Chapter Three

761 33 6
                                    

DIRE-DIRETSO si Lianne sa pagpasok sa activity center ng SM North EDSA. Pagpasok niya ay hinarang pa sila ni Charity ng guard. Kailangan daw ng bagong book ni Mr. ArchAngel bago makapasok kaya ipinakita niya agad ang kopya niya. Pinapasok siya pero si Charity ay hindi dahil wala itong bagong book ni Mr. ArchAngel.

“Sige na, friend! Pumasok ka na. Hintayin na lang kita dito. Alam ko naman na matagal mo itong hinihintay, e!” Nakangiting turan ni Charity sa kaniya.

Tumango siya habang nakangiti kahit medyo naaawa ito para sa kaibigan dahil maiiwan ito sa labas. Aba, hindi rin biro ang pinagdaanan nila para makapunta sa event na ito. Una, nasiraan ang tricycle na sinakyan nila palabas ng kanilang baranggay kaya napilitan sila na maglakad. Hinabol sila ng aso at natagalan ang pagpupuno ng bus bago iyon umalis. Hindi pa doon natapos ang kamalasan nila dahil inabot sila ng traffic sa daan. Bigla kasing umulan kaya mas lalong bumagal ang pag-usad ng mga sasakyan.

At pagkatapos ng ilang oras na biyahe, sa wakas ay nakarating na sila dito. Hanggang ala-singko ng hapon ang event at thirty minutes na lang ay ala-singko na. Umabot pa naman siya. Sa tingin niya…

Tumakbo na si Lianne sa nakita niyang pila. Mangilan-ngilan na lang ang tao na naroon. Marahil ay umalis na ang iba matapos makapag-papirma ng mga aklat nila kay Mr. ArchAngel.

May stage sa unahan at ang lakas ng kabog ng dibdib niya nang masilayan niya ang isang lalaki na nakaupo at pumipirma sa mga book. Siguardo siyang si Mr. ArchAngel iyon!

Akmang pipila na siya sa dulo nang harangin siya ng isang babae na may masungit na mukha. “Miss, may number ka ba?” tanong nito. Talagang nakaismid sa kaniya kahit wala siyang ginagawang hindi maganda dito.

“Number?” Kunot ang noo ni Lianne. “Ah, number! 0916—”

“Hindi cellphone number. Number sa pila!”

“Ha? Kailangan pa ba no’n?”

“Yes. Kapag may number ka, pwede kang pumila dito at magpapirma ng books mo. Limited lang sa one thousand person ang pipirmahan ni Mr. ArchAngel dahil pagod na siya. Nasaan ang number mo, miss?” Inilahad nito ang isang kamay.

“W-wala akong number, e. Saan ba kumukuha niyon?”

“Sa akin!” sagot ng babae.

“Pahingi ako!”

“Wala na. Last na iyang nasa unahan mo.” Kinalabit nito ang babaeng nasa unahan niya sa pila at ipinakita nito na hawak nito ang number 1000. Humalukipkip ang babae sa kaniya. “Umalis ka na lang sa pila, miss. First come, first serve kasi dito.”

Bumagsak ang balikat ni Lianne. Kung ganoon, nauwi sa wala ang lahat ng pinagdaanan niyang kamalasan para lang makita ng malapitan si Mr. ArchAngel. Pero hindi siya pwedeng mawalan ng pag-asa. Paano kung hindi na maulit ang booksigning event na ito? Hindi siya dapat sumuko!

“Ate, baka naman pwedeng payagan mo na akong pumila. Sige na…” Pasimple siyang naglabas ng one hundred pesos sa bulsa. “'Eto. Bibigyan kita ng one hundred. Payagan mo lang ako. Please…”

Umiling ang babae. “Hindi ako nababayaran. Ang rules ay rules. And besides, kung papayagan kita pati sila ay papayagan ko na rin.” Itinuro nito ang isang kumpol ng mga babaeng nakasimangot. “Hindi sila umabot sa 1000 person. Unfair naman sa kanila kung pagbibigyan kita, 'di ba? Kaya kung ako sa iyo, kung gusto mo ng karamay sa pagmumukmok, sumama ka na sa kanila.”

Mukhang wala na nga siyang magagawa kundi ang tanggapin na hindi ito ang tamang panahon para magtagpo na sila ni Mr. ArchAngel. Malungkot siyang umalis sa pila at tumayo sa isang sulok habang nakatingin kay Mr. ArchAngel. Hindi siya makalapit dahil may nakaharang na mga steel fence na mababa lang naman. Tapos may mga guwardiya pa. Iilan na lang din ang nakapila. Marahil ay lima na lang. Tinatapos na lang talaga ang isang libong tao.

Kung 'Di Rin Lang IkawTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon