ang sarili ko sa pag-aayos ng mga biskwit nang makarinig ng mahinang daing mula sa loob. Nanlaki ang mga mata ko nang mapagtanto kong ang buntis na si ate Yhel ‘yon. Alam ko na ang mga pangalan nila dahil nakilala ko naman na sila kahit papano sa loob ng dalawang araw.

“Manganganak na yata ang asawa ko!” Natatarantang tugon ni kuya Allan.

Nakakumpol na kami sa kanila. Naalala kong kabuwanan na nga pala ni ate Yhel at kung minamalas nga naman ay naabutan pa nila ang trahedyang nangyayari ngayon.

“May marunong po ba sa inyo magpaanak mga Lola?” Tanong ni Clarrence.

“Wala yata hijo. At isa pa, walang mga gamit dito hijo. Walang kumot at ilang panlinis.” Sagot ni Lola Hilda. Napailing iling si Mang Berto at natatarantang sumilip sa labas.

BittenWhere stories live. Discover now