"No one can see into the future. No one knows what tomorrow will bring. So trust me when I say, tomorrow and into the future, it will still be you and me together..."
"Aling tour guide!!"
Ang saya saya ko ngayong nakita ko siya kaya hindi ko napigilan ang sarili kong yakapin siya.
"Te-Teka lang..." sabi niya, habang pilit kumakawala sa yakap ko.
"B-Bakit? Hindi ba ikaw 'yun? Iyong tour guide sa Intramuros? Si time traveller? Iyong nurse sa hospital nila Perry?" naguguluhan kong tanong sa kanya, nang humiwalay ako mula sa pagkakayap ko sa kanya.
Mataman siyang tumingin sa mga mata ko. Iyong sayang naramdaman ko tuloy kani-kanina lang ay biglang napalitan ng lungkot.
Hindi ba siya talaga 'yun? Pero hindi ako pwedeng magkamali sa mukha niya. O... hindi niya ako nakikilala sa panahon na 'to? Parang gusto ko na tuloy maiyak.
Huminga siya nang malalim, at saka nagsalita.
"Teresita."
Napakunot-noo ako.
Ako ba si Teresita? Tersita ba ang pangalan ko sa panahon na ito? Teka muna. Akala ko ba Rosanna ang pangalan ko sa panahon na 'to? Iyon ang sabi sa akin ni Aling tour guide. At iyon ang narinig kong pangalan na laging itinatawag sa akin nung sundalong Amerikano sa panaginip ko. O, ibang katauhan na naman? Litong-lito na ko!
Biglang ngumiti si Aling tour guide.
"Teresita ang itawag mo sa akin, Rosanna."
Biglang nagliwanag ang mukha ko.
"I-Ikaw nga si Aling tour guide! Tama? Nababasa mo ang isip ko! Kaya ikaw nga si Aling tour guide!" masaya kong sabi sa kanya.
Umirap siya sa akin.
"Siyempre hindi mo ako pwedeng tawagin sa nakasanayan mong tawag sa akin. Gusto mong magtaka ang mga tao dito at mapagkamalan tayong nasisiraan ng bait? Sinong matinong tao ang may pangalan na tour guide?" panenermon pa niya sa akin.
Napalabi ako.
"Kahit dito sa panahon na 'to, masungit ka pa rin."
"Sino ba naman kasing tao ang may pangalang Tour Guide?" mataray na sabi niya.
"Eh, di sana noon pa binigay mo na ang pangalan mo. Ayaw mo palang tinatawag na Aling tour guide."
"Hindi ka rin naman nagtanong!" pambabara pa niya.
Umirap ako sa kanya.
"Ikaw talaga, Aling Teresita, oh..."
"Manay. Manay Teresita ang tawag mo sa akin dito. At pati na ang ibang tauhan dito. Baka magtaka sila at biglang nag-iba ang tawag sa akin ni Rosanna. At saka bakit hindi ka pa lumalabas dito sa kuwarto mo? Tara na. Nakahanda na ang almusal mo."
"E siyempre! Malay ko bang andiyan ka lang sa tabi-tabi. Tapos bagong salta ako dito. Ni hindi ko nga alam kung nasaan akong lugar at itong kuwarto. Naninibago pa ko. Ano? Feeling comfy agad?"
BINABASA MO ANG
GOING BACK TO 1945
Narrativa StoricaRoxanne Sta. Maria. Ordinaryong office girl at mabait na ate sa dalawa niyang kapatid na Alexa at Lucas. Sa totoo lang, hindi pa sumagi sa isip niya na magkaroon ng boyfriend sa ngayon. "Makakapaghintay ang love-love na yan!"pangangatwiran niya. Pe...