Muling Nalukuban

805 46 0
                                    

Magkasamang lilibutin nila Alejandro at Liza ang buong Barrio Suarez upang hanapin ang kanilang mga magulang. Naghanda si Liza ng malagkit na bigas na isinaing niya at binalot sa dahon ng saging kasama ang apat na pirasong tuyo. Si Alejandro naman ay tinalian ang isang babasaging garapon na puno ng halos dalawang litro ng tubig. Dala din niya ang kanyang sumpit na nakasukbit sa bewang ng kanyang salawal. Si Liza naman at naglagay ng bandana sa ulo upang ikulong ang mahaba niyang buhok at ng hindi ito lumipad lipad sa kanyang mukha at makasagabal sa kanyang aktibidades. Nang handa na sila pareho ay dahan dahan at tahimik silang nanaog sa munting dampang tirahan nila Liza. Hindi alam ng dalawang musmos kung saan sila magsisimula sa layuning hanapin ang mga mahal sa buhay. Ang tanging alam lamang nila ay ang makita ang mga magulang.

Sa tantiya ng dalawang kabataan ay nasa parte pa ng kaumagahan ng sila ay manaog mula sa bahay nina Liza. Hindi pa pumuputok ang bukang liwayway nang ang dalawa ay makarating sa gawing masukal ng kanilang Barrio. Pumasok sila sa pagitan ng naglalakihang puno na animoy magkakayakap.

"Parang pamilyar sa akin ang lugar na ito!" Bulalas ni Alejandro. "Ito ang lugar na ipinagbabawal ng aking ama noong siya ay nabubuhay pa. Huwag na huwag daw akong gagawi dito sapagkat dito daw nagkukubli ang dilim at kapag ako daw ay nahutan ng dilim, ako daw ay lalamunin nito."

"Hindi ko maunawaan Alejandro."

"Ako man Liza, hindi ko rin maarok ang ibig sabihin ni ama. Basta ang alam ko ay dapat ko iyong sundin. Sapagkat kapag nakalabas ang dilim ay babalutin nito ang buong barrio at mananahan ang kasamaan, poot at kabuktutan. Iyan ang palaging bukambibig ng aking ama na palagi namang pinagtatawanan ng aking ina. Hibang daw ang aking ama kung kaya't huwag ko nalang intindihin ang kanyang mga sinasabi."

"At iyon nga ang ginawa mo? Ang hindi paniwalaan ang iyong ama?"

"Hindi ko iniintindi ang mga sinasabi niya sa dahilang sa tuwing magkukwento siya tungkol sa paparating daw na dilim at ako ay magpakita ng kahit munting interes o magtanong sa aking ama, nag aaway lamang sila ng aking ina. Pero hindi porket tahimik lang ako pag nagsasalita si Tatay tungkol sa papalapit na dilim ay hindi na ako naniniwala. Katunayan, sa tuwing sasabihin niyang malapit na ang pagbalot ng dilim sa ating barrio ay nangingilabot ako at napupuno ng takot ang buo kong pagkatao. Hanggang sa namatay na nga si Tatay."

"Kelan mo huling naramdaman ang ganyang kaba at takot?"

Hindi agad umimik si Alejandro. Kapagdaka ay nagpalinga linga sa paligid. Lumunok ng noo'y natutuyo ng laway.

"Kani-kanina lamang. Ako ay muling nalukuban ng hindi ko maipaliwanag na kaba at takot, Liza!"

🕳️DILIM 🕳️Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon