Halos bumagsak na ang talukap ng mga mata ni Liza dahil sa labis na antok. Hindi naman na naulit ang lagabog sa silong ng bahay nila. Paulit ulit sa isipan niya kung nasaan ang kanyang mga magulang. Wala kasi siya matandaan mula ng makasagupa niya ang muling bumangong bangkay ng Impo Felisa niya at ng iba pang mga namayapa na nilang kababaryo. Sinabi niya sa sarili, pagsapit ng bukang liwayway ay hahanapin niya ang mga magulang at ng makasiguro siyang ligtas pareho ito. Alam din niyang tanging ang mga ito lamang ang makakasagot ng marami niyang mga katanungang hindi niya kayang sagutin mag isa. Sa kalaliman ng gabi ay unti unting sumuko ang katawan ni Liza sa labis na antok kung kaya't siya ay nakatulog sa sulok ng kanyang silid.
Dapithapon na at pakagat na naman ang dilim na muling magmulat ng mata si Liza. Nagtataka siyang luminga linga sa paligid ng kanyang silid. Kung paano niya kinatulugan ay ganun pa rin ang ayos ng kanyang silid. At medyo nagulat pa siya ng makitang may hawak siyang kutsilyo. At doon ay naalala niya ang ingay na lumalagabog sa silong. Nagmadali siyang tumayo at sinugurong walang mga bangkay na naglalakad sa kanilang bakuran bago niya buksan ang pinto ng bahay. Nakakasiguro siyang wala parin ang kanyang mga magulang dahil kung nandun ang mga ito ay siguradong tatawagin siya sa oras ng pagkain.
Dama niya ang matinding pagkalam ng sikmura. Halos dalawang araw na siyang hindi kumakain. Kaya ng masigurong maaliwalas ang bakuran ay agad siyang nag bungkal ng kamote at kinuha ang bunga ng tanim nilang saging. Umigib din siya sa balon sa tabi ng kanilang bakuran na natural na bumubukal ng tubig upang may mainom siya. Pagbalik sa bahay ay isinara na niya ang pinto at isinalang sa apoy ang kamote at saging upang ilaga. Matapos ang ilang sandali ay hinango na niya ang mga inilaga upang palamigin bago kainin.
Habang iniimis ang mga abo sa kalang de uling nakarinig siya ng napakahinang katok sa kanilang pintuan. Hindi niya masiguro kung may kumakatok nga dahil sa sobrang hina ng pagkakakatok kaya't hindi muna siya gumalaw sa kinatatayuan. Muli niyang narinig ang pagkatok na medyo mas malakas na ngayon. Dahan dahan at tahimik siyang lumapit sa pinto. Sinilip muna niya kung sino ang nagpapa tao-po sa bahay nila. Nakita niya sa labas ng pintuan ang kababata niyang matagal ng lumisan sa Barrio Suarez. Ito si Alejandro. Kalaro, kababata at dati nilang kapitbahay. Noong sila ay siyam na taong gulang ay umalis ang pamilya ni Alejandro sa Barrio Suarez at nanirahan sa malapit sa bayan. Doon kasi ang hanapbuhay ng ama ni Alejandro. Magmula noong araw na nilisan ng pamilya ni Alejandro ang Barrio Suarez ay hindi na sila muling nagkita. Kaya ganun na lamang ang pagtataka ni Liza kung bakit narito sa harapan ng tahanan nila ang kababatang si Alejandro at tila may kinakatakutan at palinga linga.
Agad namang binuksan ni Liza ang pinto at hinila si Alejandro papaloob ng bahay at muling isinara iyon sabay ikinandado.
"Alejandro! Kamusta ka na? Anong ginagawa mo dito? Kailan pa kayo bumalik sa Barrio Suarez? Nagbabakasyon lang ba kayo o dito na ulit kayo nananahan?" Sunod sunod na pagtatanong ni Liza.
"Mabuti naman ako at mabuti naman at natatandaan mo pa ako Liza. Mag iiisang linggo na magmula ng bumalik kami dito sa Barrio Suarez ni nanay. Wala na si tatay. Kaya ako naglakas loob na pumunta dito sa bahay nyo kasi ang pamilya mo lang naman ang kilala ko dito sa Barrio Suarez. Hihingi sana ako ng tulong nung una sa himpilan ng pulis ngunit abandonado ito. Tatlong araw ng nawawala ang nanay ko Liza. Nagising nalang ako tatlong gabi na ang nakakaraan na mag isa lang ako sa aming tahanan. Nung una akala ko ay may binili lang si nanay pero hanggang mag umaga ay hindi na siya bumalik."
"Tatlong araw ba ika mo? Naku Alejandro, tatlong araw na ring hindi umuuwi dito si nanay at tatay."
"Tinangka mo na ba silang hanapin Liza?"
"Hindi pa ako lumalabas upang hanapin sila. Nakakatulog kasi ako ng napaka himbing at kapag nagigising ako ay dilim na ang sumasalubong sa akin."
Kung gayon ay hindi mo pa alam..."
"Ang alin ang hindi ko pa alam Alejandro?"
"Sa tatlong araw kong paghahanap kay nanay, ikaw pa lamang ang unang taong buhay na nakita ko. Wala ng kahit isang tao sa Barrio Suarez Liza! Naglaho lahat ng tao dito!"
BINABASA MO ANG
🕳️DILIM 🕳️
HorrorNaglahong lahat ng tao sa Barrio Suarez sa isang iglap maliban sa dalawang magkababatang matagal na hindi nagkita ~ si Liza at Alejandro. Dumating ang dilim na bumalot sa mundo nila at pinalitan ng isang pangalawa at kabaligtarang dimensiyon kung sa...