Bitten - Chapter 18

43 8 0
                                    

Madaling sumibol ang takot sa buong sistema ko nang makita ang rabid na nasa baba. Halos gusto na yata ako nitong sakmalin kung kakayanin niya lang. Nang makita ko si Kulas na nasa baba ay agad akong nabuhayan ng pag-asa. Agad niyang pinagpapalo ang rabid hanggang sa mawalan ito ng malay.

“Dali. Talon na!” Nagdadalawang isip akong napatingin sa babagsakan ko. “Sasaluhin kita. Bilisan mo!”

Huminga muna ako ng malalim bago tumalon. Alanganin ang pagkakasalo sa ‘kin ni Kulas pero ligtas pa naman ako kahit papaano. Nang makarecover ay sabay kaming tumakbo papunta sa kung saan, kahit na ang daming tanong sa isip ko. Akala ko talaga ay iniwan niya na ako.

“Saan tayo pupunta?” Napalingon ako sa likod, mabuti na lang at wala namang mga rabid na sumusunod sa amin. Saktong pagtingin ko naman sa unahan ay iilang rabid ang nakaabang. Kaya pala wala sa likod namin dahil marami sa harapan!

Rinig ko ang malakas na pagmura ni Kulas saka kami lumiko sa isang eskinita. Gano’n na lang ang gulat ko nang makasalubong sina James.

“Kulas!” Sigaw nila. Nagpalinga-linga ako at saka nakahinga ng maluwag nang makita kong kumpleto pa sila maliban kay Rhea.

“May mga rabid diyan!” Sigaw ni Math nang tuloy-tuloy kami sa pagtakbo.
“Meron din dito.” Saka ko tinuro ang direksyon kung saan kami nanggaling. Aligaga kaming nag-iisip kung saan dapat na pumunta o kung may mapupuntahan pa kami. Lalo akong naalarma nang makarinig ng mga tunog na mula sa mga rabid.

Napamura si Math habang nakasiksik kaming lahat dahil sa maliit na espasyo ng eskinitang ‘to. Napapagitnaan kami ng dalawang grupo ng mga rabid.

“Sa taas ng bubong!” Bulalas ni David kaya agad akong napatingala. Dahil nga skwater area ang kinaroroonan naming, medyo may kaliitan ang mga bahay kaya hindi ito gaanong mataas.

“Dali! Shanaya!” Aligagang sabi ni James saka ako hinawakan sa bewang para maiangat at maabot ko ang isang kabilya. Agad rin naman akong nakaakyat dahil sa tulong niya saka niya isinunod si Shein.

“Ate!” Agad akong niyakap ng bata nang maiakyat siya sa bubong na gawa sa sim. Napatingin ako sa baba at nakitang si Kulas at Ahl ang pumipigil sa mga rabid para makalapit sa grupo namin.

“Hawakan mo ako.” Tumango si Klara saka inabot ang kamay ko. Nakaakyat na halos lahat pati na rin si Lawrence, David at Clarrence.

“Rina, abutin mo ang kamay ko.” Untag ni Lawrence saka nito iniabot ang kamay kay Rina. Nagtaka ako ng umatras ito dahilan para hindi siya maabot ni Lawrence. Nag-iiyakan ang mga rabid dahil sa palong natatamo nila mula kina Ahl kaya lumilikha ito ng malakas na ingay. Agad na umakyat si Kulas kasunod si Math.

“Umakyat ka na!” Rinig kong sigaw ni Ahl na siyang natitira sa baba kasama ni Rina. Umiling lang ito saka napasandal sa pader. Halo-halong ingay ang maririnig. Iyak at mga ungol dahil sa palong natamo ng rabid at pati na rin ang mga nasasabik na rabid na alam kong paparating na anumang oras.

“Ahl, umakyat ka na! Utang na loob, hayaan mo na siya!” Sigaw ni Math. Hindi ko rin naman siya masisi, nag-aalala lang siya sa kaibigan niya. Minura siya ni Ahl saka nito nilapitan si Rina, pero umatras lang lalo ito.

“Umakyat ka na. Dito lang ako.” Umiiyak na tugon nito. Napabuntong hininga na lang si Ahl saka tumango. Walang kahirap-hirap itong nakaakyat sa pwesto namin.

“Rina, pakiusap! Umakyat ka na rito!” Sigaw naman ni Lawrence, iling lang ang isinagot ni Rina kaya nanlulumo akong napayuko hanggang sa magsidatingan na ang mga rabid. Mistulang naging pain si Rina.
“Si Ate Rina,” Untag ni Shein kaya niyakap ko na lang siya nang mahigpit. Siguro’y hindi nito kinaya ang pagkawala ni Rhea. Hindi na nito kinaya pa ang mga nangyayari. Agad siyang sumuko sa laban na ‘to.

BittenWhere stories live. Discover now