Sinadya ni Badette si Gerald sa opisina nito kinaumagahan. Ito na lang ang naiisip niyang paraan para makausap ang binata. Hindi na talaga kasi niya makontak ang cellphone ni Gerald kagabi at kahit ang pagsagot sa landline phone ay iniiwasan nito.
Pagkakatok niya sa pintuan ng opisina ni Gerald ay narinig niya ang boses ng binata na nagpapapasok sa kanya sa loob. Nang makapasok na siya sa loob ng opisina ay tila nagulat ang binata pagkakita sa kanya.
“Ikaw pala Badette”, bati ng binata saka nag-iwas ng tingin. “Please sit down”, sabi pa nito ng makaupo sa sariling upuan.
Nakaramdam ng sakit si Badette sa kanyang puso dahil sa pagtrato sa kanya ni Gerald. Sanay kasi siya na tuwing papasok siya ng opisina ng binata ay masiglang nakangiti ito sa kanya at aasikasuhin siya, hindi tulad ngayon, halata na masama ang loob nito sa kanya. Umupo naman siya sa upuan sa harap nito.
“May kailangan ka ba?”, agad na tanong ng binata ng makaupo si Badette.
“Oo”.
“Ano iyon?”.
“I just want to say sorry. Kasi kahit hindi mo sabihin, alam kong nagselos ka sa nangyari kahapon. Pinigilan kita kasi sinaktan mo si Angelo pero hindi ibig sabihin noon ay mahal ko pa siya. Hindi naman kita sasagutin for nothing Gerald”, naghintay ang dalaga sa sasabihin ng binata ngunit nabigo siya. Nanahimik lang ito pagkatapos ng sinabi niya.
Makalipas ang ilang segundong paghihintay ay walang nagawa si Badette kundi ang bumuntong-hininga. “I think, I should go!”, saad ng dalaga maya-maya saka tumayo mula sa kanyang inuupuan. Nang bubuksan na niya ang pinto ay tinawag siya ni Gerald. “Bakit?”, tanong ni Badette habang hawak ang seradura ng pinto.
Matagal lang na tinitigan ni Gerald si Badette. Isang titig na nagdulot kay Badette ng kakaibang pakiramdam. Nagulat ang dalaga at hindi nakaibo nang bigla na lamang naglakad ng mabilis si Gerald patungo sa kanya at hinagkan siya sa labi. Nahigit ni Badette ang kanyang hininga at nanghina ng sandaling maglapat ang kanilang mga labi ni Gerald. The kiss was taking her to a world she never knew before. Hindi siya makapag-isip ng maayos at tanging magagawa lang niya ay magpatangay sa halik ng binata. Hindi pa siya nahahalikan ng ganoon at ibang-iba ang halik na iyon sa halik na naranasan niya kay Angelo. The kiss was warm and embracing her heart with love.
Nang maghiwalay ang kanilang mga labi ay parang nais tumutol ng dalaga. Nararamdaman pa rin niya ang tamis ng mga labi ng binata sa kanyang mga labi. Nais niyang halikan muli siya ng binata ngunit walang tinig na lumabas sa kanyang mga labi at tila wala pa siya sa sariling katinuan.
“My God! Hindi ko kaya! Hindi ko kayang magtampo sa iyo ng matagal. I love you very much and it’s killing me when I am not at your side”, anas ng binata habang tinitigan niya ang dalaga.
“Ge…Gerald…”, tanging pagtawag lang sa pangalan ng binata ang nagawa ng dalaga dahil nararamdaman pa niya ang panghihina ng kanyang tuhod dahil sa halik na ipinaramdam nito sa kanya.
“I love you Badette”.
Napangiti ang dalaga at doon siya nagkalakas ng loob, hinalikan niya ang binata sa labi ng ilang minuto saka lumayo ng bahagya. “I love you too Gerald”.
Ngumiti din si Gerald saka niyakap si Badette. Hindi pa nasiyahan ang binata at binuhat si Badette saka umikot kasabay ang dalaga. Umangal ang dalaga sa ginawa ni Gerald ngunit maya-maya ay natawa na rin siya. She knew it! The love of Gerald for her is true.