Liham ng Pag-ibig 13

111 5 0
                                    


"Goyong, wala na si Catindig. Ang buhay na kanyang inialay ay nauwi lamang sa wala!" Dalawang linggo na ang nakalilipas nang maganap ang Labanan sa Kakarong de Sili. Napag-iwanan kaming pitong musketeros ng pitpitan na lumalaban. Naiitindihan ko kung bakit mas pinili ng iba ang tumakas kaysa ang mag-alay ng buhay. Ngunit nalagasan kami ng isang kabalikat, hahayaan na lamang ba naming walang managot?

"Siguro nga'y tama si Ama at Ina, masyadong mapusok ang ninais nating tagumpay. Kung nakinig lamang sana ako'y hindi masasawi si Catindig." Maka-ilang beses nang tumutol ang aking mga magulang sa aming pagkikilahok sa digmaan, ngunit masyado akong bilib sa sarili.

"Goyo, walang nagnais na mamatay si Catindig, hindi mo iyon kasalanan!" Kahit na ilang beses pa ninyong subukang pagaanin ang aking loob ay hindi ito kailanman mangyayari.

"Anong hindi? Ginawaran akong tenyente, at pagkatapos ay Capitan para daw sa katapangan, ngunit hindi ba consolacion iyon para sa buhay ni Catindig?" Kasalanan ko ang pagkamatay niya! Ako ang namuno sa aming pito, napakasakit sa aking loob na tanggapin ang iginawad sa akin, 'pagkat buhay ni Catindig ang naging kabayaran.

"Hahayaan ba nating mauwi lang ang kanyang sakripisyo sa wala?" Hindi ko kailanman kayang hayaang lahat ng nagsakripisyo ay mabigo.

"Anong ibig mong gawin, Socorro?" Si Socorro ang katokayo ni Catindig, madalas silang magkasama, kung kaya't alam kong pinakamasakit ito para sa kanya. Siya rin ang aking bayaw.

"Maghiganti tayo sa mga kastila!" Ano bang magagawa ng mga katulad naming Indio?

"Paano naman natin magagawang maghiganti kung isang baril lamang ang mayroon tayo?" Tama ka, Isidro. Wala tayong lakas upang mapatumba manlang ang isang kaaway.

"Takutin natin sila!" Larong pambata na lamang ba ang magiging taktika namin?

"Sinong matatakot na sundalo sa isang putok ng baril, ha? de Jesus?" Gamit ang mga Dios at relihiyon, ay natakot na nila kami. Anong palag ng aming grupo kung isang sambayanan nga ay nasupil nila?

"Sino bang may sabing sundalo ang tinutukoy ni de Jesus?"

"Prayle, Goyo." Ang mga pari?

"Plano mong sumugod sa simbahan?" Kalokohan! Mas mahigpit ang seguridad doon, sila ang alkansiya ng mga mananampalataya. Ayon nga sa isinulat ni tiyo Marcelo'y 'Abaginoong Maria, napupuno ka ng alkansiya.'

"Hindi! Napansin kong may mga prayleng nanggagaling sa bayan ng Mambog patungong Malolos." Lumabas ka sa ating kuta nang walang paalam, de Jesus?

"Kung ganoon ay may mga escolta iyong kasama." Armado ang mga escolta ng mga prayle, mahirap na masupil. Walang pag-asa ang nais ninyong isagawa!

"Goyong, huwag ka namang mawalan ng pag-asa. Tumitingala kaming lahat sa iyo!" Isa-isa kong tiningnan ang mga nangangayayat nilang mukha, nawala na ang sigla nila nang una kaming makilahok sa digmaan.

"Pasencia na." Nahihiya ako sa aking sarili, ako ang pinuno, ngunit hindi ko na magawa pang mamuno. Gustuhin ko man ay napupuno ng consencia ang aking puso.

"Julian, iwanan na natin itong kapatid mo. Hindi nga nararapat sa kanyang ang titulong tenyente!" Anong karapatan mong sabihin iyan, Melencio!

"ANONG SINABI MO?" Sinugod ko siya at hiwakan nang mahigpit ang kuhelyo. Nakaamba na ang aking kamao, ngunit walang pumipigil sa akin.

"PATUNAYAN MO GOYO!" Natigilan ako, hindi dahil hindi ko kayang gawin ang paghihiganti, kung 'di dahil nabuhayan ako ng loob.

"Akin na 'yang baril, patutunayan natin sa mga kastilang iyon na pugad ng matatapang ang kanilang binangga!"

Huling Pag-ibig ng Batang HeneralTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon