CHAPTER 10: Famous

99 15 11
                                    

JEDD CHRISTOPHER

HALOS sabay-sabay kaming napatingin sa nagsalita, si Prof. Chua pala na kararating lang. Itong mga babae ay parang mga tigre na biglang umamo at agad na nagsi-alisan. Pinagpag ko 'yung suot kong jacket, baka narumihan o may kung ano'ng nilagay ang mga 'yon. Ano ba'ng problema nila? At pinagkaguluhan kami ng ganito? Sandali akong sumulyap sa mga babaeng papalayo, halata sa mukha na kinikilig ba o ano. May nag-flying kiss pa. Shet, ano'ng nangyayari sa earth?

Natigil ako sa pag-iisip nang hatakin na ni Rain ang kaliwang braso ko papasok sa loob ng classroom. Ilang metro na lang din ang layo ng Prof. namin. Parang mga aliping takot-takot 'yung iba naming kaklase, mababakas at makikita mo 'yon sa pagnumukha nila.

Umupo na kami, 'tulad ng dati ay magkatabi ang upuan namin nitong si Rain. Nasa harap na rin ang general Prof. namin at may kung anong binuksang libro. Tila naman may naalala siya kaya't ang dala nitong bag ay ipinatong nito sa lamesa, binuksan at may kung anong mga bagay do'n na kinuha.

"Kapag tinawag ko ang pangalan ninyo, tanggapin n'yo ang ibibigay ko."

"Yes, Sir!" halos sabay na tugon ng lahat, maliban sa akin.

Isa-isa niya na ngang tinawag ang mga nandito. Habang ginagawa niya 'yon, nagmasid muna ako sa paligid. Paisa-isa kong pinagmasdan itong mga kaklase ko at sa bandang gilid, sa may unahan ay nakita ko 'yung nakipag-usap sa akin na nagngangalang Rose. Saktong napatingin siya sa kinaroroonan namin at ngumiti. Napatango lamang ako at ibinaling ang tingin sa iba pang direksyon.

"Jedd Christopher," tumayo ako dahil pangalan ko na ang nabanggit.

Nang matunton, iniabot nito ang isang parihabang papel na medyo makapal, CSU Card at isang gadgyet na malamang, ito 'yung magsisilbing telepono sa loob ng campus habang kami ay nag-aaral dito. Lahat ng mga ito ay nakita ko na sa pagmamay-ari nung Harry na kausap lang din ni Rain kanina. Bumalik na 'ko sa kinauupuan ko at walang emosyong inilapag ang mga bagay na 'yon sa desk ng silya ko.

"Iyang mga ibinigay ko ang magsisilbi ninyong gamit at sandata habang kayo ay naninirahan at nag-aaral sa Crime State University. Hindi pupuwedeng hindi n'yo dala 'yan sa lahat ng oras. May mga pagkakataon o emergency na magagamit n'yo 'yan kaya't maging responsable kayo. Diyan sa parihabang papel, naglalaman 'yan ng Card Information about sa inyo. Nandiyan din mismo ang contact number ninyo. Puwede n'yong bigyan ang ilang kakilala ninyo, sakaling may kailangan kayo sa isa't isa. Ang CSU Card naman ay ang magsisilbi ninyong credit card o sabihin na nating pera dito sa loob ng campus. Huwag kayong mag-alala, libre at naglalaman 'yan ng five hundred thousand pesos," paliwanag nito.

Halos mamangha ang lahat dahil nga sa hindi makapaniwala sa kanilang natanggap. Ako naman ay nagtataka, ang layo nito sa tuition fee na binabayaran namin every semester or year. Sandali kong sinulyapan si Prof. Chua, pinagmamasdan pala ako nito at mukhang sinusuri ang magiging reaksyon ko. Ibinalik ko ang tingin sa mga bagay na nasa harapan ko. May magagawa pa ba ako? Sa ngayon, kailangan ko munang manahimik pero aalamin ko ang misteryoso at ilang lohikal kung bakit ganito, sabihin na nating masuwerte ang mga nag-aaral dito. Suwerte nga ba? Saan sila kukuha ng ganito kalaking pera? At ipinapagamit ng libre? Kataka-taka talaga pero... Pero kailangan ko munang makisabay.

"Pahingi ako ng isang CSU Information mo," bigkas ko kay Rain.

Agad niya namang iniabot iyon. In-open ko ang device na parang makalumang selpon ang dating. Hindi naman nalalayo ang system nito sa ordinaryong gadgyet. Idinayal ko ang numero ni Rain na lilimang piraso lang. Hanep, ibang bansa ang datingan.

Detective Section (Ongoing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon