Liham ng Pag-ibig 15

141 8 3
                                    

Remedios

"Kahanga-hanga pala talaga ang tala ng iyong buhay, Heneral." Tapos na ang pagdiriwang at pauwi na ang aming pamilya. Nagpapa-alamanan sina Ama at Goyong, muli ay hindi ko nanaman siya makakasama sa paglalakbay pauwi. May salo-salo daw kasi sa tahanan ni Gobernador Quesadas.

"Pasensya na po kayo, Don Mariano, 'pagkat, muli ay hindi ko kayo masasamahan pabalik sa tahanan ninyo. Hayaan ninyo, at escolta naman ninyo ang ilan sa aking mga kawal." Tumingin sa akin si Goyong at saka umalis. Ano ba naman ito!

"Humayo na tayo." Nauna nang maglakad sina Inay Paz at ang aking mga kapatid kasunod ni Ama, habang ako nama'y mag-isang naglalakad sa huli. Parang walang patutunguhan ang kung anumang nangyayari sa pagitan namin ni Goyong. Ni hindi man lamang siya humingi ng kapatawaran sa ginawa niya sa akin pagkatapos naming magtungo sa talon.

"Señorita Remedios!" Lumingon ako sa saliw ng aking pangalan at naabutan ng paningin ang isang kawal na humahangos patakbo sa akin. Maging sina Ama ay napatigil sa kumosyon.

"Don Mariano." Hinubad niya ang kanyang sombrero at nagbigay-galang kay Ama.

"Ano ang iyong kailangan sa aking anak?" Nanlaki ang mata ng kawal at parang ulinong nagpaikot-ikot ang paningin.

"May naiwan po ang binibini sa may Plaza." Naiwan? Mayroon nga ba? Tiningnan ko ang aking katawan hanggang paa, ngunit wala naman akong ibang bitbit patungo rito kung 'di itong aking panyo at abaniko.

"Bakit hindi mo na lamang dinala dito upang isunod?" Tama, bakit hindi na lamang niya dinala ang aking naiwan? Tuloy, ay napagod lamang siya.

"Ah.. 'personal' na gamit po kasi iyon at hindi ko po nais na bahidan ng aking pawis." Personal na gamit? Ano ang mayroon sa personal na salita at binigyan niya ito ng diin? Wala akong maintindihan sa nais niyang ipahiwatig.

"Ganoon ba? Siya Remedios, kuhanin mo na ang iyong naiwan at bumalik ka kaagad dito. Maghihintay kami sa iyo." Ano? Pumayag si Ama na ako'y magbalik sa Plaza? Ngunit iyon ay napakalayo na!

"Ah.. Don Mariano, hindi ninyo na po kailangang maghintay pa. Kami na po ang maghahatid sa binibini, sinisigurado po namin ang kanyang kaligtasan, sa ngalan ng aming Heneral." Naka-kunot ang mga kilay ni Ama, at pinag-iisipang mabuti ang pangako ng kawal.

"Mas maigi nga. Humayo na kayo, at baka abutan pa kayo ng dilim sa daan pabalik." Hindi ako babalik sa Plaza, 'pagkat wala naman talaga akong nawaglit na gamit.

"Ngunit, wala naman akong naiwan."

"Mayroon po talaga, señorita!" Pinanlalakihan ako ng mata ng kawal na tila ba nagsusumamong makinig na lamang ako sa kanya. Ano ba ang nangyayari?

"Huwag mo nang ipangalandakan ang iyong pagka-burara Remedios. Sumama ka na sa kanila." Hindi ko man alam kung ano ang nagaganap ay sumama na lamang ako sa kawal, at kasabay niyon ay ang pag-alis na rin nila Ama. Ano ba ang pinagsasa-sabi ng kawal ni Goyong?

Napaka-layo na pala ng aming nalakad. Dios Mio naman, baka makita pa ako ni Goyong at pagtawanan ako kung kanyang malalaman ang dahilan sa aking pagbalik.

Naugtol ang aking paglalakad nang biglang tumigil ang kawal sa paglakad. Tila may hinihintay siya, ngunit dapat ay makarating na kami sa Plaza 'pagkat magdidilim na.

Pagsasabihan ko na sama ang kawal upang magpatuloy nang bigla akong nawindang. Hindi ko nais, ngunit sumunod lamang ang aking mga paa sa paghigit sa aking kamay.

Pilit ko itong hinila pabalik sa akin at nagulat nang si Goyong pala ang tao sa likod ng mapangahas na kilos.

"Goyong!" Nanlalaki ang aking mga mata sa takot kasabay ng pagluwag ng aking dibdib. Ibig bang sabihin ay siya ang personal na pag-aaring aking naiwan?

Huling Pag-ibig ng Batang HeneralTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon