Habang iniisip kung anong hiwaga ang namamalas niya na ang mga alam niyang patay na ay heto at naglalakad papalapit sa kanya. Papalapit nga ang prusisyon ng mga patay sa kanya! Halos tumilapon mula sa loob ng kanyang dibdib ang puso niya sa lakas ng pagtibok nito dulot ng matinding kaba. Minabuti niyang pumanhik na sa loob ng kanilang bahay at ikandado ang pinto. Kahit paano kapag nasa loob siya ng bahay nila at may dingding at pintong mamamagitan sa kanya at sa hilera ng mga yumaong kakilalang mga iyon, bagamat yari lamang sa pawid. Isa pa nandun ang kanyang ina. Alam niyang ano man ang mangyari ay hindi sya pababayaan nito. Ngunit ganoon na lamang ang sindak na nadama ni Liza ng itulak niya ang pinto ng kanilang bahay ay nakakandado ito mula sa loob. Tahimik na tahimik ang buong kabahayan. Isinigaw niya ang ngalan ng kanyang ina: "Inay! Buksan ninyo ang pinto Inay! Madali kayo! Inaaay!!!"
Hanggang mapaos na ang tinig ni Liza ay walang inang nagbukas ng pintuan para sa kanya.
Sa pagpihit ng ulo ni Liza ay laking gulat niya na nasa harapan na niya ang mga patay na animoy mga buhay pang naglalakad. Unang nakalapit sa kanya ang kanyang Impo Felisa. Kitang kita niya ang mga mata nitong napakalaki ng pinaka itim na napapaligiran ng puti ng mata na may malalaki at mapupulang mga ugat na nanlilisik sa kanya. Walang nagawa si Liza upang ipagtanggol ang sarili ng pumalibot ang dalawang mabutong palad ng kanyang Impo Felisa sa kanyang leeg at simulan siyang sakalin. Sa likod ng kanyang Impo ay naroon ang iba pang mga patay na nagsipag bangunan. Lahat ng mga ito ay naka-unat ang mga agnas ng braso at tila siya ay sabay sabay nilang gustong hablutin!
Halos mapugto ang hininga dahil sa pagkakasakal sa kanya ng bangkay na bersiyon ng kanyang Impo Felisa. Napakabait at talaga namang mahal na mahal siya ng kanyang nasirang Impo noong ito'y nabubuhay pa kaya ganun na lamang ang hilakbot na naramdaman ni Liza sa mga nangyayari ng mga sandaling iyon.
"I-impo Felisa! Wag po ninyo ako patayin. Ako ito! Si Liza! A-apo ninyo!"
Ngunit paano siya maririnig ng isang taong patay na. Na heto nga at gumagalaw, naglalakad, ngunit bulok na at agnas na ang mga kalamnan at hindi na rin nakakapag isip tulad ng pag iisip ng isang taong may talino at may pamantayan ng kabutihan. Hindi na tao ang sumasakal sa kanya. Kawangis ng Impo Felisa nya ngunit hindi na tao ang nilalang sa harap niya.
Hinang hina na at halos mapugto na ang hininga ni Liza sa higpit ng pagkakasakal sa kanya. Malapit ng bumigay ang dalawang braso nyang sumusuporta sa kamay nyang nakahawak sa dalawang balikat ng Impo Felisa nya at tumutulak dito upang hindi nito tuluyang mailapit ang mukha at bibig sa leeg niyang pinupuntirya ng mga ngipin nito.
Sa kahuli-hulihang lakas ng kanyang mga bisig, buong puwersang itinulak ni Liza ang patay kung kaya medyo napaatras ito at nabuwal. Sinamantala naman ni Liza ang pagkakabuwal nito dahil namataan niya ang gulok sa lupa na ginagamit nilang pamutol ng kahoy na panggatong. Inaabot niya ang gulok ng muling bumangon si Impo Felisa at muling lumapit sa kandakahog na si Liza.
Samantala, nakahandusay parin si Liza sa lupa at patagilid na gumapang para abutin ang gulok. Malapit na niyang mahawakan ang gulok. Konting usod nalang at...
"Rhaawwrr!"
Kumubabaw ang patay na Impo Felisa kay Liza at muling pinagsalikop ang dalawang kamay sa kulay ube ng leeg ng huli. Gamit ang kaliwang braso at kamay, pilit hinarangan ni Liza ang papalapit na ngipin ng halimaw ("Oo, halimaw ng maituturing ang nilalang na ito at hindi na ito ang mapagmahal kong Impo." - isip ni Liza) sa ibabaw niya habang ang kanang kamay ay pilit inaabot ang gulok.
Ilang minuto ding nagpambuno ang dalawa hanggang mangalay na ng tuluyan ang kaliwang braso ni Liza. Naalis ang pagkakaharang ng kaliwang braso ng dalagita sa leeg ng halimaw at nabigyang laya ang ulo nitong lumapit sa leeg nya. Amoy na amoy ni Liza ang nakakasulasok na amoy ng nabubulok na amoy ng laman ng patay. Kitang kita din niya ang ilang matataba at puting uod na nagpipiyesta sa laman ng dati nyang Impo at nagpaparoot parito at labas masok sa ilong, tenga, bibig at mata ng bangkay na halimaw.
"Ayokong mamatay ng ganito!" Sigaw ng isipan ni Liza. Hindi sa panahon at edad kong ito at hinding hindi sa ganitong isang karumaldumal at kahindik hindik na pamamaraan. Kailangan ko munang makita at malaman kung nasan ang aking mga magulang. Nang maisip ang mga minamahal na magulang ay nabuhay ang tapang sa kalooban ng dalaga at sumargo ang kakaibang lakas sa bawat himaymay ng katauhan niya.
Isang malakas na pag usod ang ginawa ni Liza at sa wakas nagsara ang palad niya sa hawakan ng gulok at awtomatikong iniangat niya ito sa hangin at patagilid na isinaksak sa sentido ng halimaw.
Sa ikalawang pagkakataon, walang buhay na dumagan sa kanya ang bangkay ng Impo Felisa niya. Itinulak niya ito paalis sa ibabaw niya habang ang ibang mga patay, sa pangunguna ng kanyang Lolo Leoncio ay unti unting naglalapitan sa kanya. Hinawakan niya ng mahigpit ang gulok upang maging pananggala niya sa pag atake ng mga bangkay sa kanya. Sa hindi inaasahan, habang paatras siyang umuusad ay hindi niya napansin ang isang tipak ng bato na nasa daraanan niya. Natalisod siya dito at bumagsak ng pahiga sa lupa. Tumama ang likod ng kanyang ulo sa matigas na kahoy na naka usli sa may hagdanan ng kanilang pawid na bagay. Sumargo ang matinding kirot sa likod na parte ng kanyang ulo, ilang segundong umikot ang kanyang paningin hanggang sa tuluyan na siyang nawalan ng malay tao.
Wag po sana ninyo kalimutan pindutin ang ⭐️ upang iboto ang mga kabanatang naibigan ninyo.
Salamat po.
BINABASA MO ANG
🕳️DILIM 🕳️
HorrorNaglahong lahat ng tao sa Barrio Suarez sa isang iglap maliban sa dalawang magkababatang matagal na hindi nagkita ~ si Liza at Alejandro. Dumating ang dilim na bumalot sa mundo nila at pinalitan ng isang pangalawa at kabaligtarang dimensiyon kung sa...