Liham ng Pag-ibig 16

39 6 0
                                    

Sa aking sinisintang Binibining Dolores ,

Ito ang unang beses na ako'y sumusulat sa iyo. Hindi ko alam ang aking sasabihin. Kahit sa isang simpleng imahe mo sa aking isipan, ay natutulala ako. Paniwalaan mo sana ang aking pangako sa'yo; magiging atin ang mundo.

Huwag mo sanang pagtak'han ang panimula ng sulat na ito, at pakatandaan ang ating usapan. Wari ko'y sa paraang ito lamang tayo maaaring magpatuloy.

Ibahagi mo naman sa akin kung anong nangyari sa iyong bawat maghapon na tayo'y hindi nagkasama. Nais kong malaman kung ano ang mga nakapagpa-saya, nakapagpa-lungkot, at kung ano pa mang nais mong ibahagi.

Tila hindi ako mapapakali sa pagsulat lamang sa iyo. Nais kitang masilayan, Binibini.

Nananabik sa'yo,

Goyong

-

Remedios

Narito ako ngayon sa bintana at nakamasid sa isang bata na may dalang sobre, kausap si Pepay. Para kanino kaya ang sulat? Ako'y bababa upang malaman.

"At bakit naman hindi derechong ibibigay sa Señorita Dolores ang sulat? Bakit kailangang pumagitna pa ang aking señortia Remedios?" Oh. Marahil ay ito ay galing kay Goyong.

"Napag-utusan lamang naman po ako ng heneral, manang." Lumapit na ako kay na Pepay upang pumagitna. Kawawa naman ang batang ito sa pangkakatisgo ni Pepay.

"Anong kaguluhan ito?" Sabay silang tumingin sa akin, at mas lalo pang nagtaka si Pepay. Pilit kong inalis ang ngiting namumuo sa aking mukha. Dahilan nga sa kagustuhan ni ama na magkalapit si Dolores at Goyong, ay ito ang naging usapan namin.

"Utos daw po ng Heneral na lahat ng sulat na kanyang ipapadala kay Señorita Dolores ay dadaan muna sa inyo. At aba, Señorita Remedios! Dapat daw ay walang makaalam tungkol sa mga sulat na ito." Ang aming usapan ay.. ililihim namin ang pagsuyo niya sa akin. Kung kaya't pati ang mga sulat ay sa pangalan ni Dolores nakapangalan. Para kung sakaling may magtangkang bumasa nito, ay hindi nila ako paghihinalaan.

Nang tinanong ko siya na kung paanong si Dolores mismo ang makabasa ng mga sulat? Ang sabi niya'y ipinabatid na raw niya kay Dolores ang kanyang nararamdaman para sa akin. Ngayong araw nga ay itinakda kong kausapin si Dolores tungkol dito. Sana'y pumayag siya.

"Sige na, hijo. Maaari ka ng umalis. Ako na ang bahala rito." Nagbigay-galang siya sa akin at tumingin pa nang masama kay Pepay, at nagtatakbo na. Pinaling ko naman ang aking atensyon kay Pepay.

"Pepay... hindi na lamang kasambahay ang turing ko sa iyo; kaibigan kita, hindi ba?" Dumistancia siya, at tila ba napagtanto ang nais kong mangyari.

"Señorita, hindi ko kayo isinumbong kay Don Mariano 'pagkat hindi ko gustong magkagulo kayong mag-ama, ngunit ibang bagay na ito." Nilapitan ko siyang muli, at sinapo ang kanyang mga kamay.

"Pepay, alam ko naman ang kagustuhan ni ama, at.. at kasalanan ko rin naman kung bakit iyon nangyari. Pero, hahayaan mo na lamang bang magdusa ang dalawang tao, lalo't higit na kaya mo naman silang tulungan?" Alam ko rin namang hindi kayang biguin ni ama si Dolores. Inaasahan ni ama na ako'y magpaparaya.

"Señorita naman.." Tinimbang-timbang niya ang mga kamay naming magkahawak. Paki-usap, Pepay.

"Tulungan mo kami Pepay, paki-usap. Tatanawin kong isang malaking utang na loob ito, hanggang sa kamatayan. Pangako." Hindi ko mapigilan ang aking mga luha sa kagustuhan kong pumayag si Pepay. At hindi niya ako binigo.

Tumatango-tango siya habang nakangiti. "Nakausap nyo na ho ba ang Señorita Dolores?"

Kinabukasan

Huling Pag-ibig ng Batang HeneralTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon