“LIANNE!” Kinakabahang napabalikwas ng bangon si Archie ng umagang iyon. Mas lalong tumindi ang kaba niya nang pagtingin niya sa tabi niya ay wala roon ang kaniyang nobya. Kung anu-ano agad na mga negatibong bagay ang pumasok sa utak niya kaya napatakbo siya palabas ng kaniyang silid.
Napahinto siya nang pagbukas niya ng pinto ay may naamoy siya. Mabango. Parang kinikiliti ang kaniyang ilong ng amoy ng pinipritong tocino. Unti-unting nawala ang kaba niya. Natagpuan na lang niya ang sarili na naglalakad papunta sa kusina. Tumigil siya sa paghakbang. Nakatayo lang siya malapit sa kusina. Mula doon ay nakikita niya si Lianne. Nakatayo ito at nakaharap sa lutuan. Nakatali ang buhok paitaas habang abala sa niluluto nitong tocino. Alam niyang iyon ang niluluto nito dahil sa amoy.
Hindi niya namalayan na may luhang naglalandas na sa magkabila niyang pisngi.
Tama ba ang kaniyang iniisip? Nalagpasan ni Lianne ang November 30 nang hindi ito namamatay?
Walang anu-ano’y napalingon si Lianne sa may gawi niya. Mabilis niyang pinalis ang luha sa mukha. Akala mo ay araw na nagpaliwanag sa umaga ang ngiting ipinukol nito sa kaniya.
“Good morning, hon!” Iniwan nito ang niluluto at nilapitan siya upang yakapin.
“G-good morning d-din…” Kandautal niyang sagot.
Tiningnan nito ang mukha niya habang naka-ikot ang mga kamay sa batok niya. “Hanggang ngayon ba ay weird ka pa rin, hon? Kahapon ka pa, ha. Ano ba talaga ang nangyayari sa iyo?” Medyo natatawang tanong ni Lianne.
Marahan siyang umiling. “Wala. Masaya lang ako kasi hindi mo pa rin ako iniiwan.”
“Ha? At bakit naman kita iiwan? Walang reason para iwanan kita, 'no. I’ll stay no matter what.”
“Teka, ano bang date ngayon?”
“December 1. Bakit?”
Magsasalita pa sana siya nang may maamoy siyang parang nasusunog. “'Yong tocino mo!” bulalas niya habang nanlalaki ang mata.
“Ay!” sigaw ni Lianne.
Akmang tatakbo ito patungo sa lutuan nang maalala niya na baka hindi pa rin tapos ang lahat. Kaya mabilis niyang hinawakan sa braso si Lianne at hinila papunta sa kaniya. “Huwag! Ako na!” pigil niya at siya na ang pumunta sa lutuan.
Pinatay niya ang gas stove at inalis ang kawali na naroon. Tiningnan niya ang tocino. Sa tingin niya ay pwede pa naman iyon na makain.
“Sorry, hon… Nasunog ko.” Kagat ang mga daliri na nilapitan siya ni Lianne.
“It’s okay. Ang importante ay safe ka. What if mapaso ka no’ng ikaw ang lumapit. Paano kung sumabog 'yong kalan tapos ano… tapos—”
Hinawakan ni Lianne ang magkabila niyang pisngi. Nanlaki ang mata ni Archie. “Hon, hindi ka na lang weird. Paranoid ka na rin!” tawa nito.
“Hon…” Nangilid ang luha ni Archie habang nakatingin sa magandang mukha ni Lianne. Tumatakbo sa isip niya na hindi na niya kayang mawala ulit ito sa kaniya. Hindi na niya kayang makita pang mamatay ito mismo sa harapan niya.
Gusto niyang sabihin kay Lianne ang alam niya at ang nangyayari sa kaniya. Pero alam niya na hindi siya nito papaniwalaan. Ginawa na niya noong una pero hindi ito naniwala. Ayaw na din niyang magkaroon ito ng takot na mamamatay na ito. Siya na lang ang gagawa ng paraan para mailigtas ito.
“Hon?” May pagtatakang tanong ni Lianne nang pumatak ang mga luha niya.
Pilit siyang tumawa. Umiling sabay punas sa luha. “M-masaya lang ako na kahit hindi ako perfect na boyfriend ay hindi mo pa rin ako iniiwan. Alam kong this past few days ay sobrang init palagi ng ulo ko. Nasisigawan kita, itinataboy dahil sa gusto kong makatapos na ulit ng nobela. Sa sobrang tutok ko sa trabaho ko ay napabayaan na kita, Lianne. And I am so sorry for not being perfect.” Madamdamin niyang pahayag.
BINABASA MO ANG
Kung 'Di Rin Lang Ikaw
RomanceHanda ka bang masaktan ng paulit-ulit para sa taong mahal mo? Mamahalin mo pa rin ba siya kahit alam mong sa huli ay iiwan ka rin naman niya?