"Remedios!" Nagmamadali pa rin sa paglalakad sina Remedios, at tila hindi naririnig ang aking pagtawag.
"Remedios! Remedios." Hinablot ko ang kanyang kamay, at a pagkakataong ito'y nakuha ko na ang kanyang atensyon.
Nagtagpo ang aming mga mata.. at para akong.. nabitag, ngunit hindi ko nais na makawala. Ang luwalhati'y sobrang nakagiginhawa. Kung hindi lamang sa ginawang pagbawi ni Remedios ng kanyang kamay, ay hindi rin ako bibitaw.
"Kanina ko pang sinusubukang kuhanin ang inyong atensyon, ngunit daig nyo pa ang kuneho sa bilis." Inaayos-ayos niya ang kanyang balabal, at muling lumayo sa akin.
"Huwag mo na muling gagawin iyon, lalo na't narito lamang tayo sa sitio kung saan marami ang nakakikilala sa aming angkan. Mahirap na.." Ang buong akala ko pa naman ay parehas ang aming nadama sa pagtatagpo ng aming mga mata, ngunit ako lamang pala ang nagkagusto.
"Pacencia na, Binibini." Nagtataka niya kong tiningnan, at ibinaling ko naman palayo sa kanya ang aking mukha. Nakapagtatampo.
"Binibini..? Nasaktan ko ba ang damdamin ng 'ISANG AGUILA'?" Oo, Remedios, ngunit hindi ko na ito palalakihin pa, 'pagkat mas higit ang kagustuhan kong makasama ka, kay sa sa kung anong tampo.
"Alam mo.. tayo'y humayo na, 'pagkat nais kitang makasama nang mas matagal."
Remedios
Sana.. katulad mo rin ako Goyong. Malayang sabihin ang nararamdaman. Hindi iniinda ang sasabihin ng mga tao. Alam kong sinabi kong huwad ang iyong tapang, ngunit unti-unti kong ng nakikita ang dahilan kung bakit marami ang humahanga sa iyo. Gusto ko rin na makasama ka nang mas matagal, at makilala ang bawat mukha mo.
"Señorita!" Nagkukumahos na humabol si Pepay mula sa aming likuran. Siya'y naglalakad nang malayo sa amin, 'pagkat hindi nya raw nais masaksihan ang aming 'nakasusukang' pagtitinginan.
"Anong problema, Pepay?" Aba! Bakit ganito ang ngiti niya sa akin? Sobrang laki, at may pag-impit pa siya ng buhok sa likod ng kanyang tainga. Akala mo pa'y nagpipigil ng ihi sa paggalaw-galaw.
"Anong nangyayari sa kanya?" Hindi ito umiimik, at parang hangal na ihina-haba ang kanyang nguso. Nahipan ba ito ng masamang hangin? Tumingin kami sa direksyon ng kanyang nguso, at ito'y sa puwesto ng siopao-wan.
"Sio-siopao? Siopao iyan?" Agad siyang tumabi sa akin, at yumakap sa aking braso.
"Señorita, hindi pa ho kasi ako nakatitikim niyon!" Nagkatinginan kami ni Goyong at nagtawanan. Si Pepay naman ay kumalas na sa akin, at naunang magtungo sa tindahan. Kaway siya nang kaway sa amin.
"Siopao! Siopao kayo! Ito mura, ito sarap!" Lumapit na kami ni Goyong, 'pagkat sa mukha ni Pepay ay magmamaktol na ito.
"Magandang araw po. Pagbilhan po." Tiningnan ng tinderong Tsino si Goyong, mula ulo hanggang paa, at ngumiti ito, at halos hindi na makita ang mga mata.
"Ilan?" Itinuon ni Pepay ang kanyang tingin sa naguusok na lutuan ng siopao, tila nais tumulo ng kanyang laway!
"Tatlo lamang po." Ngayon naman ay tumulis ang kanyang tingin kay Goyong. Kanina lamang ay pagkalambot ng kanyang pagtingin.
"Señorita, tig-iisa lamang tayo? Pagsa-kuripot naman pala nitong si heneral.." Sa akin pa nagpasaring itong si Pepay! Ililibre na nga lamang tayo ay nagrereklamo ka pa.
"Ikaw gandang lalaki, ikaw bili dami." Tila nanlaki naman ang mga tainga ni Goyong sa halata namang pambobola ng tindero.
"Anim na ho." Napatakip ng kanyang bibig si Pepay, na ani mo'y hindi makapaniwala. Nakakatuwang pagmasdan na nagkikilos bata itong si Pepay. Sabagay, labing-apat na taong gulang pa lamang naman siya.
BINABASA MO ANG
Huling Pag-ibig ng Batang Heneral
Historical FictionIto ay naayon sa panahon kung saan nagkaroon ng limang buwang katahimikan at kapayapaan sa Dagupan, Pangasinan bago naganap ang Labanan sa Pasong Tirad. Ang pagsusuyuan ni Del Pilar at Nable Jose sa gitna ng reputasyon ng Batang Heneral. Ngunit ang...