By: Aska Saori
Pauli-ulit kong pinupunasan ang luha sa aking mga mata
Isa-isa kong pinupulot ang nadurog kong puso
Pinipilit itama ang bawat pagkakamali
Sinasariwa ang ating nakaraan
Naaalala ko pa nung araw na una kong nasilayan ang iyong mga ngiti
Kung paano mo inilahad ang iyong kamay at nagpakilala
Hanggang dito nalang ba ang kaya kong gawin?
Ang balikan ang ating ala-ala, at tanggaping hindi na iyon maibabalik pa?
Oo, sa umpisa lang nagiging masaya
Sa umpisa lang na kung saan nandoon pa ang tamis
Yung mga pangakong hindi ko inaakalang mapapako
Ginagawa ko naman ang lahat pero bakit ganito pa rin tayo?
Para kang yelo na kapag hinahawakan ng matagal
Mapapabitaw ka na lang sa sobrang lamig nito
Pilit ko mang pulutin ang nahulog
Hindi ko na ito mahawakan pa dahil tuluyan na itong natunaw
Parang pag-ibig mo, Nung ako'y nahulog na
Hinanap kita pero wala ka na pala
Ilang araw kong iniisip kung ano ang mali sa akin
At patuloy ko pa rin itong iniisip sa gabi
Kung may mahal ka ng iba, pakiusap,
Titigan mo ako sa aking mga mata
Sabihin mo sa akin ang mga katagang nais kong malaman
Ipaglalaban kita sa paraan na kaya ko
Pero kung lalaban lang pala ako mag-isa,
Pipiliin ko na lang bumitaw
Kasi kung sa kaniya ka naman na talaga masaya,
Wala na kong ibang alam na gawin kundi ang tanggapin ito
Tanggapin ang katotohanang sa una lang talaga tayo naging masaya
Tanggapin ang katotohanang hanggang ala-ala na lang ang lahat
Sumigaw ako, sinigaw ko ang pangalan mo ng paulit-ulit
Lumingon ka naman, huwag mo kong pahirapan
Lumingon ka sa huling pagkakataon
Sabihin mong mahal mo ako kahit kunwari
Sabihin mong ako lang kahit may iba na
Na kahit masakit, sige titiisin ko.
Basta nandito ka lang sa aking tabi
Kahit kasinungalingan na lang lahat
Pipilitin ko pa ring masaktan kahit hindi yun tapat
Handa akong maging tanga wag ka lang mawala
Ang hirap humanap ng iba
Ang hirap bumuo ng panibagong ala-ala sa ibang tao
Ang hirap sabihing okay ka lang kahit ang sakit sakit na
Nahihirapan akong bumitaw sa mga kamay mo
Naaalala ko yung mga araw na sobrang down na down ako
Sinabi mo sakin na nandito ka lang sa aking tabi
Na kahit anong mangyari, hindi mo yun ipapaparamdam sakin
Mahal na mahal mo pa ko nung mga panahon na yun
Pero bakit ngayon ikaw ang naging dahilan kung bakit ako nakakaramdam ng ganito?
Bakit bawat patak ng luha sa aking mga mata ay ikaw ang dahilan?
Bakit nararamdaman kong nag-iisa lang ako?
Gusto kong isigaw ang lahat ng sakit!
Mahal na mahal kita pero bakit ang sakit sakit na?
I gave you love but I received pain
Hanggang kailan ako masasaktan?
Hanggang kailan ko titiisin ang lahat ng ito?
Hanggang bukas?
Hanggang isang linggo?
Hanggang dalawang buwan?
Habang buhay? O baka naman habang nabubuhay ako
Pakisampal naman ako para magising ako sa katotohanan
Paki-untog niyo ang ulo ko sa pader nang sa ganon ay makalimutan ko ang sakit
Paki-operahan ang puso kong sa kaniya lang tumibok
Paki-tanggal ang mata kong walang tigil sa kakaluha
Nakakatuwa lang isipin na hanggang ngayon,
Pinanghahawakan ko pa rin ang mga pangako mo
Patuloy ko pa ring naririnig ang iyong tinig
Na walang tigil sa kakasambit ng "Mahal kita."
Para lang tayong naglalaro ng tagu-taguan
Pilit kong hinahanap ang dating tagpuan
Wala akong kaalam-alam na matagal mo na pala itong tinalikuran
Ngayon, hindi ko na alam kung saan ka pupuntahan
Saan nga ba lilingon? Sa kaliwa o sa kanan?
Pinipilit kong maging bulag sa katotohanan
Sinisikap na 'wag masaktan
Pinipilit pagandahin ang aking nararamdaman
Aanhin pa ba natin ang pagbabalik sa nakaraan
Kung ang puso ay hindi na pinaninindigan
Ang mga ala-ala natin ay para bang naging bula
Na tila bang nanunumbalik at nabibigla
Maibabalik pa ba ito dating perpekto?
O tatanggapin ko na ang katotohanang lahat ay nagbago?
Maraming salamat sa mga ala-alang nabuo
Hindi na maibabalik pa ang dating tayo.