Chapter Seven

588 38 8
                                    

TWO YEARS AFTER…

Napansin ni Lianne ang pabalang na pagbagsak ni Archie sa bag nito sa sofa pagkapasok nila sa condo unit ng huli. Tila pagod na pagod itong umupo doon, isinandal ang likod at marahang hinilot ang sariling noo habang nakapikit. Alam niyang pagod talaga si Archie dahil kakagaling lang nito sa Manila International Book Fair sa SMX Convention sa Manila. Nagkaroon ito ng booksigning doon. Sinamahan niya si Archie bilang pagsuporta dito.

Nilapitan niya si Archie. Pumwesto siya sa likuran ng sofa. Dumukwang siya at inalis ang kamay nito sa noo. Siya na ang marahang nagmasahe sa noo nito at sentido.

“Mukhang pagod na pagod ka, hon…” aniya.

Two years ago ay niligawan siya ni Archie. Dahil sa gusto rin naman niya ang lalaki ay sinagot niya ito agad. Isa iyon sa pinaka masayang araw sa buhay ni Lianne. Biruin mo, ang dating iniidolo niyang manunulat sa BookPad ay naging boyfriend niya. Sobrang saya talaga!

Simula nang maging magkasintahan sila ay mas nakilala niya si Archie. Sweet ito at maaalahanin. Damang-dama niya ang pagmamahal nito sa kaniya. Palagi nitong sinasabi na isa siya sa inspirasyon nito sa pagsusulat. Mula sa apartment ay lumipat na ito sa isang rent to own na condo dito rin sa Calamba. Mas okay iyon kesa sa apartment na nagbabayad ito buwan-buwan pero hindi naman magiging kay Archie pagdating ng araw.

Nasaksihan din ni Lianne ang journey nito bilang writer. Full time writer na ito. Palagi siyang kasama sa mga booksigning kapag pwede siya. Nag-aaral pa kasi siya sa kursong Mass Communication. Kahit papaano ay naisisingit pa rin naman niya ang hobby na photography. Pinagkakakitaan din niya iyon minsan kapag may kumukuha sa kaniya na photographer sa iba’t ibang event. Pwede na rin pandagdag sa gastos niya sa school.

“I am not tired, hon. I’m disappointed,” sagot ni Archie.

“Disappointed? Saan?” Kumunot ang noo niya.

“Sa sarili ko! Nakita mo naman iyong pumunta sa booksigning ko, 'di ba? Sobrang kakaunti compare sa mga booksigning ko dati.” Panay pa ang kumpas ng kamay nito habang nagsasalita.

“Hon, normal lang iyon kasi MIBF iyon. Maraming ibang authors ang kasabay mong mag-booksigning kaya nahati siguro ang mga pumunta sa iyo. Ano bang iniisip mo? Na maunti na ang readers mo?”

“Yes! Ano pa nga ba?”

“Ano ka ba? Huwag mong isipin iyan. Okay pa ang sales ng books mo. Naubos kaya 'yong stocks na dala ng Precious Life. May mga naghahanap pa nga, e. Nakita ko.”

Napailing si Archie. “Ewan ko… Feeling ko pabagsak na ang writing career ko. Simula nang magpakita ako ng mukha ay parang nawala na ang interes sa akin ng mga tao,” anito. Hindi na kasi nagsusuot ng face mask si Archie simula nang malantad sa social media ang mukha nito. Kahit sa booksigning ay ipinapakita na nito ang mukha.

“'Wag kang magsalita ng ganiyan. Nasasaktan kasi ako kapag nakikita kitang down na down, e…” Malungkot na pahayag ni Lianne. Lumipat siya sa tabi nito at hinawakan ang magkabilang pisngi para iharap sa kaniya. Binigyan niya ito ng mabilis na halik sa labi. “'Andito pa ako. Mawala man ang lahat ng readers at fans mo, ako pa rin ang magiging number one fan mo, Mr. ArchAngel!”

Napangiti niya si Archie sa sinabi niya. Umungot ito na parang isang batang naglalambing. “Payakap nga ako, hon!” Ibinuka nito ang mga braso.

Hindi naging madamot si Lianne at binigyan niya nang mahigpit na yakap ang nobyo.

“Salamat talaga at nandiyan ka, Lianne. Hindi ko alam ang gagawin ko kung wala ka. Baka sumuko na ako. Salamat at hindi mo ipinaparamdam sa akin na mag-isa ako,” anito pa. “Huwag mo akong iiwanan, ha?”

Kung 'Di Rin Lang IkawTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon