IKALAWA

1.1K 18 0
                                    

20 years ago...

Turuan kita magbisaya, sabi niya.

Sige nga, sige nga, sabi ko sabay tawa.

Gihigugma tika, sabi niya.

Tumawa ako ng malakas at kako, sinong niloko mo? Alam ko na 'yan.

Tumawa rin siya. Matapos ay tumahimik ng ilang sandali. Walang nagsasalita, nagpapakiramdaman lang. Maya-maya pa ay nakarinig na kami ng tatlong magkakasunod na 'toot' na nangangahulugang paubos na ang limang minutong binayaran niya ng tatlong piso sa payphone.

Sige na, sabi niya. Good night na. Hindi na naman ako makakatulog agad. Ang bilis pa ng tibok ng puso ko dahil nakausap na naman kita.

Good night na, sagot ko. Bye.

Si Marvin ang kauna-unahang nanligaw sa akin. Hindi kasi ako ligawin at di rin naman kasi ako kagandahan. Isa pa, sa amin, parang nakakailang daw ligawan yung mga tinuturing nilang nasa middle class. Hindi kami mayaman, binubuhay lang kami ni erpats sa talyer niya. Pero sa lugar namin, isa ako sa iilang nakapagtapos ng high school sa pribadong paaralan. Isa ako noon sa iilang makakapagkolehiyo sa Maynila. Kaya para sa karamihan sa amin, parte ako ng middle class, na hindi madaling abutin.

Tauhan ni erpats sa talyer si Marvin at nagsimula kaming mag-usap at magbiruan nung summer ng 1998. Kakatapos ko lang ng high school, atat na magkolehiyo. Dahil nasa bahay lang naman ako palagi ay inuutusan ako ni erpats na maghain ng meryenda nila ng mga boy niya sa talyer.

Halos magkasing edad lang kami ni Marvin pero imbes na mag-aral pa ay nagbanat na siya ng buto. Taga GenSan talaga siya. Kasama niyang lumuwas ng Maynila ang kuya niya para hanapin ang kanilang kapalaran pero sa di malamang kadahilanan ay dito sila napadpad sa amin.

Hindi pa uso noon ang cellphone kaya sa telepono kami laging nag-uusap. Kapag nag ring na ang telepono namin sa bahay ng bandang alas nuwebe ng gabi, alam na ng lahat kung sino yun. Wala ng iba sa kanilang sasagot dahil alam na nilang para sa akin ang tawag.

------------------------------
Follow me on my accounts:
Facebook: Bonita Vianca WP
Wattpad: BonitaVianca

Tatlong Piso para sa Limang MinutoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon