This story is dedicated to a special someone in heaven. In my heart you hold a place that no one can ever fill...
Missing you for twelve years....
"Ang Intramuros ay tinatawag ding Walled City. Kaya yung mga distrito sa labas nito ay tinawag namang "extramuros" meaning sa labas ng pader."
Napahikab ako habang pilit na nakinig sa Intramuros tour guide na nagsasalita sa unahan. Pang-ilang hikab ko na ba ito? Inip na inip na ko sa field trip na ito ni Alex o Alexa, ang bunso kong kapatid na nasa Grade 8 dito sa Intramuros. Kung hindi lang talaga walang makakasama si Alex ngayon sa field trip niya, hindi ako magtitiyaga dito. Wala naman kasi akong maaasahan kay Lucas, ang sumunod sa akin.
"Ang mga pader na ito ay itinayo ng mga Kastila bilang depensa nila sa mga posibleng mananakop. Una na sa listahan ang mga Amerikano."
Panganay ako sa tatlong magkakapatid at solong bread winner mula noong mamatay ang aming ina. Matagal na kaming walang komunikasyon kay tatay mula nang mag-asawa uli ito at lumipat ng ibang lugar. Mabuti na lang at nasa fourth year college na ako nang mamatay si Nanay kaya yung natitira kong isang taon sa College ay naitawid ko sa pamamagitan ng pagiging student assistant sa university.
Graduating na din sa College si Lucas kaya kahit papaano ay makakaluwag na din ako sa gastusin naming magkakapatid.
Napansin kong naglakad ang grupo nila Alex kaya tahimik na lang akong sumunod. Nasa gawing unahan si Alex kasama ng ibang kaklase niya.
"Nakatayo kayo ngayon sa harap ng isa sa mga pinakamatatandang puno sa Pilipinas. This tree is believed to be more than a hundred years old. At kung nakakapagsalita lang ang punong ito ay maaari na niyang maikuwento sa atin ang lahat ng nangyari sa lugar na ito."
Muli na naman akong napahikab. Ever since naman kasi wala akong kainte-interes sa subject na Philippine History. Tapos na kasi yun. Bakit ba binabalikan pa nating pilit?
Pinilit kong makinig at saka tiningnan ang punong ibinibida ng tour guide. Wala namang kakaiba dito maliban sa sinabi niyang matandang puno na nga ito. Pero tila may magneto ang puno na hindi ko maalis ang tingin dito.
"Kahit na nawasak ng ikalawang digmaang pandaigdig ang ilang bahagi ng pader ng Intramuros, may mga nanatili pa ding nakatayo lalo na ang ilang bantayog. Sumunod kayo sa akin para pasukin natin ang loob."
Biglang umihip ang may kalakasang hangin kaya napapikit ako sa takot na baka mapuwing ako. Sa pagkakapikit ko, naroon yung pakiramdam na tila may nakatingin sa akin kaya agad akong dumilat.
Pero yung puno lang ang bumungad sa mga mata ko. Wala nang tao sa paligid kaya nagpalinga-linga ako. Pilit kong hinagilap ang grupo nila Alex. Nakita kong papasok na ang mga ito sa isang lagusan na tila arko kaya agad akong naglakad para sumunod sa kanila.
Makikita sa loob ang lumang arkitektura nung sinaunang panahon. Pakiramdam ko tuloy nasa ibang panahon ako.
"Bakit pa kayo pupunta ng Vigan kung meron naman dito sa Intramuros?"
Narinig kong komento ng tour guide sa isang estudyanteng nagtanong kung alin ang mas maganda sa Intramuros at Vigan.
"Matapos ang Digmaang Kastila-Amerikano, isinuko ng mga Kastila sa Amerika ang Pilipinas at iba pang mga teritoryo nito bilang pagtupad sa Kasunduan sa Paris o Treaty of Paris sa halagang twenty millon dollars. Maraming mga binago ang mga Amerikano dito. Noong 1903, giniba ang pader mula Puerta Santo Domingo hanggang Puerta Almacenes. Yung mga tinanggal na bato ay ginamit sa paggawa sa iba pang bahagi ng lungsod.
Pahapyaw kong tiningnan si Alex sa harapan. Mataman itong nakatingin sa tour guide na nagsasalita na tila interesado sa pakikinig.
Ito talaga ang mga interest ni Alex. Actually, namamangha nga ako sa batang ito dahil pati ang culture ng Japan, US at Korea ay alam niya.
BINABASA MO ANG
GOING BACK TO 1945
Historical FictionRoxanne Sta. Maria. Ordinaryong office girl at mabait na ate sa dalawa niyang kapatid na Alexa at Lucas. Sa totoo lang, hindi pa sumagi sa isip niya na magkaroon ng boyfriend sa ngayon. "Makakapaghintay ang love-love na yan!"pangangatwiran niya. Pe...