"Your memory feels like home to me.
So whenever my mind wanders, it always find its way back to you..."NAGISING ako na para akong lumulutang. Pilit kong idinilat ang mga mata ko. Pagbukas ko ng mga mata ay nagulat ako sa madilim na kalangitan ang bumungad sa akin.
Wala ako sa loob ng kuwarto ko??!! Nasaan ako???Pinilit kong itayo ang sarili ko pero tila may malakas na puwersang pumipigil sa akin, at patuloy lang ako sa paggalaw pasulong habang nakalutang sa hangin. Hanggang sa wakas ay unti unting sumayad ang mga paa ko sa lupa.
Nakakapagtakang nakayapak ako at nakatapak sa sementadong daan pero hindi nakakaramdam ng panlalamig ang talampakan ko.
Nang tuluyan na akong nakatayo ay bumungad sa harap ko ang isang kakaibang lugar. Para bang nasa sinauna akong panahon. Parang yung nakita ko kanina sa... Intramuros??
Nasa Intramuros nga ba ako? Bakit?? Pano???
"Rosanna...."
Parang narinig ko na iyung boses na 'yun, pero hindi ko maalala kung saan ko narinig. Iyon ding pangalan na 'yun ang natatandaan kong narinig na sinabi.
"Rosanna?"
Siguro dahil sa kuryosidad kung sino iyong taong naghahanap sa Rosanna na iyon ay humarap ako sa dako kung saan nanggagaling yung boses. Pero isang puno na katulad na katulad ng puno kanina sa Intramuros ang bumulaga sa akin.
Ibig sabihin ba ay nasa Intramuros talaga uli ako? Paano ako nakapunta dito? Sa pagkakaalam ko ay natutulog na ako sa kuwarto ko sa bahay namin.
"Hello!!! May tao ba dito??" buong tapang kong sigaw.
Iginala ko ang tingin ko sa paligid. Naguguluhan na ako at sa tingin ko ay may kailangan akong makausap para masagot ang mga tanong sa isip ko. Pero parang ako lang yata mag-isa ang naririto. At ang boses na tumatawag sa isang Rosanna.
"Rosanna."
Napalingon ako uli sa gawi ng puno. Bahagya akong nagulat nang may makita akong bulto ng lalaki na nakatayo sa bandang likuran ng puno. Medyo may kadiliman at tanging ang sinag lang ng buwan ang nagbibigay liwanag sa paligid at ilaw mula sa isang medyo may kalayuang poste.
"S-Sino ka?!" kinakabahan kong tanong dito, habang pilit inaaninag ang mukha nito sa dilim.
Bahagyang lumabas ang lalaki mula sa malapad na trunk ng puno. Ngayon ay medyo nabanaag ko ang suot niya. Parang nakasuot ito ng unipormeng pang-sundalo pero hindi iyon ang nakikita kong suot ng mga sundalong nakikita ko sa kalsada o kahit sa mga magasin. Medyo hindi pa rin malinaw sa akin ang itsura ng mukha nito.
Napansin ko na may ipit-ipit ang lalaki sa ilalim ng kilikili niya. Isang sumbrero pala na katerno ng suot niyang uniporme.
Humakbang ito papunta sa akin. Unti-unti ay luminaw na sa akin ang mukha ng lalaking sundalo. Natanglawan ng ilaw sa poste ang kaliwang bahagi ng mukha nito kaya medyo nabistahan ko ang itsura nito. Mataman itong nakatitig sa akin na para bang kilalang-kilala niya ako.
Maputi siya kaysa sa karaniwan. Sa hula ko ay tila foreigner ito base sa napakatangos nitong ilong. Unat na unat ang straight nitong buhok.
Anong brand ng gel kaya ang gamit niya?
Nanigas ako sa kinatatayuan ko nang mag-umpisa itong humahakbang ito palapit sa akin. May naramdaman man akong takot pero nung napansin ko ang tila malungkot ang mukha nito ay tila napalitan ang nararamdaman kong takot ng pagkaawa.
"Rosanna..." tawag nito na sa akin.
Titig na titig siya sa akin, habang humahakbang palapit.
"H-Hindi ako si Rosanna," sa wakas ay nakapagsalita rin ako.
Patuloy lang ito sa paglapit sa akin. Nakakapagtakang kalmado lang ako at wala akong nararamdamang takot sa kanya.
