12 - Dear Rosanna

126 6 0
                                    

"True love is selfless. It is prepared to sacrifice..."


Gising na ang diwa ko, pero wala akong balak pang dumilat. Pakiramdam ko ay bitin pa ang tulog ko. Pinilit kong matulog pa, pero hindi na talaga ako makatulog. Anong oras na kaya?

Dahan-dahan kong idinilat ang isang mata ko. Ang balak ko ay kunin ang phone ko sa mesa sa tabi ko para tingnan kung anong oras na ba. Pero napadilat ang parehong mga mata ko nang mapansin ko ang kakaibang disenyo ng bintana. Malalaki ang mga bintanang nakikita ko na magkadikit. Iyon tipong hahatakin mo para mabuksan mo. O namamalik-mata lang ba ako? O, baka naman panaginip lang ito.

Ubod lakas na kinagat ko ang labi ko. "Aray!"

Mukhang hindi ako nananaginip. Pero pwede rin namang masaktan sa panaginip, di ba?

Napilitan akong bumangon at naupo sa kama. Sinuyod ko ng tingin ang kabuuan ng kuwarto. Kinurot ko ang braso ko, at muli akong nasaktan. Mukhang hindi talaga ito panaginip. Nasaan ba ako? Hindi ito ang kuwarto ko!

Nilingon ko ang mesa sa tabi ko para i-text o tawagan si Lucas, pero wala doon ang telepono ko. Pati ang mesang nakita ko ngayon ay kakaiba kaysa sa mesa ko sa kuwarto ko. Yari ito sa kakaibang kahoy. Iyong natural na kahoy, hindi tulad ng mesa ko na artipisyal na kahoy lang. May lamp shade na nakapatong doon sa mesa na gawa sa capiz ang covering at mabigat na kahoy naman ang pinaka-base. Ibig sabihin, wala talaga ako sa kuwarto ko...

Bumaba ako ng kama. Saka ko lang napansin ang kakaibang tela ng bedsheet nito. Ano kayang tela ito? Pero naisip ko, hindi ko naman pala hilig ang mag-online selling, kaya dedmahin ko na lang ang klase ng tela ng bedsheet na 'to.

Binuksan ko ang drawer ng mesa na nakita ko. Baka naman nakatago dito ang cellphone ko. Pero sa halip ay bumulaga sa akin ang sandamakmak na nakatuping mga papel na mukhang may mga sulat-kamay sa loob na pahina. Iyong iba naman ay nakalagay pa sa isang puting sobre na may disenyo sa gilid na salitang parihabang kulay pula at asul.

Alam kong masama ang makialam sa sulat nang may sulat, dahil iyon ang laging sinasabi sa amin ng Nanay namin noon, pero may pakiramdam ako ngayon na parang hindi ako matatahimik kung hindi ko titingnan kahit isa sa mga sulat na ito.

Pero hindi ba, Roxy... may kasabihan na Curiosity kills the cat? Paano kung ikapahamak mo ang pagbubukas ng sulat na 'yan?

Hmp! Iyong isipin na mukhang nasa ibang lugar ako ngayon ay hindi pa ba kapahamakan?

Kaninong sulat ang mga ito? Hindi na ako nagdalawang-isip na damputin ang isang sobre. Binasa ko ang nakalagay na pangalan doon.


To: Rosanna

Biglang bumundol ang kaba sa dibdib ko. Wala sa loob na napahawak pa ako sa tapat ng puso ko. Ang tindi talaga ng kabog ng dibdib ko! Ito na ba 'yun? Nasa ibang panahon na ba ako?

Hawak pa rin ang sobre na nagpalinga-linga ako sa kabuuan ng kuwarto. Gusto kong makasigurado sa nabubuong mga hinala sa isip ko.

May isang aparador na yari sa hindi ko kilalang kahoy sa sulok. Maganda ang pagkaka-ukit ng mga disenyo nito. Halatang pinagbuhusan ng panahon. Muling gumala ang mga mata ko.

May nakita akong upuang yari sa kahoy sa tabi ng kamang hinigaan ko. May kakaiba rin itong disenyo. Iyong tipong nakikita mo sa mga antique shops. May maliit na altar din malapit sa isang bintana sa kabilang panig ng kuwarto. Dala marahil ng kabang nararamdaman ko ngayon ay agad akong napa-sign of the cross.

GOING BACK TO 1945Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon