PAGKAMULAT ng mga mata ni Lianne kinabukasan ng umaga ay kinapa niya agad ang cellphone sa may side table. Pupungas-pungas pa siya nang buksan ang kaniyang Facebook at nagtaka siya dahil sa dami ng notification na meron siya. Kakaiba iyon dahil maswerte na merong lima o tatlong notification siyang natatanggap pagkagising niya sa umaga. Halos sumabog din ang friend request niya sa dami at sunud-sunod din na pumasok ang mga messages sa Messenger mula sa mga taong hindi niya kilala.
Anong meron? Nagtataka niyang tanong sa sarili.
Upang masagot na ang kaniyang tanong ay binuksan na niya ay isa-isa niyang binuksan ang messages sa Messenger…
From Cathy Yap: Ang landi mo, 'te! Layuan mo si Mr. ArchAngel namin!
From Witty Anna: Feeling mo bagay kayo ni Mr. AA? No! Ang chaka mo!
From ForeverAA: Panget mo naman para lumapit sa Mr. AA namin. Ang laki ng mata mo, girl!
Puro mga ganoong mensahe ang nabasa ni Lianne. Sinasabi ng mga ito na malandi siya at maharot. Layuan daw niya si Mr. ArchAngel. Nagtataka siya kung saan nanggagaling ang galit ng mga ito. Baka naman may nakakita sa kanila ni Archie na kumakain ng lomi noong madaling araw at ipinakalat? Grabe pa naman ang fan girls ni Mr. ArchAngel kapag nagagalit. Talagang makikipagpatayan ang mga ito sa social media!
Sunod niyang tiningnan ang notification. Puro comments sa picture kung saan siya naka-tag ang mga iyon. Scroll down siya nang scroll down hanggang sa makita niya ang isang notification na iti-nag siya ni Mr. ArchAngel sa isang picture. Friends na sila noon pa kaya lang hindi sila nagkaka-chat bilang friends. Sa pagkakatanda niya, china-chat niya lang ito kapag may bago itong labas na book o kaya ay nakabili na siya ng book nito. Magpapasalamat lang ito at hanggang doon lang iyon.
Ano kayang picture ang ti-nag sa kaniya ni Archie at nagkakagulo ang mga fans nito ngayon? Mukhang galit na galit pa sa kaniya.
Parang ayaw niya tuloy makita ang naturang picture pero baka hindi siya makatulog kapag hindi niya makita. Kaya kahit may pag-aalinlangan ay cli-nick niya pa rin ang notofication na may iti-nag si Archie na picture sa kaniya.
Impit pa siyang napatili nang pindutin iyon at mabilis na pumikit. Ibinukas din niya agad ang mata para makita ang litratong iti-nag ni Archie. Natigilan siya at wala sa sariling napangiti nang makita ang picture. Iyon ang selfie nila sa phone ni Archie bago sila umalis ng lomihan. Nagsuot ng mask si Archie sa picture. Kaya pala ito nagsuot dahil i-u-upload nito iyon. Medyo nahihiya ang ngiti niya doon. May caption na tatlong puso na kulay pula ang picture na iyon.
Ipinilig ni Lianne ang ulo. Mukha na siyang tanga sa pagkakangiti niya nang mag-isa. Isa pa, hindi siya dapat ngumiti dahil nagwawala ang mga fan girls ni Archie dahil sa kaniya. Ang akala yata ng mga ito ay girlfriend siya ni Archie.
Binasa niya ang mga komento sa picture…
Sana all!
Hala! Saan 'yan? Swerte naman ni ate girl! Kainggit!
GF mo siya, Kuya AA? Bagay kayo!
Ang plastik naman ng mga comment. Pero sa Messenger niya ay halos isumpa siya ng mga ito. Kulang na lang ay sugurin siya sa bahay nila at sunugin ng buhay.
Pero dapat ay maintindihan niya ang mga ito dahil isa rin siya sa fan girls ni Mr. ArchAngel. Maswerte nga lang siya dahil nagkalapit sila ng paborito nilang manunulat.
-----ooo-----
WALA pang pasok si Lianne ng araw na iyon kaya nakahiga lang siya sa kaniyang kwarto. Nakahilata at naghihintay ng message o tawag ni Archie. Kahit late na siya nakatulog ay hindi siya inaantok dahil hindi pa rin siya maka-move on sa pagkikita nila nito. Pakiramdam niya ay nasa ulap pa rin siya. Hindi muna niya tinitingnan ang Messenger niya para makaiwas sa bad vibes. Puro pictures na lang nila ni Archie ang tinitingnan niya. Ginawa na nga niyang wallpaper iyong kuha nila sa phone niya tapos wala itong suot na mask.
BINABASA MO ANG
Kung 'Di Rin Lang Ikaw
RomanceHanda ka bang masaktan ng paulit-ulit para sa taong mahal mo? Mamahalin mo pa rin ba siya kahit alam mong sa huli ay iiwan ka rin naman niya?