Pagdating ko sa ibaba ay nakita kong nakatalikod si Goyong. Pinagmasdan ko ang kanyang buhok na nakaladlad ngayong wala ang kanyang sumbrerong pang-heneral. Mula sa mga matitikas niyang balikat at tindig at nang lumingon siya sa akin, ay mas lalong nagsidhi ang aking kahilingan sa kung sinumang nakikinig. Kung sa akin man ninyo ipagkakaloob ang lalaking ito, ay bigyan nawa ninyo ako ng tatag ng loob na harapin ang mga pagsubok na kanyang kaakibat.
"Binibining Remedios, tayo na?" Kami na?
"Tayo na? Ngunit hindi pa naman kita nililigawan upang maging tayo na." Mali! Ang ibig niya atang sabihin ay 'tara na'!
"May balak ka bang ligawan ako? Puwes hindi ako makapapayag." Ramdam ko ang pag-init ng aking mukha, palagi na lamang akong napapahiya sa kanya.
"Ang-ang kapal talaga ng mukha mo." Hindi ako lumapit sa kanya, nawawalan ako ng lakas, maski ang aking pananalita ay malamya.
"Lalaki dapat ang nanunuyo sa isang babae." Napatingin ako sa kanyang sinabi, 'pagkat sumagi sa aking isip na gumawa ng unang hakbang, ngunit sadyang maginoo pala si Goyong.
Inilahad niya ang kanyang palad sa aking harapan, at ibinigay ko naman ang akin bilang ganti. Sa paglalapat ng aming mga palad ay nakaramdam ako ng kiliti dala ng isang kuryente. Nakakagulat, ngunit masarap sa pakiramdam.
Inalalayan niya ako hanggang sa nasa kalsada na kami. Hindi maalis ang tingin ko sa kanyang mukha. Sa unang pagkakataon ay nakikita ko ang ibang Goyong; yung sinsero't totoo.
Isinantabi ko ang aking galit, 'pagkat nais kong namnamin ang mga sandaling ito. Hindi natin masasabi kung kailan ba ang magiging huli.
"Tara na?" Sabay kaming naglakad patungo sa dalampasigan, tahimik lamang kami. Naghahabulan ng tingin, at tulad ng dati ay mabagal, mas matagal na magkasama.
-
DEL PILAR
Nakakaaliw talaga ang bawat kilos ni Remedios, hindi mo talaga mahuhulaan ang kanyang gagawin. Natural na natural lamang siya, para akong nakahinga ng isang sariwang hangin kay Remedios. Ito ang ipinagkaiba niya sa lahat ng kababaihang nakasama ko. Lahat sila ay ginagawa ang lahat upang mapahanga ako, ngunit si Remedios ay natural na hinahangaan ko.
Kailangan ko pa rin gumawa ng paraan upang mapatawad niya ako nang totoo, kaya lang naman siya pumayag na magpasama sa akin, ay dahil ipinag-utos ito ng kanyang ama. Susubukan ko.
Hindi pa rin mawala sa isip ko ang pagpapa-ulan niya ng mga dalanghita. Ngayon, sa tuwing makakakita ko ng prutas na iyon ay tiyak kong maiisip ko si Remedios. Hay! Alam kong mabagal talaga siyang kumilos kaya't pasensyoso ako ngayon sa paghihintay sa kanya.
"Binibining Remedios, tayo na?" Nang makita ko siya sa paanan ng hagdan ay nagliwanag ang aking mukha.
"Tayo na? Ngunit hindi pa naman kita nililigawan upang maging tayo na." Ligaw? Bakit naman pumasok iyon sa kanyang isip?
"May balak ka bang ligawan ako? Puwes hindi ako makapapayag." Labis-labis ang kaligayahang mararamdaman ko kung gagawa siya ng hakbang upang linawin kung ano ang mayroon sa amin, ngunit isa akong maginoo.
"Ang-ang kapal talaga ng mukha mo." Ang sarap mo talang pikunin Remedios, ngunit seryoso ako sa aking sinabi.
"Lalaki dapat ang nanunuyo sa isang babae." Kaya't Remedios, sana'y maging handa ka dahil magpapaalam na ako. Magpapa-alam na sa pagiging hibang sa maraming kababaihan. Susubukan kong gawin kang nag-iisa sa aking puso, 'pagkat iyon ang nararapat sa iyo. Magsisimula na kong manuyo upang makuha ang iyong pagmamahal.
BINABASA MO ANG
Huling Pag-ibig ng Batang Heneral
Historical FictionIto ay naayon sa panahon kung saan nagkaroon ng limang buwang katahimikan at kapayapaan sa Dagupan, Pangasinan bago naganap ang Labanan sa Pasong Tirad. Ang pagsusuyuan ni Del Pilar at Nable Jose sa gitna ng reputasyon ng Batang Heneral. Ngunit ang...