Bitten - Chapter 27

31 6 0
                                    

“Mama!” Walang kapantay ang tuwa ko habang yakap si Mama. Kahit siya ay iyak din nang iyak. Nawalan yata kami ng pakialam sa mga kasamahan namin na nakatingin lang.

“Kumusta ka na?” Saka niya hinaplos ang buong mukha ko. Miss na miss ko si Mama. Hindi ko akalaing dito ko pa siya makikita, pero masaya akong nagkita ulit kami at ligtas siya.

“Okay lang po ako, Mama. Kayo po?”

“Ayos na ako ngayong alam kong okay ka.” Ilang minuto rin yata kaming magkayakap bago tuluyang bumitiw sa isa’t isa. Hinayaan naman kami ng mga kasama namin kaya okay lang. Ang daming kong gustong itanong kay Mama. Kung paano siya napunta rito. Kung kumusta ba siya. Sa sobrang dami ng gusto kong ikwento sa kaniya, hindi ko na matukoy kung anong uunahin.

Nakisali kami ni Mama sa mga kasamahan ko at niya. May lima siyang kasama na halos kaedaran niya lang. Mukhang sama-sama silang nakatakas. Natutuwa ako kahit papaano na hindi nila dinibdib ang mga nangyayari. Heto sila at nag-uusap-usap. Sigurado akong paraan lang nilang lahat ‘yon para makalimutan ang masalimuot na nnagyari.

“Mama, mga kaibigan ko po. Sila ang nagligtas sa ‘kin.” Untag ko habang hawak ang kamay ni Mama. Nginitian niya sina James.

“Magandang araw po.” Nakangiting bati ni Klara.

“Salamat sa inyong lahat at hindi niyo pinabayaan ang anak ko.”

“Walang anuman po. Malaki rin naman ang naitulong sa ‘min ni Shanaya.” Nakangiting sabi ni David. Natutuwa akong ipakilala silang lahat kay Mama. Halos ‘di mapunit ang ngiti sa labi ko habang iniisa-isang ituro at sabihin ang mga pangalan nila.

“Teka...” Natigilan si Mama habang nakatitig kay Lukas. Mukhang inaalala kung saan niya nakita ito.

“Ikaw si Lukas, tama ba?” Nakangiting tanong ni Mama dahilan para mapaatras ng kaunti si Lukas. Nakarehistro ang gulat sa mukha niya. Mukhang hindi niya inaasahang matatandaan siya ni Mama.

“Opo.” Bahagyang nakayukong sagot niya.

“Kumusta na si Myra?”

“Nasa Vigan po siya, ‘yon po ang huling balita ko.”

Nakakapanibago. Ngayon ko lang narinig na ganito kalumanay at kagalang kung magsalita si Lukas. Parang bigla siyang naging maamong tupa.

“Kung nandito lang ‘yon si Jim, paniguradong siya ang mangunguna sa pang-aasar sa inyo.” Napalingon ako kay Klara at nakita siyang nakaupo sa tabi ko. Napangiti ako at bahagyang napatango. Palagi nga naman akong inaasar ni Jim kay Lukas pero hanggang ngayon hindi ko alam kung bakit.

“Kilala niyo na ba ako bago pa nagsimula ang virus?”

“Hmm. Oo. Lalo na sila nina Jim.” Saka niya tinuro si James na nakaupo sa harap namin. Abala naman sa pagkakamustahan si Mama at Lukas. Naalala kong gustong-gusto ni Mama na bigyan sila ng ulam. Palagi niya pa ‘yon kinakausap noon kaya medyo naging kalaro ko siya kahit papaano.
“Ano sa ‘kin?” Takang tanong ni James.

“Na matagal niyo nang kilala si Shanaya.” Nakangising sagot ni Klara.

“Eh? Paano?” Although palagi ko silang nakikita sa kanto tuwing uwian ko, wala akong senaryong natatandaan na nagbigay ng pangalan sa kanila.

“Kinukwento ka ni Kulas sa ‘min.” Natameme ako. Hindi ko alam kung anong irereact. Gusto ko sanang itanong kung bakit at anong ikinukwento ni Lukas sa kanila pero tinubuan ako ng hiya sa buong mukha. Ramdam ko rin ang pamumula ng pisngi ko, lalo na nang bahagyang napalingon sa gawi ko si Lukas.

“Ate!” Nakahinga ako nang maluwag saka niyakap si Shein. Mabuti na lang at nakatakas din ako sa awkward na moment na ‘yon. Tinawanan lang ako ni Klara at gano’n din naman si James.

BittenWhere stories live. Discover now