Huminto ito sa tapat ko habang matiim pa ding nakatingin sa mukha ko. Pinagmasdan ko ang mukha niya. Bakit pakiramdam ko ay may nakatagong misteryo sa likod ng malungkot na mukhang ito?
Ano kayang meron sa likod ng kalungkutan niya?
Nakita kong itinaas nito ang kamay niya, at saka unti-unting lumalapit sa mukha ko. Hula ko ay gusto niyang hawakan o haplusin ang pisngi ko. Nakakapagtakang tila hinihintay ko naman ding mangyari iyon.
Nang halos ga-buhok na lang ang layo ng kamay niya sa pisngi ko ay muli itong nagsalita.
"Rosanna...."
"Hindi nga ako--"
"Ate!!"
Napalingon ako sa gawi ng boses.
Si Alex 'yun, ah!
Kasabay noon ay biglang nagliwanag ang paligid ko. Paglingon ko sa sundalong nasa harap ko ay napapikit ako. Sobra-sobrang liwanag ang nanggagaling sa kanya, at hindi ko siya kayang matingnan sa sobrang liwanag nito.
"A-Anong nangyayari??!"
Nagulat na lang ako nang bigla na naman akong lumutang sa hangin.
"T-Teka. Teka lang..."
Pero tila nagmamadali ang puwersang iyon, at ayaw magpapigil. Bigla na lang akong mabilis na gumalaw. Pakiramdam ko ay lumilipad na ako sa hangin. Sobrang bilis. Sa sobrang bilis ay para na akong naduduling kaya ipinikit ko ang mga mata ko.
"Ate! Ate!" rinig ko ang boses ni Alex, na may kasamang pagyugyog sa katawan ko.
Pinilit kong idinilat ang mga mata ko sa kabila ng pagkahilo ko. Bumungad sa akin ang nag-aalalang mukha ni Alex.
"Ate? Okay ka lang??" tanong nito.
"A-Anong... bakit?" nalilitong tanong ko.
"Ungol ka nang ungol. Kanina pa kita ginigising, pero ang hirap mong gisingin. Sus, ate! Pinag-alala mo ko!" sabi pa nito.
Pasimple kong iginala ang mata ko sa paligid. Confirmed. Kuwarto ko ito. Andito ako sa loob ng kuwarto ko.
Panaginip lang?
Pero kanina lang parang totoong totoo iyong lugar na kinalalagyan ko. Parang nandoon talaga ako. Sa Intramuros. Sa mismong lugar na pinuntahan ng field trip ng school ni Alex.
Muli akong napapikit. Naalala ko yung sinabi sa akin ni Alex. Bakit sa paraan ng pagsasalita ni Alex ay lumalabas na ako pa ang may kasalanan?
"Anong oras na ba?" nakapikit kong tanong.
Pinakiramdaman ko ang sarili ko. Bakit parang pagod na pagod ako? Para akong naglakbay ng malayo?
"Six thirty na, Ate. Maligo ka na. Ako na ang magluluto ng almusal. Wala naman kaming pasok ngayon di ba? Rest day namin," sabi nito.
"Sige," maikli kong sagot.
Mabuti pa itong si Alex at may kusa. Malamang si Lucas naghihilik pa hanggang ngayon. Sabagay, mamaya pa namang hapon ang pasok nun sa school.
Saglit akong nag-isip nang lumabas ng kuwarto ko si Alex. Hindi pa rin kasi ako makapaniwalang panaginip lang ang lahat. Pero maliwanag naman sa sikat ng araw na naririto ako ngayon sa kuwarto ko kaya malinaw na panaginip lang yun.
Marahas akong napabuga ng hangin. Masyado lang siguro akong napagod sa field trip kaya ganun ang panaginip ko.
Bumangon na ako at baka mahuli pa ako sa trabaho ko. Pero laking gulat ko sa nakita ko nang inalis ko na ang kumot na nakatakip sa ibabang bahagi ng katawan ko.
Dahil ang dumi-dumi ng dalawang paa at talampakan ko na para bang naglakad ako ng nakayapak.
~CJ1016
BINABASA MO ANG
GOING BACK TO 1945
Historical FictionRoxanne Sta. Maria. Ordinaryong office girl at mabait na ate sa dalawa niyang kapatid na Alexa at Lucas. Sa totoo lang, hindi pa sumagi sa isip niya na magkaroon ng boyfriend sa ngayon. "Makakapaghintay ang love-love na yan!"pangangatwiran niya. Pe...