“WE’RE very sorry pero wala nang balak ang company na i-renew pa ang contract mo, Archie. We hope na maintindihan mo…” Natigalgal si Archie sa sinabi ng boss niya sa Precious Life—isang publishing company ng Tagalog novel sa bansa. Nangunguna palagi ang mga aklat ng naturang company dahil sa mga sikat na writer na meron ito.
Nasa condo unit niya si Archie kung saan siya nakatira sa kasalukuyan. Nakaupo sa swivel chair sa harap ng kaniyang working table. May laptop doon, picture frame na ang nakalagay ay picture niya at ng nobyang si Lianne. Nakangiti si Lianne habang siya ay nakahalik sa pisngi ng babae. Magulo at makalat ang kaniyang unit. Nagkalat ang mga punit at nilamukos na papel sa sahig. Puno na ang trash bin niya ng samo’t saring basura. Makapal na ang alikabok ng mga gamit niya. Pati ang kama niya ay wala na ring kaayusan. Nasa sahig na ang kumot at ang unan ay natanggalan na ng mga punda. Bukod sa bahay niya, pati ang kaniyang hitsura ay wala na rin sa ayos. Magulo ang buhok niya. Kahit ang pagsusuklay ay nakalimutan na niyang gawin. Sa pagkakatanda niya ay dalawang araw na ang nakakaraan simula ng maligo siya. Nangangalumata ang mata niya dahil sa puyat.
Isang linggo na siyang ganito. Kaharap ang laptop at nagsusulat ng kwento. Inaatake siya ng writer’s block pero pinipilit pa rin niyang magsulat para may maipasa at magkaroon ng pera. May masisimulan pero hindi rin matatapos. Naiisip niya na baka hindi bumenta ang plot kaya mag-iisip siya ng panibago. Gagawa ng draft sa notebook. Pupunitin o pipilasin at lalakumusin kapag hindi niya nagustuhan.
“B-boss, bakit naman? Seryoso ba 'yan?”
Isang buwan na lang at tapos na ang kontrata niya sa Precious Life. Walong taon din siyang naging contract writer sa naturang publishing company. May hinala na siyang bibitawan na siya ng Precious Life. Mabagal na siyang magsulat at hindi na ganoon kabenta ang mga sinusulat niyang nobela. Halos langawin na ang booksigning niya. Pero kahit may hinala siya na ganoon ay umaasa siya na iisipin ng boss niya na may talent naman siya kaya papapirmahin pa rin siya nito ng kontrata.
“Hindi ko ginagawang biro ang ganitong bagay, Archie. To be honest, hindi na bumebenta ang mga books mo. Na-pull out na nga ang iba sa mga bookstores at nakatambak na lang sa warehouse.”
Masakit para sa kaniya ang narinig. Mas lalo tuloy siyang na-down. “Pero, boss, m-may sinusulat akong bagong kwento ngayon. Malakas ang kutob ko na bebenta ito. Sci-fi na may romance! Hindi pa ako nakakapagsulat nito. Maganda ang plot at ang mga characters! Maku-curious ang mga readers ko kasi hindi pa ako nagsusulat ng ganitong genre!” Huminga ng malalim si Archie. Nakaramdam siya ng awa sa sarili. Para kasing nagmamakaawa siya. “Boss, bigyan mo pa ako ng chance… Please?”
“Archie, eight years ka sa amin at hindi kami nagsisisi na napunta ka sa amin. Pero marami nang mas batang writer ngayon. Mas fresh ang ideas nila at iyon ang gusto ng mga mambabasa. Keep that novel na sinasabi mo at ipasa mo sa ibang publisher. Hindi na namin matatanggap iyan. Sorry…”
Napakagat siya sa pang-ibabang labi. Kaya pala maraming kinuhang batang writer ang boss nila. Marahil ay wala na nga siyang pwesto sa publishing company na Precious Life. Tanggapin na lang niya na laos na siya, hindi na mabenta at wala nang readers. Masakit pero iyon ang totoo.
BINABASA MO ANG
Kung 'Di Rin Lang Ikaw
RomanceHanda ka bang masaktan ng paulit-ulit para sa taong mahal mo? Mamahalin mo pa rin ba siya kahit alam mong sa huli ay iiwan ka rin naman niya?