Chapter 23

20.3K 421 0
                                    

"HIJO," ani Doña Carmen na sumungaw sa pinto ng silid ng apo. Nakabihis na ito maliban sa barong-Tagalog na nakalatag sa ibabaw ng kama nito.

"Bakit hindi mo pa isinusuot iyang barong mo? Aba'y marami nang tao sa ibaba. Ipinatatawag ka na ng lolo mo."

"Dumating na ba si Crissa, Lola?" he asked. Ang marriage celebrant ay alam niyang kanina pa naghihintay sa makeshift altar na punumpuno ng mga bulaklak.

"Tinawagan ko si Moira. Paparating na raw sila. Ano ba naman ang nangyayari sa inyong dalawa? Kung wariin ko ba'y parang hindi ninyo gustong dumating ang sandaling ito." Napapailing ito. "Aba'y dapat na kanina pa narito ang bride mo. Si Jerry ay aligaga sa ibaba at mukhang naiinip na sa paglitaw ninyong magkasintahan."

Tumango siya. "Sige na, Lola. Susunod na ako."

Matagal ang tinging ipinukol ng abuela niya sa kanya. "Ngayon lang ako nakakita ng ikakasal na tila namatayan ang anyo, Duke. Ano ang nangyayari sa iyo? Nitong mga huling araw ay napupuna kitang laging sa malayo nakatingin. Kahit ang lolo mo'y nag-aalala sa iyo. Nararamdaman niyang hindi mo gustong ituloy ang kasalang ito..."

Gusto niyang sabihin sa sandaling iyon na tama ang abuelo sa hinala nito. Pero nang titigan niya ang abuela ay nakita niya sa mga mata ang pagkamangha at pagkalito. Sa halip ay isang pilit na ngiti ang pinakawalan niya.

"Huwag ninyo akong alalahanin, Lola. Iniisip ko lang ang maagiging pagbabago ng buhay ko pagkatapos ng kasal. Lalo at balak ni Crissa na sa ibang bansa kami manirahan."

Nanlaki ang mga mata ng matanda. "H-hindi niya nabanggit sa amin ng lolo mo iyon! Iiwan mo ba kami ng lolo mo, apo?"

Hindi siya makasagot. Katunayan ay kahapon lang binanggit ni Crissa iyon at sa kauna-unahang pagkakataon ay determinado ito sa sinasabi. Ang idinadahilan nito ay ang karamdaman na kailangan nitong laging namo-monitor ang sakita lalo kung nagbabalak silang magsimula ng pamilya at magkaanak.

He didn't really care. Wala sa sariling sinang-ayunan niya ito. Ngayong nakikita niya ang abuela ay saka niya pinagsisisihan ang naging pasya.

"Hindi ko kayo iiwang dalawa ni Lolo," aniya rito. "Pangako."

Bahagyang umaliwalas ang mukha ng matanda. Mula sa pinto ay sumungaw si Manang Salud.

"Nandiyan na po si Crissa, Senyora Carmen, Duke."

"Sige, gumayak na ang lahat, sabihin mo sa ibaba." Tumingala ito sa kany. "Magmadali ka, hijo."

Nang lumapat ang pinto ng silid niya ay muling nanungaw si Duke. Maaliwalas ang panahon. Ilang araw nang huminto ang ulan. Ang araw na ito ang panimula ng panibagong pahina ng buhay niya. Ilang sandali na lang ay may asawa na siya.

Pero bakit ganito ang nararamdaman niya? Bakit parang sa guillotine siya patungo? Sa nakalipas na ilang araw ay umaasa siya ng himala. Umaasa siyang kaya nilang dalawa ni Ella na gumawa ng himala. But he was wrong. Ni isa sa mga tawag niya sa cell phone nito ay hindi nito sinasagot.

Hindi niya ito masisisi. Si Ella ang uri ng babaeng mas uunahin ang ibang tao kaysa sa sarili. Alam niyang may damdamin ito sa kanya pero mas nanaising isakripisyo iyon kaysa may masasaktan.

And god, he loved her even more!

Umalis siya sa tapat ng bintana at sa napakabigat na dibdib ay dinampot ang barong-Tagalog sa kama at isinuot.

Almost A Fairy Tale  by Martha CeciliaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon