Bitten - Chapter 12

80 11 4
                                    


“Naloko na.” Malakas na tawa ni Math ang nangibabaw saka siya napaluhod sa lupa. Nanghihina kong ibinaba si Shein. Napaupo rin kami sa lupa, katabi ni Math.

“Paanong...”

“Iniwan nila tayo.” Napalingon ako kay Rhea. Malayo ang tingin niya. Sa isang iglap, lahat kami ay biglang nanghina.

“Mga gago ang kaibigan mo.” Walang pakundangan na sinugod ni Kulas ng suntok si Math. Napahiga ito sa lupa.

“Bakit? Tingnan mo nga at iniwan nila kami kasama ka. Hindi pa ba panggagago ‘yon?!” Giit nito. Akmang susuntukin ulit siya ni Kulas pero agad na akong pumagitna sa kanila.

“Tama na. ‘Wag kayong mag-away, please.” Masamang tingin ang ipinukol sa ‘kin ni Kulas kaya nag-iwas ako ng tingin at inalalayan paupo si Math.

“Nakikita kayo ng bata, at isa pa. May rason kung bakit nila nagawa ‘yon. Ang isipin na lang natin ay ligtas sila. Mga kaibigan natin sila ‘di ba?” Tiningnan ko si Math. Napayuko lang siya. Sigurado akong kasama si Ahl sa bus na ‘yon. Hindi ko lang alam kung babalikan ba nila kami.

“May pagkain ba kayong naitabi?” Tanong ni Kulas. Sa aming lahat ay ako lang ang mayroong dalang bag. Maliit pa ito. Tumango ako. May iilang piraso rin ng biscuit dito.

“Binigay ko kay Ahl ‘yong bag na dala ko.” Mapait na tugon ni Math. Hindi na lang kami umimik pa at naupo na lang sa maruming kalsada. Hindi ko maintindihan, ligtas naman sa pwesto namin at walang ulol na pagala-gala. Bakit pa nila kami kinailangang iwan?

“Ate, iniwan na po ba nila tayo?” Tipid na ngumiti ako kay Shein at hinaplos ang buhok niya. Hindi ko na lang sinagot, hangga’t maaari ay ayokong mag-isip ng masama. Naging kaibigan pa rin naman nila kami kahit papaano.

Siguro ang naging mabuting dulot lang ng apocalypse na ito ay ‘yong nagkaroon ako ng mga kaibigan.

“Pa’no na tayo ngayon? Mamatay sa lamig mamayang gabi? O ‘di kaya’y sugurin ng mga ulol na ‘yon? Gaano ba kayo kasiguradong walang magagawi rito—” Napalingon ako dahil sa biglang pagsalita ni Math. Hindi pa siya tapos magsalita ay agad nang sumabat si Kulas at binara siya.

“Iyang malaki mong bunganga ang magpapahamak sa ‘tin kaya p’wede ba? Manahimik ka na lang!” Giit ni Kulas.

“Malaking bunganga?! Ikaw ang manahimik. Gago ka! Hindi kita pagbibigyan ngayon!” Tumayo si Math at naglakad palapit sa nakaupong si Kulas.
“Mathew. Tama na ‘yan.” Saway ko sa kanila habang palipat lipat naman ang tingin ng bata sa kanilang dalawa.

“Tingin mo may magagawa ‘yang pagrereklamo mo—”

“At may magagawa ba ang pagsabat mo sa mga reklamo ko—”

“Tumigil na sabi kayo!” Singhal ko nang makitang nakakuyom na ang kamao ni Math. Tinulak ko siya nang mahina.

“Tumabi ka riyan, Shanaya. Baka madamay ka ‘pag hindi ka umalis.” Pagbabanta pa nito. Imbes na matakot ay tumayo ako nang tuwid at sinalubong ang nag-aalab nitong mga mata.

“Hindi. Ikaw ang tumigil, Mathew—” Napapikit na lang ako nang itaas nito ang kamao niya.

‘Susuntukin niya ba ako?’

Ilang segundo ang lumipas pero walang kamaong tumama sa mukha ko.  Sa halip ay nakarinig ako nang malakas na lagabog kaya dumilat ako. Naabutan kong natumba si Math sa lupa habang sinusuntok siya ni Kulas. Napatingin ako kay Rhea. Hindi rin ito mapakali sa kinatatayuan niya at tila gustong awatin ang dalawa.

Gumanti si Mathew at sinuntok nang malakas ang mukha ni Kulas. Napaawang na lang ang bibig ko dahil sa ginagawa nilang pagsusuntukan. Imbes na nagtutulungan kami ay nagawa pa nilang aksayahin at ubusin ang lakas nila sa pag-aaway.

BittenWhere stories live. Discover now