NAMUMUGTO ang mata at nakatulala si Archie habang tinitingnan si Lianne sa loob ng kabaong nito. Hindi siya makapaniwala na patay na ito. Hindi niya matanggap na wala na ang kaniyang minamahal na kasintahan. At sa mismong araw pa ng kanilang anniversary ito binawian ng buhay…
Ngunit ang ipinagtataka niya ay parang nakita na niya ang kamatayan ni Lianne. Hindi nga lang niya masiguro kung panaginip lang iyon o nangyari na talaga at bumalik lang siya ng araw na iyon. Tapos nangyari ulit ang pagkamatay ni Lianne.
Naguguluhan siya. Para na siyang masisiraan ng ulo sa kakaisip.
May tumapik sa balikat niya. “Archie, magpahinga ka na muna. Alam kong wala ka pang pahinga…” Kahit hindi niya tingnan ay alam niya na nanay ni Lianne ang nasa tabi niya.
“Kasalanan ko ang lahat… H-hindi ko napigilan ang kamatayan ni Lianne. Buhay pa sana siya ngayon…” Nakatulala at wala sa sariling sabi niya. Hindi niya inaalis ang mata kay Lianne na akala mo ay natutulog lang sa loob ng kabaong.
Marahil ay isang pangitain ang nangyari—iyong unang pagkamatay ni Lianne. Ang problema ay binalewala niya iyon. Wala siyang ginawa. Pakiramdam niya tuloy ay namatayan siya ng dalawang magkasunod pero sa iisang tao lang. Ang sakit! Parang gusto na rin niyang mamatay para magkasama sila ni Lianne. Wala nang saysay ang buhay niya kung wala ito. Si Lianne na lang ang meron siya pero hinayaan lang niya itong mawala sa kaniya.
“Huwag mong sisihin ang sarili mo, Archie. Masakit man na tanggapin pero hanggang dito na nga lang siguro ang buhay ng anak ko. Tao lang tayo at wala tayong kakayahan na mapigilan ang kamatayan kahit gustuhin man natin.”
Napatingin si Archie sa nanay ni Lianne. Parang gusto niyang sabihin dito ang hindi maipaliwanag na pangyayaring kaniyang naranasan. Iyong nakita niya ang kamatayan ni Lianne na hindi niya alam kung panaginip, isang pangitain o nangyari talaga at bumalik siya sa nakaraan kaya nangyari ulit. Kaya lang siya na rin ang pumigil sa sarili na sabihin iyon. Baka kasi maguluhan pa ang nanay ni Lianne. Alam niyang nagpapakatatag lang ito ngayon kahit ang totoo ay labis din ang kalungkutan nito.
“Magpahinga ka na, Archie. Maaari mong gamitin ang silid ni Lianne,” anito.
Marahan siyang tumango. “Sige po, tita...” Sinunod na lang ni Archie ang gusto nito.
Isa pa, medyo nakakaramdam na rin siya ng pagod at antok.
Umalis na siya sa tabi ng kabaong ni Lianne. Hindi na siya kailangang samahan ng nanay ng kaniyang nobya sa kwarto nito dahil alam na niya kung nasaan iyon.
Pagpasok niya sa kwarto ni Lianne ay isinara niya ang pinto. Pagharap niya para sana humiga na sa kamang naroon ay natigilan si Archie. Sinakluban siya nang labis na kalungkutan nang makita ang mga bagay na nasa kwarto ng namayapang nobya.
Nakatambak sa pang-isahang kama ni Lianne ang mga stuffed toys na ibinibigay niya dito. Mahilig kasi sa stuffed toys si Lianne lalong-lalo na sa teddy bears. Kaya kahit walang okasyon ay binibigyan niya ito. Gustung-gusto niya kasi ang ngiti nito kapag binibigyan niya ito ng stuffed toys. Pero kahit kailan ay hindi na niya makikita ang mga ngiting iyon dahil wala na ito. Iniwan na siya ni Lianne.
Ang pakay niya kaya siya nandito ay upang makapagpahinga pero imbes na iyon ay gawin niya ay napaiyak na naman siya. Napahagulhol siya dahil bumuhos ang alaala nila ni Lianne nang igala niya ang tingin sa paligid ng kwarto…
“Hon, anong theme ng kasal ang gusto mo?” Mula sa kung saan ay naitanong iyon ni Archie kay Lianne habang nakadapa sila sa kama ng huli. May laptop sa harapan nila at nanonood sila ng pelikula na “A Second Chance”.
Ang kasalukuyan kasing eksena sa pinapanood nila ay ang pagpapakasal nina Basha at Popoy kaya niya siguro iyon naitanong.
Kunot ang noo na tinapunan siya ng tingin ni Lianne. “Ha? Nakapanood ka lang ng ikinakasal, kasal agad ang tinatanong mo?” Natatawa nitong turan sabay balik ng mata sa pinapanood.
BINABASA MO ANG
Kung 'Di Rin Lang Ikaw
RomanceHanda ka bang masaktan ng paulit-ulit para sa taong mahal mo? Mamahalin mo pa rin ba siya kahit alam mong sa huli ay iiwan ka rin naman niya?