Kabanata 32
Miguel Arcega
Kinabukasan ay maagang umalis ng bahay si Harris. Pagkatapos niyang makapag-almusal ay mabilis na siyang sumakay sa sasakyan niya at mukhang sa bayan magtutungo.
Sina Kristoff at Vance naman ay niyaya ako na sumama sa kanila sa bayan dahil dadalhin nila si Maisie sa pedia nito.
Nagdahilan na lamang ako na masama ang pakiramdam ko para hindi na nila ako maisama.
Pagkaalis na pagkaalis nila ay mabilis ko nang tinungo ang silid ko upang ilagay sa maleta ang mga gamit ko.
Gusto ko nang makaalis sa lugar na ito na wala ng masyadong marami pang ipapaliwanag.
Paglabas ko sa silid ko dala ang maleta ay nakasalubong ko si Mama na nakatingin sa akin at napangiti sa nasaksihan.
"Mabuti naman at nakapag-isip ka rin ng matino, Miggy." nakataas ang kilay niyang salubong sa akin.
"Hindi ba at ito naman talaga ang gusto mo? Ang tuluyan na akong mawala sa landas mo." malamig na sagot ko.
Tumaas naman ang sulok ng mga labi niya. "Kung hindi ka lang sana bumalik dito ay hindi na tayo aabot pa ulit sa ganito. Bilisan mo na ang pag-alis at baka maabutan ka pa ni Harvin sa daan. Nagpunta lamang siya sa bangko. Iyon ang narinig kong usapan nila ni Kristoff kanina."
Hindi ko na siya sinagot pa. Naglakad na ako patungo sa hagdan dala ang mga gamit ko.
Sa baba ay sinadya kong hanapin at kausapin si Mang Julio upang magpahatid sa kanya sa terminal ng bus.
"Mang Julio maaari po ba ninyo akong ihatid sa terminal ng bus?" magalang na tanong ko sa kanya.
Sumulyap siya sa dala kong maleta saka siya napakamot sa ulo niya.
"Aba'y oo naman, Miguel. Kaya lang ay alam ba ni Ser Harvin na aalis na kayo? Wala kasi siyang naibilin sa akin kanina" sabi niya.
"Nagpaalam na po ako sa kanya kagabi. B-baka nakalimutan lang po niyang ipagbilin." pagsisinungaling ko.
"O sige. Ang lumang jeep na lang ang gamitin natin dahil dala ni Ser Harvin ang sasakyan niya. Umalis din sina Ser Kristoff dala ang isa pang sasakyan." anang matanda.
Ngumiti naman ako. "Kayo po ang bahala." sagot ko.
"Magpapaalam lamang ako sa asawa ko pagkatapos ay ihahatid na kita sa terminal." aniya.
Tumango naman ako saka na siya mabilis na pumasok sa bahay. Mabilis din naman siyang nakabalik at tinulungan pa akong ilagay sa jeep ang maleta ko.
Pasakay na ako sa sasakyan nang mapasulyap ako sa itaas kung saan natanawan ko si Mama na nakatayo sa may bintana ng silid niya at nakatitig sa akin.
Mabilis akong nag-iwas ng tingin saka na ako sumakay sa owner jeep.
"Bakit hindi mo na lang hinintay si Ser Harvin para siya na ang maghatid sa iyo sa terminal, Miggy? Hindi kaya magalit sa akin iyon?" usisa niya.
Naguilty naman ako dahil sa sinabi niya. Sigurado ako na masasabon ni Harris ang kawawang matanda mamaya dahil sa akin.
Ngunit wala na akong iba pang pagpipilian. Kailangan ko nang makaalis sa lugar na ito bago pa ako abutan ni Harris.
Bibigyan ko na lamang ng medyo malaking halaga si Mang Julio mamaya upang kahit papaano ay hindi masakit sa loob niya ang mga sermon na aabutin niya kay Harris dahil sa akin.
"Hindi naman po siguro, Mang Julio. Nakapagpaalam na rin naman po ako sa kanya kagabi." sabi ko.
Shit! Miggy makonsensya ka naman sa ginagawa mo. Hindi mo alam kung anong sermon ang aabutin ng matandang iyan kapag nalaman ni Harris na inihatid ka niya sa terminal.
BINABASA MO ANG
Naughty Stepbrothers (Completed)
CasualeSeventeen years old si Miggy nang ipagtabuyan siya ng stepbrother niya sa hacienda ng pamilya nito pabalik ng maynila sa kasalanang hindi niya ginawa. Four years later ay nagulat na lamang siya sa biglaang pagsulpot ni Harris Buenavista sa harapan m...