Chapter XXVIII: Wanna Play? Let's Play
Mataas na ang sikat ng araw at maririnig na ang ilang mga mahihinang pagsabog sa buong isla. Nagkalat na rin ang ilang katawan ng mga walang malay na batang adventurers sa iba't ibang parte ng isla habang ang iba naman ay mapapansing punong-puno na rin ng sugat ang buong katawan dahil sa naganap na laban.
Ang ilang mga gusali ay nagkawasak-wasak na rin dahil sa mararahas na paglalabang naganap. Habang ang ilang parte ng malawak na kagubatan ay nasusunog o 'di kaya naman ay naabo na dahil sa mainit na sagupaan.
Sa taas ng isla kung saan nagmamasid at nanonood ang mga Faction Masters, Elders at si Lord Helbram, mapapansing ang kanilang atensyon ay nakatuon sa isang lugar sa isla. Ang lugar na ito ay walang iba kung hindi ang pagitan ng lungsod at malawak na kagubatan kung saan mayroong dalawang binata ang magkaharap.
"Siguradong isa rin itong magandang laban. Laban sa pagitan ng talentadong Adventurer na isa ring talentadong Alchemist." Nakangiting saad ni Lord Helbram.
Tumango naman ang mga Faction Masters at Elders bilang pagsang-ayon. Makikita naman ang ngiti sa mukha ni Association Master Morris. Tiwala siyang mananalo ang kaniyang estudyante dahil siya mismo ang nagturo rito ng mga ilang bagay. Isa pa, hindi pangkaraniwang 6th Level Scarlet Gold Rank lamang si Brien Latter, ang kaniyang lakas at kakayahan ay maikukumpara sa isang 7th Level Scarlet Gold Rank.
Sina Sect Master Noah at Elder Marcus naman ay seryosong nakatingin sa binatang nakasuot ng lilang roba. Para sa kanila, si Finn Doria ang may pinakamisteryosong lakas. Kahit ang pinagsamang lakas nina Tiffanya at Hyon ay walang magawa kay Finn at higit pa roon, napansin din nila na nagpipigil pa rin ang binata.
Habang pinagmamasdan ang dalawa, malinaw na makikita sa kanilang mga mukha ang masaya at may kumpiyansang ngiti. Pareho silang masaya dahil sa wakas ay mabibigyan na sila ng pagkakataon upang magkaharap.
"Hindi ko maintindihan kung bakit kalmado ka pa rin kahit kaharap mo na ako? Mukhang malaki rin ang kumpiyansa mo sa iyong sarili, Finn Doria." Nakangising saad ni Brien. Tumingin siya sa binatang kaharap niya at may panghahamak na nagpatuloy, "Iniisip mo bang mananalo ka sa akin dahil lang sa natalo mo sina Tiffanya at Hyon? Nakakatuwang kalokohan."
"Tingnan mo kung anong nangyari sa kanilang dalawa. Hindi man lang nila ako napuruhan."
Iniunat ni Brien ang kaniyang kamay at itinuro ang nakahandusay at kalunos-lunos na katawan ng dalawang binata.
Nakita naman ito ni Finn Doria kanina pa ngunit wala pa rin siyang reaksyon na para bang wala lang sa kaniya ang paglalabang naganap sa pagitan nilang tatlo. Tumingin siya kay Brien at malumanay na nagwika, "May kumpiyansa ako sa aking sarili dahil alam kong kaya kitang talunin. At hindi ko kailangan ang tulong ng iba. Natalo na kita noong una at wala ring pinagkaiba kahit anong larangan pa tayo maglaban dahil sa huli, matatalo ka pa rin."
Medyo nabigla naman si Brien sa pahayag na ito ni Finn. Gumuhit sa kaniyang mukha ang inis at ngumiwi, "Sinuwerte ka lang noong una ngunit sa pagkakataong ito, hindi ka na susuwertehin. Malaki ang pinagkaiba ng Alchemy at aktwal na labanan."
Tumahimik naman sandali si Finn Doria at pinagmasdan ang kabuuan ni Brien. Binigyan niya ng malapad na ngiti ang binatilyo, "Inuulit ko, kahit anong larangan pa tayo maglaban, hinding-hindi mo ako matatalo."
"Talagang alam mo kung paano magyabang, Finn Doria. Dahil hindi ka naniniwala sa akin, ipapakita ko sa'yo ang agwat nating dalawa." Naiinis na tugon ni Brien. Tumingin siya sa mata ng binata at kumalma, "Finn Doria, nakakawalang gana naman siguro kung maglalaban lamang tayo."
Kunot-noo namang tumingin si Finn Doria at naguguluhang nagtanong, "Anong ibig mong sabihin?"
"Ano kaya kung magkaroon tayo ng pustahan?" nakangising tugon ni Brien.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God [Vol 2: Trial by Fire]
FantasySynopsis: Para sa kanyang kinikilalang angkan at pamilya, gagawin ni Finn ang lahat upang makamit ang hustisyang pinagkait sa kanila. Sa pamamagitan ng Seven Great Faction Games, ipapasaksi niya sa lahat ng taong tumapak sa kanya at sa kanyang...