Bitten - Chapter 24

34 6 0
                                    

Pila-pila kaming lahat na pinasunod ng isang sundalo. Dinala nila kami sa pinakagilid kung saan may mga hose at kung ano-anong kagamitan sa pagligo.

“Doon kayo.” Sigaw nila kaya nagsipunta naman kami ro’n.

Wala na yata kaming pakialam kahit na nagmumukha kaming mga aso na pinapaliguan ng amo. May mga hawak silang hose na tinututok sa amin. Walang imik na hinugasan ko ang sarili. Hindi na nga naalis ang mga putik, dugo at kung anong mantsang nasa damit namin. Todo kuskos lang ako sa mga siko at iilang parte ng katawan at ganoon din sila. Walang pakialaman.

“Shein, sabunan mo rin ang binti mo.” Tugon ko nang makitang hindi niya nalilinisan ang binti niya. Nginitian niya naman ako bago sinunod ang sinabi ko.

Napaisip tuloy ako. Siguradong kung nandito pa si Math, siya ang unang matutuwa. Baka nga kanina pa ‘yon kumakanta. Namiss ko tuloy siya bigla. Napabuntong hininga ako saka inisip na lang na nasa maayos na siyang kalagayan. Sigurado akong masaya na siya ngayon. Nagitla ako nang sumigaw na naman ‘yong isang sundalo. Lagi niya na lang kaming sinisigawan. Kami naman ay parang mga maamong tuta na sumusunod lang. Sa ngayon kasi wala kaming panahon para mag-inarte. Ang mabuti naman sa ngayon ay ‘yong ligtas na kami.

“Dito ang mga babae. Doon ang mga lalaki.” Utos niya habang tinuturo ang mga tent na dapat naming pasukan para makapagpalit ng damit. Sabay-sabay kaming pumasok doon nina Klara. Kasama rin namin si Aliyah, ‘yong babaeng sumunod sa amin noong hinahabol kami ng mga pulis bago kami ni Lukas humiwalay sa grupo.

“Feeling ko tuloy nasa ukay tayo.” Natawa na lang din ako sa sinabi ni Klara saka sumang-ayon. Sa harap namin ay mayroong gabundok na mga damit. Siguradong rasyon ‘to at pinamimigay sa ‘ming mga survivor.

‘Survivor’ pag-uulit ko sa isip. Ang sarap isipin na nakaligtas na kami sa mga rabid.

“Tama na yata ‘to sa ‘kin.” Tugon ni Klara habang sinusukat ang mga damit na napili. Gano’n na lang din ang ginawa ko, tinulungan ko na rin si Shein sa paghahanap ng damit at pagbibihis. Nakapa ko pa nga sa bulsa ng lumang short ang hugis pusong inukit  ni James sa kahoy kaya napangiti ako. Kinuha ko ‘yon saka muling ibinulsa.

Nginitian naman ako ni Aling Cecil nang magawi sa kaniya ang tingin ko. Umusal ulit siya ng pasasalamat. Masaya akong nakatulong kami ni Lukas kahit papaano. Ang sarap sa pakiramdam, lalo na kapag nakikita ko si Cara na nakangiti na ulit. Hindi gaya noong una namin siyang nakita na laging takot ang nakapaskil sa mukha.

Paglabas namin sa tent, napreskuhan na ako sa wakas. Ilang araw din akong nagtiis sa amoy ko. Ang baho at ang dungis ko kasi dahil pagala-gala lang. Nakakuha na rin kami ng mga bagong tsinelas kaya nahubad ko na ang sapatos. Namulok na nga yata ang paa ko.

Kapag naaalala ko lahat ng pinagdaan namin, napapangiti na lang ako. Sobrang hirap no’n at masaya lang akong ligtas na kami ngayon. Nang tapos na kaming lahat magbihis, giniya nila kami sa loob ng isang malaking court. Mukhang bagong gawa lang ‘yon dahil sa kulay at itsura.

Nagkatinginan kami ni Klara at hindi makapaniwala sa nakikita ngayon. Nagkalat doon ang mga tao, hindi rabid. Sa ilang buwan naming pamamalagi sa kalsada at kung saang mga tindahan, ngayon lang ulit ako nakakita ng ganito karaming tao, ‘yong normal. Nag-uusap at nagkukwentuhan sila.

“May pagkain.” Turo ni David sa pinakadulo. May mga nakapila ro’n habang ang iba naman ay nakaupo kung saan-saan at kaniya-kaniyang kumakain.

“Tara na! Gutom na ‘ko!” Excited na sabi ni Klara saka kami nag-uunahang tumakbo para makapila.

Habang nakapila, iginiya ko ang paningin sa kabuuan ng paligid. May isang malaking wall clock na naka sabit sa taas. Kaya naman pala ganito na lang kung tumunog ang sikmura ko. Mag-aala-una na pala sa hapon. Hindi naman kami nakapag-almusal kaya talagang gutom na gutom kaming lahat. Mag-iisang oras din yata kaming nakapila bago tuluyang nakarating sa mesa. Maraming kaldero doon at mayroon ding mga utensils. Sila ang sumasandok ng ulam. Isang putahe lang ang nakahain. Nakita ko pa ngang halos maglaway na si David dahil sa nakikitang ulam. Tig-iisang tray kami kung saan mayroong kanin, ulam at isang piraso ng saging.
“Ayon ang tubig.” Turo ng babaeng naglalagay ng pagkain sa akin. Tumango naman ako saka sinulyapan ang parteng tinuro niya.

BittenWhere stories live. Discover now