BUKAS ang telebisyon at nakaupo si Lianne sa sofa sa tapat niyon. Pli-nay siya sa Netflix ang paborito niyang series pero wala doon ang kaniyang mata at atensiyon kundi na kay Archie na sa kasalukuyan ay nasa kusina at nagluluto. Gusto niya sana itong tulungan sa pagluluto pero kuntodo ito sa pagtanggi. Baka daw kung mapaano siya sa kusina kaya sinabi nito na manood na lang siya sa Netflix. Carbonara ang lulutuin nito at sa pagkakaalam niya ay hindi nito iyon kayang lutuin. Specialty niya iyon at sarap na sarap si Archie kapag iyon ang niluluto niya kaya nakakapagtaka na ayaw nito siya ang magluto ng carbonara. Ito pa talaga ang pumwesto sa kusina para gawin iyon.
“Okay ka lang diyan, hon? You need my help?” Hindi napigilang tanong ni Lianne dahil kanina pa niya napapansin na parang nahihirapan ito. Kunot na ang noo ni Archie at sa hitsura nito ay ramdam niyang hindi ito sigurado sa ginagawa.
Tumingin si Archie sa kaniya. Puno ng pawis ang mukha nito. “Okay lang ako, hon. Relax ka lang diyan.” Kinindatan pa siya ni Archie.
“Sa tingin ko, hindi ka okay, e.” Hindi na nagpapigil si Lianne at tumayo na siya. Dire-diretso siya sa may kusina. Kumuha ng tissue at pinunasan sa mukha ni Archie.
“Hon, hon, hon! Stop!” Hinawakan nito ang kamay niya.
Buong pagtatakang kumunot ang noo niya. “Ginagawa ko naman sa iyo ito dati, a. Bakit parang ayaw mo na ngayon?” Balisa ang mukha ni Archie. Kanina pa niya ito napapansin na ganoon.
Kinuha nito ang tissue sa kamay niya at ito na ang nagpunas ng pawis nito. “Ang sabi ko kasi ay prinsesa ka ngayong araw na ito, 'di ba? Pagsisilbihan kita. Gusto ko na wala kang gagawin. Uupo ka lang. Magre-relax. Naisip ko kasi na ikaw na lang ang palaging nag-aasikaso sa akin kapag nandito ka sa condo unit ko. This time, hayaan mo na lang na ako naman ang gumawa niyon sa iyo. Huwag ka nang magtampo at mag-isip ng kung anu-ano. Okay?” Kinurot pa nito ang tungki ng kaniyang ilong.
“Pero—”
“Hon, please…”
Tiningnan niya ito ng diretso sa mata. Sa wari niya ay nagsasabi naman ng totoo si Archie. Kaya tumango-tango siya. “Okay, sige.” Ngumiti na siya. “Babalik na ako sa panonood ng TV. Pero sure ka ba na kaya mong magluto ng carbonara?”
“Yes. Minamaliit mo yata ang powers ng Youtube, e!”
Natawa si Lianne nang makita niya ang cellphone ni Archie na nakapatong sa table. May naka-pause na Youtube video doon. Tutorial ng pagluluto ng creamy carbonara.
Inakbayan siya ni Archie. “Pero siyempre, may twist ang pagluluto ko. Carbonara ala Archie!” Iginiya na siya ng nobyo sa paglalakad pabalik sa sofa. Talagang may paghawak pa ito sa braso niya habang nakaakbay na para bang isa siyang matanda na nahihirapan nang maglakad.
Gusto na naman sana niyang mag-react sa pag-alalay nito pero pinili na lang ni Lianne na tumahimik. Hinayaan na lang niya si Archie sa ginagawa nito. Baka nga nais lang nito na ituring siyang “prinsesa”.
Pero sa loob niya ay talagang kinikilig siya ng husto kay Archie ngayon. Sweet naman ito madalas pero extra sweet ito ngayong araw na ito. Sabagay, deserve niya naman siguro ang ginagawa nito sa kaniya dahil anniversary nila.
-----ooo-----
SA wakas ay natapos na si Archie sa pagluluto ng carbonara. Inayos na niya ang lamesa. Naghain na siya at tinawag niya si Lianne upang kumain na silang dalawa.
“Wow! Mukhang masarap, ha!” Nakangiting puna ni Lianne sa niluto niya.
Pagkaupo nito ay nilagyan niya ng carbonara ang pinggan nito. Sinalinan na rin niya ng iced tea ang baso nito bago niya nilagyan ang kaniya. Magkatabi sila sa upuan. Gusto niya kasi ay malapit siya kay Lianne. Ayaw na ayaw niyang malayo dito upang maprotektahan niya ito kung sakaling may mangyaring hindi maganda dito. Hindi niya kayang tumahimik hangga’t hindi natatapos ang araw na ito.
BINABASA MO ANG
Kung 'Di Rin Lang Ikaw
RomanceHanda ka bang masaktan ng paulit-ulit para sa taong mahal mo? Mamahalin mo pa rin ba siya kahit alam mong sa huli ay iiwan ka rin naman niya?