SATURDAY. Ito na ang araw na pinakahihintay ni Lianne. Ang araw kung kailan makikita na niya ng personal si Mr. ArchAngel. Maaga siyang nagising kahit ala-una pa ng hapon ang simula ng event sa SM North EDSA. Kailangan din talaga niyang gumising ng maaga dahil manggagaling pa siya ng Calamba. Palagi pa naman traffic kapag papunta sa Maynila.
Masigla siyang kumain ng agahan at napansin ng nanay at tatay niya ang pagiging masaya niya ng umagang iyon. Sa simple nilang bahay ay kasama niyang nakatira ang mga magulang at ang nag-iisa niyang kapatid na bunso na si Lance. Sampung taon ang edad nito.
“Bakit parang ang saya mo yata ngayon, Lianne?” usisa ng tatay niya.
“E, paano, papa, makikita na niya 'yong crush niyang writer sa BookPad!” At talagang alam na alam ni Lance kung sino ang crush niya, ha.
Namula ang mukha niya nang tiningnan siya ng mama at papa niya. “Lance!” Pinandilatan niya ng mata ang kapatid.
“Totoo ba iyon, Lianne?” ang nanay niya. “Makikipag-date ka sa crush mo?”
“Hindi po, mama!” Mabilis niyang sagot. “Pupunta po kasi ako sa booksigning ng favorite author ko sa BookPad. Sa SM North EDSA po. Before lunch ay aalis na po ako. Kasama ko naman si Charity, 'ma. Kaya sana ay payagan ninyo ako ni papa. Please…”
“Naku, huwag ninyo pong payagan si ate. Lalandi lang po iyan doon,” singit ni Lance na para bang alam na nito ang pinagsasabi.
“Hindi po ako lalandi. Papapirmahan ko lang po iyong mga books ko kay Mr. ArchAngel!”
Excited na excited siya pero hindi pa pala siya nakakapagpaalam.
“Okay. Basta, mag-iingat ka. At pagkatapos ng booksigning ay umuwi ka na.”
“Yes! Thank you, papa!” Kulang na lang ay magtatalon siya sa sobrang saya.
Binelatan niya si Lance dahil hindi ito nagtagumpay na huwag siyang payagan.
Pagkatapos nilang mag-almusal ay nagprisinta siyang maghugas ng mga pinagkainan. Kailangan niyang magpakitang-gilas at baka bawiin pa ng mga magulang niya ang pagpayag ng mga ito. Binilisan niya ang ginagawa at naligo na siya. Talagang nagkuskos siya ng maigi para mawala ang libag sa katawan niya. Hindi niya rin kinalimutan ang mag-toothbrush. Matapos maligo ay kinuha na niya ang damit na susuotin niya. Isang kulay baby pink na blouse na may katernong palda na ganoon din ang kulay. Hanggang tuhod niya ang haba ng palda. Itinali niya ang kaniyang buhok sa likod at naglagay ng clip sa magkabilag gilid. Naglagay din siya ng face powder at lip tint na light red ang kulay. Siyempre, hindi niya makakalimutan ang paglalagay ng pabango. Babaunin niya ang pabango para maglalagay ulit siya niyon mamaya kapag nasa event na siya. Dapat ay mabango siya sa unang pagkikita nila ni Mr. ArchAngel.
Nakalagay na sa isang paper bag ang mga aklat ni Mr. ArchAngel. Kagabi pa lang ay inihanda na niya iyon para hindi siya aligaga ngayong umaga.
Lumabas na si Lianne sa kaniyang kwarto. Nagpaalam na siya sa kaniyang mga magulang at nagtungo sa bahay nina Charity na katapat lang ng bahay nila. Dire-diretso lang siya sa pagpasok hanggang sa salas. Kilala na kasi siya doon.
Nakita niya ang nanay ni Charity na lumabas ng kusina. “Good morning po, tita. Si Charity?” Magiliw niyang tanong.
“Nagbibihis pa sa kwarto niya, e. Sandali… Charity!!! 'Andito na si Lianne! Bilisan mo na diyan!” Malakas nitong sigaw.
“Sandali lang!” sagot ng kaibigan niya mula sa kwarto nito.
Maya maya ay lumabas na rin sa wakas si Charity. Nakasuot ito ng kulay pulang dress na medyo sikip dito. Muntik pa siyang matawa sa naisip.
BINABASA MO ANG
Kung 'Di Rin Lang Ikaw
RomanceHanda ka bang masaktan ng paulit-ulit para sa taong mahal mo? Mamahalin mo pa rin ba siya kahit alam mong sa huli ay iiwan ka rin naman niya?